"SASAMA ka sa kaniya sa sabado?!"
Pinanlakihan ni Alaina ng mga mata si Lilian. "Ang lakas ng boses mo," saway niya sa kaibigan. Hapon na at nasa loob sila ng opisina dahil pareho nilang break. Sa totoo lang ay matagal pa niya pinag-isipan kung sasabihin ba sa babae ang tungkol doon o hindi. Sa huli naisip din niya na dapat niyang sabihin kay Lilian ang nangyayari. Pati na rin ang lihim na hindi niya sinabi rito at kay Lucas. After all, ang dalawa ang maituturing niyang matalik na mga kaibigan.
"Pero Alaina, kahit na super hot siya ay ilang araw pa lang mula nang sumulpot siya rito. Hindi mo siya kilala at hindi mo alam kung saan ka niya dadalhin. Paano kung mga human trafficer pala sila at sinusuyo ka lang para kidnapin?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Lilian.
"Kung totoo iyon, bakit ako ang binibiktima nila? Palagi lang naman ako nasa kusina. E di dapat ikaw kasi mas maganda at mas sexy ka sa akin," argumento ni Alaina.
"Kahit na."
Huminga siya ng malalim at sinalubong ang tingin ni Lilian. "Lil, kilala nila ako. At ang sabi nila kilala ko rin sila. Sa tingin ko iyon ang totoo. Hindi ko naaalala pero nararamdaman ko."
Kumunot ang noo ng kaibigan niya. "Anong ibig mong sabihin?"
Muling huminga ng malalim si Alaina at saka sinabi kay Lilian ang tungkol sa aksidente na kinasangkutan niya. Pati ang selective amnesia niya. Ipinaliwanag niya sa kaibigan niya lahat. At least, iyong mga sinabi sa kaniya ng papa niya. Gusto pa rin niya iyon paniwalaan. Subalit sa likod ng isip niya ay nagkakaroon na ng mga pagdududa. Talaga bang sa car accident sa pilipinas siya nasangkot? Kung hindi totoo na walang masyadong nangyari sa mga buwan na hindi niya matandaan posible bang pati ang aksidente ay hindi totoo?
Pagkatapos niyang sabihin ang lahat ay napanganga si Lilian. "Wow. Parang teleserye ang buhay mo, Alaina."
Napailing siya. "Hindi naman no. Bihira ang kaso ko pero nangyayari pa rin ito sa reyalidad. Isa pa hindi ko pa rin alam kung sino si Randall sa nakaraan ko. Kaya gusto ko sumama sa kaniya sa sabado. Wala pa si papa at kung hindi ko sa kaniya maririnig ang totoo kay Randall ko itatanong kung ano ang nangyari sa mga buwan na hindi ko maalala."
"Hindi pa ba obvious kung ano siya sa buhay mo noon?" manghang tanong ni Lilian.
Natigilan si Alaina. "Ano?" nausal niya dahil sa totoo lang, deep inside ay may hinala na siya.
"You were lovers! Iyon lang ang nakikita kong kahulugan ng mga titig niya sa iyo Alaina. Kaya kung wala kang interes sa kaniya ngayon huwag ka sumama. Hintayin mo ang papa mo at sa kaniya mo itanong ang totoo."
Kung walang interes ngayon... Sumikdo ang puso ni Alaina at hindi nakasagot. Subalit mukhang sapat na ang pananahimik niya para mahulaan ni Lilian ang katotohanan. Namilog ang mga mata nito at umawang ang mga labi.
"Oh my, interesado ka sa kaniya. Hindi lang dahil kilala ka niya noon," bulalas pa ng babae.
Nag-init ang mukha ni Alaina at tumayo na. "Tapos na ang breaktime natin," paiwas na sagot niya.
Tumayo rin si Lilian. "Alaina, kung talagang may interes ka sa kaniya at lumalim ang feelings mo, sabihin mo kay Lucas ha? I want you to be honest with him. Masasaktan siya pero mas mabuti na iyong malalaman niya kaagad. Okay?" seryosong sabi nito.
Napatingin siya sa kaibigan niya. She smiled softly. "Alam ko." Tumango si Lilian. Ilang sandaling pinakatitigan niya ang babae bago hindi nakatiis at nagsalita rin, "Alam ko rin ang nararamdaman mo, Lil." Nanlaki ang mga mata ng kaibigan niya at namutla. Napailing si Alaina. "Hindi mo kailangan mamutla ng ganiyan. Don't worry, ako lang ang nakakaalam. Saka iyong tungkol sa sinabi ko sa iyo, huwag mo muna sasabihin kahit kanino ha? I will tell Lucas next time. Babalik na ako sa kusina ha?"
BINABASA MO ANG
REMEMBER YESTERDAY
RomanceNa kay Randall Qasim na ang lahat - A sole heir of a billion-dollar Oil Empire, with good looks that all women crave for, and every material things that money can buy. Pero sa loob ay kasing lamig at walang buhay ng isang mannequin si Randall, kumik...