Napakunot noo si Alaina nang mapansin ang dalawang lalaki sa di kalayuan na nakatingin din kay Randall pero hindi tulad ng iba ay walang paghanga sa mukha ng dalawa. Masyadong seryoso ang ekspresyon sa mukha ng dalawang lalaki at sa hindi maipaliwanag na dahilan ni Alaina ay bigla siyang kinabahan. Subalit nang kumurap naman siya ay hindi na nakatingin ang dalawa kay Randall at naglakad pa nga palayo sa kanila. Nakahinga siya ng maluwag at napailing. Napa-paranoid lang ako dahil sa kuwento ni Randall na nangyari sa kaniya noon. Idagdag pa ang mga balitang napapanood ko sa tv.
"Alaina," tawag ni Randall sa kaniya.
Agad na hinamig niya ang sarili at nakangiti nang tumingin sa binata na naglalakad na palapit sa kaniya. Inilahad nito ang kamay. "Let's go back," aya nito.
Nakangiti pa ring tinanggap ni Alaina ang kamay ni Randall. Muli ay nilakad nila ang pathway at iginala ang tingin sa makulay na Miracle Garden hanggang makabalik sila sa parking lot kung saan naghihintay ang kanilang sasakyan na ininspeksiyon muna ni Salem bago sila pumasok. Pagkatapos ay bumiyahe na sila papunta sa Non Global Village.
NAPANGIWI si Alaina nang mapagtanto ang kaniyang pagkakamali nang isuhestiyon niyang doon sila magpunta. Mas marami kasing tao roon kumpara sa Miracle Garden at nakita niya kaagad ang pagkailang nina Randall at Salem nang ihimpil nila ang sasakyan sa punong-punong parking lot.
"Huwag na lang tayo tumuloy. Bumalik na lang tayo sa apartment namin ni papa at doon na lang tayo kumain. Magluluto ako. Masarap ako magluto," sabi ni Alaina.
Pinakatitigan ni Randall ang mukha niya at ngumiti siya upang ipakita rito na talagang okay lang sa kaniya na bumalik na sila sa apartment. Subalit umiling ang lalaki at pinisil ang braso niya. "Today is your birthday. Gusto kitang i-treat ng masarap na lunch na hindi ikaw ang nagluto. We will save your cooking for next time. Besides, I want to experience walking on a beach and watching sunset with you. Let's go."
"But Master Randall," reklamo ni Salem.
"We're going out, Salem," utos nito.
"Kung sa tingin ni Salem hindi ligtas para sa iyo huwag na tayo tumuloy," giit ni Alaina.
Ikinulong ng binata ang mukha niya sa mga palad nito at pinakatitigan siya. "I want to do this, okay?"
Bago pa makasagot si Alaina ay umibis na sasasakyan si Salem at lumapit sa pintong nasa tabi ni Randall. Bahagya na lang tuloy siyang ngumiti. "Okay."
Ngumiti si Randall at mabilis siyang hinalikan sa mga labi bago binuksan ni Salem ang pinto at bumaba na rin sila ng sasakyan. Naglakad-lakad muna sila sa bay area kung saan nakahilera ang mga restaurants at katapat ang beach sa di kalayuan para humanap ng makakainan. Sa isang Meditteranean restaurant sila pumasok. Open restaurant iyon katulad ng iba pang kainan doon. Pumuwesto sila sa lamesa kung saan natatanaw nila ang dagat. Iginiit ni Alaina na samahan sila ni Salem sa lamesa. "It's my birthday. Please? It's weird that you are with us but you are far away. People will speculate. You have to blend in, right?" argumento niya.
Nagkatinginan sina Randall at Salem bago marahang tumango ang una at iminuwestra ang isang silya para sa bodyguard. Tahimik na umupo ito roon. Matamis nang napangiti si Alaina. "Umorder na tayo," masigla pang sabi niya at kinuha ang atensiyon ng isa sa mga waiter.
"Alam mo na balang araw, hindi mo puwedeng pilitin ang bodyguard na maging ganito kalapit sa atin. Lalo na kapag nasa harap tayo ng mga tao sa social circle ng pamilya ko," sabi ni Randall.
"Anong balang araw?" tanong niya.
"When you are already my wife." Nag-init ang mukha ni Alaina at napatitig sa mukha ni Randall. Umangat ang gilid ng mga labi nito at kumislap sa amusement ang mga mata. "What, you don't want to marry me?"
Lalong tumindi ang pamumula ng mukha niya. "A-ang aga namang proposal niyan. Kailangan ko muna magtapos ng pag-aaral, pumasok sa isang culinary school, magkaroon ng experience sa isang five star hotel at kailangan ko muna maitayo ang pangarap kong restaurant bago ako magpakasal," usal niya kahit pa halos lumobo na sa tuwa ang puso niya.
Napangisi si Randall. "Huwag ka mag panic. Hihintayin kita hanggang matupad mo ang mga pangarap mo. Ako rin ay marami pang kailangan patunayan sa pamilya ko at sa mga taong nakaasa sa akin bilang susunod na lider ng Oil Empire ng pamilya ko. I just want to make sure that you know I'm serious about you."
May humaplos na init sa puso niya at matamis na napangiti. "Alam ko, Randall." Ilang sandaling nagkatitigan lang sila bago lumapit ang waiter at kinailangan nilang ituon sa pag-order ang atensiyon nilang dalawa. Ayaw humawak ng menu ni Salem kaya siya na lang ang umorder ng pagkain nito. Habang naghihintay ng pagkain ay tila may naisip si Randall at biglang kinausap sa Arabic si Salem. Tumango ang bodyguard at biglang tumayo. Gulat na napatingala si Alaina. "Where are you going?"
"May pupuntahan lang siya sandali. Don't worry about it," si Randall ang sumagot. Umalis na si Salem at taka na lamang siyang napasunod ng tingin dito bago muling bumaling sa lalaking nasa harap niya.
"Saan siya pupunta?" tanong niya.
Ngumiti si Randall at inabot ang kamay niyang nakapatong sa lamesa. "Surprise."
Naningkit ang mga mata ni Alaina at magtatanong pa sana pero dumating na ang mga pagkain nila. Saglit nga lang ay bumalik na sa lamesa nila si Salem. Iyon ay matapos niyang masulyapan na nasa counter ang bodyguard at tila may sinasabi sa isang staff. Sulyap lang kasi agad na hinawakan ni Randall ang mukha niya at iniharap dito na para bang ayaw nitong makita niya kung ano ang ginagawa ni Salem sa counter.
"Ano ba talaga iyon?" pangungulit ni Alaina nang kumakain na silang tatlo.
Umiling si Randall. "Don't mind it and just enjoy the food, birthday girl."
Napangiti na lang tuloy siya at itinutok ang atensiyon sa pagkain. Tapos na sila kumain nang biglang may pumailanlang na masiglang tunog sa buong restaurant. Sumikdo ang puso ni Alaina at nanlaki ang mga mata nang biglang magsimulang lumapit ang mga waiter sa lamesa nila at nagsimulang kumanta ng happy birthday song. Pagkatapos ay lalo siyang namangha nang makita ang malaking cake na nakapatong sa isang trolley at tinutulak ng isang staff palapit sa lamesa nila. May mga kandilang nakasindi sa ibabaw ng cake.
"Happy birthday, happy birthday, happy birthday to you," ngayon ay awit at palakpak na ng lahat ng nasa restaurant. Napatingin siya kay Randall at nag-init ang mga mata niya nang makita na ngiting ngiti si Randall.
"Mabuti na lang, nakabili kaagad si Salem ng birthday cake," sabi pa ng binata na ginagap ang kamay niya at pinisil iyon. "Happy birthday."
Natapos ang awitin at nagpalakpakan ang lahat. Inudyukan siya ng mga waiter na hipan ang birthday candles at nakangiting tumayo si Alaina at hinipan ang mga iyon. Pagkatapos ay nakangiting lumapit siya kay Randall at niyakap ito ng mahigpit. "Thank you," usal niya.
Niyakap rin siya nito at hinalikan ang buhok niya. "My pleasure. Because I love you."
Tuluyan siyang naluha at lalo pang hinigpitan ang yakap sa binata. "I love you too. This is the best birthday I ever had. Thank you, Randall."
Naramdaman ni Alaina ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ng lalaki sa buhok niya. "No problem."
BINABASA MO ANG
REMEMBER YESTERDAY
RomanceNa kay Randall Qasim na ang lahat - A sole heir of a billion-dollar Oil Empire, with good looks that all women crave for, and every material things that money can buy. Pero sa loob ay kasing lamig at walang buhay ng isang mannequin si Randall, kumik...