DALAWANG linggo ang matuling lumipas matapos ang gabi ng kaarawan ni Randall. Pero mula ng gabing nagkausap silang dalawa tungkol sa damdamin nila ay hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Alaina na makalapit muli sa binata. Paano ay palagi nitong kasama si Diana Medici na hindi tulad ng ibang mga bisita ay nagpaiwan sa mansiyon upang magbakasyon daw.
Palagi tuloy naaalala ni Alaina ang eksenang nakita niya noong umagang nagtungo siya sa pool area upang magpahinga sandali. Naramdaman niya na may nakatingin sa kaniya noon kaya napatingala siya. Natatandaan niya na ang saya pa niya nang makitang si Randall ang nakatayo sa may staircase at nakatingin sa kaniya. Nanigas lang ang ngiti sa mga labi niya nang makitang kumapit sa braso ng lalaki si Diana Medici. Natakot siyang makita ng dalawa ang reaksiyon niya kaya napatakbo siya paalis sa swimming pool.
Bukod doon ay hindi pa maiwasan ni Alaina ang ma-depress sa mga usap-usapang kumakalat sa mga helper. Na si Diana Medici daw ay fiancée ni Randall kaya nagpaiwan. At magkatabi pa raw ang silid na inookupa ng dalawa. Subalit sa tuwing nagsisimulang magduda ang utak niya ay agad na hinahamig ni Alaina ang sarili. Dahil nagdesisyon siyang magtiwala sa damdamin nila ni Randall sa isa't isa. Hindi siya maniniwala sa kahit anong naririnig niya maliban na lang kung sa binata iyon mismong manggagaling.
But still... miss na miss ko na siya, himutok niya sa isip habang nagpupunas ng mga nahugasan ni Elisa. Noon biglang pumasok sa kusina si Rosy. "Nanghihingi ng juice si Lady Diana para sa kanila ni Master Randall. Nasa library sila," sabi ng babae.
Agad na umalerto si Alaina at nakakita ng pagkakataong makita si Randall kahit sandali lang. Mabilis na lumapit siya kay Rosy. "Ako na lang ang magdadala ng inumin nila," boluntaryo niya.
Nagulat si Rosy. "Sigurado ka? Masungit ang dalawang iyon. Mukha lang anghel si Lady Diana pero ubod ng maldita. At si Master Randall naman ay lalong sumungit at dumilim ang mukha mula ng matapos ang birthday niya. Baka masinghalan ka."
"Kaya ko, promise," mabilis na sagot niya. At para hindi na makatanggi si Rosy ay mabilis na siyang naghanda ng juice para kay Diana. Magsasalin na rin sana siya para kay Randall nang matigilan at magbago ang isip niya. Himbis na juice ay pinagtimpla ni Alaina ng kape ang lalaki. Pagkatapos ay inakyat na niya ang mga iyon sa ikalawang palapag bago pa siya makita ni Ma'am Yolly at mapigilan siya.
May pakiramdam kasi siya na ang mayordoma ang gumagawa ng paraan para hindi sila magkakitaan ni Randall. Tuwing nasa dining table ang lalaki inuutusan siya palagi ng may-edad na babae na may kuning kung ano sa servant's quarters. Kapag naman nasa swimming pool si Randall at Diana may inuutos ito na dahilan kung bakit nasa kusina siya maghapon. Naiintindihan niya kung bakit ginagawa iyon ni Ma'am Yolly. Pero ilang linggo na lang aalis na sila ng kaniyang ama at gusto niyang makita si Randall ng mas madalas para may madala naman siyang alaala bago ang susunod nilang pagkikita.
Ngumiti si Alaina nang makita sina Salem sa tapat ng pinto ng library. Mukhang nagulat pa ang bodyguard nang makita siya at parang may bumakas na relief sa mukha nito bago siya pinagbuksan ng pinto. "Thank you," bulong niya kay Salem bago tuluyang pumasok sa library.
"Come on, why can't we go out? Your father promised me that you will tour me around. I have been here for two weeks and you haven't done anything for me. You haven't even kissed me," maktol ni Diana na bumungad kay Alaina.
Napatingin siya sa isang bahagi ng library kung saan nakaupo sa leather couch si Randall at nakatutok ang tingin sa binabasang papel. Si Diana naman ay nakaupo sa gilid ng center table at nakayuko sa lalaki. "I'm busy. If you are bored then go home," malamig na sagot ni Randall.
Sumimangot si Diana. Tumikhim si Alaina dahilan kaya napatingin sa kaniya ang babae. Pilit siyang ngumiti. "Here are the drinks you requested," sabi niya.
Biglang lumingon sa direksiyon niya si Randall na para bang nakilala kaagad ang boses niya. Ang kanina ay madilim na anyo nito ay napalis. At dahil nakatingin din si Alaina sa lalaki kaya nagtama ang kanilang mga mata. Nakita niya ang kislap ng mga emosyon sa mga mata ni Randall. Sumikip ang dibdib niya at may bumikig sa lalamunan niya. Kinailangan niyang kagatin ang loob ng ibabang labi niya upang huwag lamang mausal ng malakas ang pangalan nito.
"Put it here," biglang utos ni Diana kaya naalis ang tingin niya kay Randall. Napaderetso ng tayo si Alaina nang makita ang naniningkit sa pagdududang tingin na ipinupukol ng babae sa kaniya at kay Randall. Huminga siya ng malalim at naglakad palapit sa lamesa. Tumayo si Diana at umupo sa tabi ng lalaki. May kumutkot sa dibdib niya nang makita sa gilid ng mga mata niya ang pagdikit ng katawan ng babae sa katawan ni Randall subalit kinalma niya ang sarili. Inilapag niya sa lamesa ang baso ng juice at ang tasa ng kape.
"I didn't ask for coffee," sikmat ni Diana sa kaniya.
"It's fine. I prefer coffee," biglang sabi ni Randall na inabot pa ang tasa at sumimsim doon. Matalim na tinapunan siya ng tingin ni Diana kaya nayakap ni Alaina ang tray.
"Diana. I'll tour you around Jumeirah Islands so go and change," sabi ng lalaki kaya napunta rito ang atensiyon ng babae na masayang ngumiti.
"At last! Ah, I need someone to carry my things okay? I'm going shopping," masiglang sabi ni Diana na tumayo na at tila hindi nakikita si Alaina na lumabas na ng library.
Pagkapinid ng pinto ay inilapag ni Randall ang tasa sa lamesa at tumingala sa kaniya. Lumambot ang ekspresyon sa mukha nito. "Alaina," usal nito sa pangalan niya sa tinig na nagpainit ng mga mata niya.
"Randall," mahinang tawag din niya sa pangalan nito.
Umangat ang kamay nito at hinawakan ang kamay niya. Nakagat ni Alaina ang ibabang labi sa pagpipigil maiyak sa halo-halong emosyong nadarama niya ngayong ganito siya kalapit kay Randall.
"I missed you," bulalas nito at marahan siyang hinatak palapit hanggang makaupo na siya sa tabi nito.
"Ako rin," bulong ni Alaina.
Hinigit siya payakap ni Randall at walang pagdadalawang isip na gumanti siya ng mahigpit na yakap at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. Naramdaman niyang hinalikan nito ang tuktok ng ulo niya. "I'm sorry na hindi tayo nagkakaroon ng oras para sa isa't isa. My father asked me to entertain her and I tried to resist but it was no good. Even though all I want to do is to be with you."
Tiningala niya ang lalaki at bahagyang ngumiti. "Okay lang. Alam ko na hindi rin madali sa iyo ang sitwasyon. Makita lang kita na gaya ngayon, masaya na ako."
Pinakatitigan siya ni Randall bago yumuko at ginawaran siya ng masuyong halik sa mga labi. "Talaga bang sapat na iyon sa iyo?" bulong nito sa mga labi niya.
Nawala ang ngiti ni Alaina at marahang umiling. Huminga ng malalim si Randall at humigpit ang yakap sa kaniya. "This is also not enough for me."
Mahabang katahimikan ang lumipas na magkayakap lamang sila ng ganoon. Napaigtad lang si Alaina nang makarinig sila ng yabag sa labas. Kumalas siya kay Randall at katatayo pa lamang niya nang muling bumukas ang pinto. "I'm ready!" bulalas ni Diana. Sabay silang napatingin ni Randall sa babae na muling naningkit ang mga mata habang nakatingin sa kanilang dalawa.
Tumayo si Randall. "Let's go." Si Alaina naman ay ibinaba ang tingin at nagsimulang maglakad patungo sa pinto upang umalis na.
"Wait," biglang pigil ni Diana sa kaniya. Gulat na napalingon siya sa babae. "I need a helper to carry my shopping bags. Come with us," pautos na sabi nito.
Hindi nakahuma si Alaina at nanlalaki ang mga matang napatingin kay Randall na mukhang nagulat din sa sinabi ni Diana. Nang muli niyang ibalik ang tingin sa babae ay nakataas na ang kilay nito. "What? I can't command the helpers here?"
Napakurap si Alaina at nahamig ang sarili. "I apologize for my reaction. Then I will accompany you today," sagot na lamang niya.
"Good," taas ang noong ngumiti si Diana.
Pasimpleng sumulyap si Alaina kay Randall sa huling pagkakataon. Nakita niyang na-tensiyon ang lalaki at mukhang hindi nagustuhan ang naging desisyon ni Diana na isama siya. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ng lalaki upang iparating dito sa pamamagitan ng tingin na okay lang siya. Mukhang nakuha naman ni Randall ang nais niyang sabihin dahil tipid itong tumango at bumuntong hininga.
BINABASA MO ANG
REMEMBER YESTERDAY
RomanceNa kay Randall Qasim na ang lahat - A sole heir of a billion-dollar Oil Empire, with good looks that all women crave for, and every material things that money can buy. Pero sa loob ay kasing lamig at walang buhay ng isang mannequin si Randall, kumik...