Part 35

10.2K 340 19
                                    

"NAPANAGINIPAN ko na naman kagabi na nasa tubig ako at hindi makahinga. Nagising ako na para akong umahon sa tubig. Hindi ko lang malaman kung anong klaseng body of water iyon, kung ilog, lawa o dagat ba."

"Sabi ng lola ko, kapag daw nakakapanaginip ka ng tubig, ibig sabihin may parating kang suwerte. Madalas sa pera pero puwede rin namang ibang klase ng good fortune. Baka may darating kang suwerte!"

Natigilan si Alaina mula sa paghuhugas ng mga rekadong gulay para sa mga putaheng iluluto niya at napatingin sa matalik niyang kaibigan na si Lilian. "Sa tingin mo?" tanong niya.

"Sigurado ako. Isipin mo ha, ang sabi mo sa akin noong una tayong nagkakilala, college freshman year, ilang buwan bago ang pasukan ay palagi kang nakakapanaginip na nasa tubig ka. Naging seat mates tayo. Ako ang swerte na dumating sa buhay mo," ngisi ni Lilian.

Natawa si Alaina at nagpatuloy na lang sa paghuhugas ng mga gulay. "Okay fine."

"Hindi pa ako tapos," sabi pa ni Lilian na humakbang pa palapit sa kaniya. "Pagkatapos natin magtapos ng HRM, hindi ba ilang linggo rin na palagi mo napapanaginipan na inaanod ka ng tubig? Then you enrolled in Culinary School and you met him." Nakangiting napalingon si Alaina sa lalaking itinuro ng kaibigan niya.

Napatingin sa kanila si Lucas na abala sa paghalo ng niluluto nito. Umangat ang mga kilay nito pero ngumiti naman. "So ako ang suwerte na dumating sa buhay ni Alaina noon?" tanong nito.

"Suwerte namin. Kasi dahil nakilala ka niya, naitayo ang Pinoy Delights Restaurant. Nadamay ako sa suwerte dahil ngayon may trabaho ako," ngisi ni Lilian.

"Tama siya, Lucas," nakangiti ring sang-ayon ni Alaina.

Naging kaklase niya si Lucas sa Culinary School. Magkasing edad lamang sila at parehong mahilig sa Filipino food kaya nagkasundo sila kaagad at naging malapit na kaibigan. Nang ipakilala naman niya ang binata kay Lilian ay nag-click din agad ang dalawa. Mula noon ay naging inseparable na silang tatlo. Pareho sila ni Lucas na pangarap makapagtayo ng sariling restaurant. Kaya dalawang taon matapos nila magtapos sa kursong Culinary at nakapagtrabaho na sa ibang mamahaling restaurant at nakaipon pareho ay nagdesisyon silang magsosyo. Kaya hayun, isang taon na ang Pinoy Delights Restaurant. Dalawa silang main chef doon habang si Lilian naman ang tumatayong manager nila.

Muling napabaling si Alaina kay Lilian nang nasa mismong tabi na niya ito at kumikislap sa excitement ang mga mata. "Ibig sabihin, totoo na kapag napapanaginipan mo na nasa tubig ka may dumarating na suwerte sa iyo. Ano naman kaya ang darating this time?" Humilig palapit sa kaniya si Lilian at bumulong. "Baka ang prince charming mo na."

Bahagyang natawa si Alaina. "Hindi na ako teenager para maniwala sa prince charming. Walang prinsipe sa panahon ngayon."

Magsasalita pa sana si Lilian pero sabay silang napaigtad nang lumapit sa kanila si Lucas. Hinawakan nito sa braso ang kaibigan niya at bahagyang inakay patungo sa pinto ng kusina. "Lil, dapat nasa labas ka hindi ba? Huwag mo na guluhin si Alaina para makapagluto na siya. Isa pa, matagal na niya nakita ang prince charming niya." Itinuro pa ni Lucas ang sarili.

Natawa si Lilian. Si Alaina naman ay bahagyang nailang at napailing na lang. Kumaway pa sa kaniya si Lilian bago tuluyang lumabas ng kusina. Saka humarap sa kaniya si Lucas at nakangiting namaywang. "Ngayon, tahimik na ang kusina. Makakapagtrabaho na tayo ng maayos."

Bahagyang ngumiti si Alaina at muling ibinalik ang atensiyon sa mga gulay na ngayon ay nailagay na niya sa stainless bowl at binitbit iyon sa lamesa para simulang hiwain. Nakasunod sa kaniya ng tingin si Lucas na biglang tumikhim. "Alaina."

REMEMBER YESTERDAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon