Napahinto ang kamay ng lalaki at napuno ng tensiyon ang buong katawan. Halata ang pagkagulat at sakit sa mukha nito na para bang pisikal niya itong sinaktan. Kahit tuloy hindi alam ni Alaina kung bakit ganoon ang reaksiyon ng lalaki ay nakaramdam siya ng guilt sa puso niya na nasaktan niya ito kahit hindi niya sinasadya.
"You don't remember me?" Tila halos ayaw lumabas sa bibig ng lalaki ang tanong na iyon. Titig na titig ito sa mukha niya at parang may kumurot sa puso niya sa hinanakit na nakita niya sa mga mata ng lalaki.
"I'm sorry," tanging nasabi ni Alaina. Dahil ano pa ba ang maaari niyang sabihin? Kahit anong gawin niya ay hindi niya matandaan kung saan at kailan sila nagkita ng lalaki.
Tumiim ang mga labi nito na tila ba nawalan ng sasabihin subalit ang mga mata ay hindi pa rin inaalis sa mukha niya. Puno ng intensidad ang titig ng lalaki kaya unti-unti na naiilang si Alaina. Lalo na at nang bahagya niyang alisin ang tingin dito ay napansin niyang nakatingin sa kanila ang lahat ng customer sa restaurant. Sa gilid ng mga mata niya ay nakita niyang papalapit si Lilian na nanlalaki ang mga mata at pinagpapalit-palit ang tingin sa kanilang dalawa ng estranghero.
"Master Randall."
Bumalik ang tingin ni Alaina sa lalaki at noon niya napansin ang isa pang malaking lalaki na mukhang arabo na nakalapit na pala sa kanila. Bahagyang humilig palapit sa estranghero na tinawag nitong Master Randall ang arabo at may sinabi sa lengguwahe na hindi man naintindihan ni Alaina ay pamilyar naman sa pandinig niya. Noon may nag-click sa utak niya. Oo nga pala. Base sa hitsura at lengguwahe ng dalawang lalaki malamang taga UAE ang mga ito. Tumira sila ng kaniyang ama ng matagal sa Dubai kaya posibleng may koneksiyon sa kanilang mag-ama ang dalawang lalaki.
"Are you an acquaintance of my father?" tanong ni Alaina.
Sandaling nagkatinginan ang dalawang lalaki bago muling tumingin sa kaniya. Bahagyang ngumiti si Alaina at hinintay sumagot ang kahit sino sa dalawa. "You don't really remember me?" tanong uli ng Randall yata ang pangalan.
Apologetic na ngumiti si Alaina. "I really don't. I'm sorry."
Sandaling kumislap sa kakaibang emosyon ang mga mata ni Randall subalit bago pa malaman ni Alaina kung ano ang itatawag sa emosyong iyon nawala na iyon. Pagkatapos ay bigla nawalan ng kahit anong ekspresyon ang mukha ng lalaki na tila ba nagsuot ito ng isang maskara na hindi niya mawari. Napakurap siya sa pagkabigla sa biglang pagbabago ng aura sa paligid ni Randall. Bigla ay naging mukha itong mapanganib at nakakatakot.
"Where is your father?" seryosong tanong nito. Kahit ang paraan ng pagsasalita ng lalaki ay nag-iba. Naging puno ng awtoridad na para bang sanay itong nag-uutos at sinusunod.
Bago pa makasagot si Alaina ay nakalapit na sa kaniya si Lilian. "Alaina, nanonood ang mga customer. Kilala mo ba sila?" bulong ng kaibigan niya na takot na sumulyap sa dalawang lalaki.
"Mukhang kakilala sila ni papa," ganting bulong niya.
"Sa office na lang kayo mag-usap ng mga mukhang goons na iyan. Baka matakot ang mga customer," muli ay bulong ni Lilian.
Pinanlakihan niya ng mga mata ang kaibigan sa sinabi nito. "Naririnig ka nila," saway niya.
"Mukhang hindi naman sila nakakaintindi ng tagalog eh."
Napailing si Alaina at muling bumaling sa dalawang lalaki. Bahagya siyang ngumiti. "If it's about my father, let's talk about it in our office okay?"
BINABASA MO ANG
REMEMBER YESTERDAY
RomanceNa kay Randall Qasim na ang lahat - A sole heir of a billion-dollar Oil Empire, with good looks that all women crave for, and every material things that money can buy. Pero sa loob ay kasing lamig at walang buhay ng isang mannequin si Randall, kumik...