Moeryl's POV
Saturday morning. Siguro kung normal ang buhay na meron ako ngayon, baka kasalukuyan akong nasa galaan. Pero abnormal ata ako, pati ang buhay ko.
'Yong nanay at kapatid ko, sinadya ata akong iwan dito sa bahay. Minsan natatanong ko na lang sa sarili ko, pamilya pa ba ang turing sa akin ni mama at ate? Kasi bakit hindi ko ramdam?
Kaibigan. Wala ako niyan. Nakakatakot na kasing magtiwala tapos magtataksil lang ulit sila sa akin. Habang pinapahalagahan ko sila, balewala naman pala ako sa kanila. Habang nagpapakatotoo ako sa kanila, siya namang pagiging peke nila kapag nakatalikod ako. Natatakot akong traydurin ulit. Natatakot ako sa katotohanang maiiwan na naman ako. Natatakot akong mawala na naman sila.
Kaya mas mabuti na 'tong wala akong kaibigan. Mas mabuting iwas ako sa tao. Kasi sa huli, sarili ko lang ang mapagkakatiwalaan, maasahan, at matatakbuhan ko.
Pero hindi ko maitatangging naiinggit ako. Naiinggit ako sa ibang taong may mga kaibigan. May dumadamay sa kanila sa panahon ng lumbay at kalungkutan. May makakapitan sila kapag pakiramdam nila tintraydor sila ng mundo. May masasandalan sila kapag pakiramdam nila nilulunod na sila ng mga problema. May kasama sila sa lungkot at saya. May kukumpleto sa araw nila. May katawanan sila. May kakuwentuhan. May kasundo sila. May nagiging ate o kuya sila.
Lahat ng 'yan, wala ako niyan. Siguro kung nakatadhana mang magkaroon ako ng kaibigan ulit, sana 'yong magtatagal na. Sana 'yong sasamahan ako hanggang dulo. Sana 'yong totoo na at hindi maiisipang lisanin ako. Sana 'yong handang maging pamilya ako, kasi 'yong pamilyang mayroon ako, hindi ko alam kung pamilya rin 'yong turing sa akin.
9 am na akong nagising. Alam kong mababagot lang ako rito sa bahay. Hindi naman ako isinasama ni mama o ni ate sa mga lakad nila. Para akong pinagkaitan ng oras na makasama man lang 'yong pamilya ko.
Hindi ba't uso ngayon ang pagiging working student? Although hindi kami salat sa pera, hindi kami mahirap, pero hindi naman siguro masamang subukan ang maging isang working student, 'di ba? Tumango ako. Tama.
Umakyat ako sa kwarto ko at nagsuot ng isang fitted pants at pulang t-shirt. Isinuot ko rin ang cap ko. Kumuha ako ng extra'ng pera in case na kailanganin.
Lumabas ako sa bahay at nag-abang ng dadaan na taxi. Nang may huminto ay kumatok ako sa bintana. "Manong, sa bayan nga ho." Tumango ang driver. Sumakay ako sa likod at isinaksak ang earphones sa aking tainga para makinig ng music. May makikita kaya akong shop na maaaring pagtrabahuhan? Iyong bakante sana.
"Manong, tabi na lang ho." Bumaba ako sa sentro ng bayan. Nakapalibot lang ang iba't ibang shops dito. Mayroon naman sigurong hiring dito.
Naglakad-lakad ako. May ilang napapalingon kapag nakikita ako. Mukha ba akong magnanakaw sa outfit ko?
Fudge.
Pumasok ako sa isang restaurant. Gronia's Restaurant ang ngalan nito. Nagtanong ako kung may bakante. Ang sabi ng manager, "Pasensiya na, hija. Mayroon sanang bakante kahapon ngunit may nauna na kaya siya ang ipinasok namin." Tumango lang ako sa kaniya pagkatapos niya iyong sabihin at umalis na rin.
Kung magiging ganito lang din pala kahirap ang paghahanap ng trabaho, sana ay nanatili na lang ako sa bahay. Hindi naman kami naghihirap. Malaki ang kinikita ni mama kaya nasusustentuhan niya ang mga pangangailangan at luho namin.
Nakailang libot pa ako sa iba't ibang shop, store o restaurant para maghanap ng trabaho. Ang ilan, sinasabing walang bakante. Ang iba naman, sinasabing underage raw ako. May nagtanong pa sa akin kung may alam daw ba ako sa gano'ng gawain. Tapos may nagsabi pang hindi raw ako mapagkakatiwalaan. Tumaas ang kilay ko roon. Ako pa? Woah.
Fudge. Tinatamad na akong maglibot. Pero napatingin pa rin ako sa isang café. Mimo's Café ang pangalan ng café na iyon. Susubukan ko. Panghuli na ito. Kapag wala pa rin, wala na talaga.
Agad akong pumasok. Luckily, kaunti lang ang tao. Mayroong anim na costumers. Isang couple, dalawang magkaibigan, at dalawang mag-nanay ata. Pumunta ako sa counter at ngumiti namang sinalubong ako ng isang babaeng siguro'y nasa edad trenta na.
"Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, ma'am?" Tumango lang ako rito. Nadilaan ko ang bibig ko.
"May bakante po ba rito sa café na 'to?" Nakangiting tumango si Ate Lorna, 'yon ang pangalan niya base sa name tag na suot niya.
"Opo! Sandali po at tatawagin ko si Manager Ria." Tinanguan ko lang siya.
Hindi rin nagtagal ay dumating ang sinasabi niyang manager. Nasa edad singkwenta naman na ang manager. Mukha siyang masungit pero napalitan iyon bigla ng ngiti niya.
"Magandang umaga, hija." Tumango ako sa kaniya.
"Magandang umaga rin po."
"Interesado ka sa pagtatrabaho sa aking café? Ang bakanteng trabaho na maaari mo na lamang gawin dito ay ang pagiging crew - ang paghatid ng orders ng mga costumer sa kani-kanilang table." Tumango-tango ako. Hmm, pwede na rin. Hindi hassle at nakaka-stress iyon.
"Sige po, tatanggapin ko po iyong trabaho." Nakangiting tumango ang manager nila. Umalis siya saglit at pagbalik ay may kasama nang isang babaeng tingin ko ay kasing-edad ko lang.
"Ito ang makakasama mo. Siya si Winoei. You can call her Noei, hija. Pareho lang ang magiging trabaho niyo – taga-hatid ng orders ng costumers." Tumawa si Winoei at lumapit sa akin.
Iniabot niya sa akin ang mga kamay niya. "Ako si Winoei Alcantres. Ikaw, anong pangalan mo?" Tinanggap ko ang kamay niya at nakipagkamay.
"Moeryl. Moeryl Villaforte." Ngumiti siya at bumitaw na sa pagkakahawak sa akin.
"Nice to meet you, Moeryl! Sana maging magkaibigan tayo." Magkaibigan. Big word. Woah. Fudge. Sana nga.
"Okay," sabi ko at tinanguan siya.
"Moeryl, Noei, maiwan na namin kayo ni Lorna. Moeryl, si Noei na ang magpapaliwanag sa iyo ng lahat." Ngumiti ang manager. Umalis na rin siya kasama ang babaeng nagngangalang Lorna.
Hinawakan ni Noei ang kamay ko at hinila ako papunta sa isang puwesto sa café. Napaiwas ako. Napansin niya iyon at namilog ang mga mata niya. "Hala! Sorry, Moeryl. Na-excite lang ako kasi may bago na akong makakasama, e." Tinanguan ko lang siya. Umupo ako isang upuan. Umupo naman siya sa katapat kong upuan.
Nangingiting pinagsalikop niya ang mga kamay niya. "Ganito. Ang trabaho nating dalawa, ay may schedule na MWSS. Tuwing 5:30 ng hapon hanggang 9:00 ng gabi tuwing Monday, Wednesday, Saturday at Sunday. Saan ka pala nag-aaral, Moeryl?" She asked, still smiling. Palangiti ang babaeng ito. Buti pa siya.
"Sa Lavian University." Nanlaki ang mga mata niya pagkatapos ay tumawa.
"Pareho tayo! Pero hindi kita nakikita roon. Anong grade ka na?"
"10." Tumango siya pagkatapos ay ngumiti ulit.
"Parehas tayo. Hala. Bakit hindi kita nakikita? Sinong adviser niyo?"
"Ma'am Livingon," ani ko.
"Ah. First section ka pala. Third section kasi ako." Napakamot siya ng ulo. Tinanguan ko lang siya.
Kumunot ang noo niya at bumusangot. "Hindi ka ba ngumingiti? Saka maikli ka lang talaga magsalita?" Tumango ako. "Tapos ang hilig mo pang tumango. Hala." Fudge. Wala na siyang magagawa kung ganito ako.
"Hindi na ako ngumingiti. Hindi rin ako tumatawa. Halos puro tango na lang ang nagagawa ko kapag may kausap ako. Minsan ay maikli ako magsalita pero para sa 'yo, hinabaan ko na." Tumango ako at tumayo na rin. "Mauna na ako."
Ngumiti siya at tumayo na rin. "Okay! Sana talaga maging magkaibigan tayo. Ganito na lang, kapag uwian na natin sa school, sabay na lang tayong pumunta rito." Tumango ako.
Sana nga. Sana maging magkaibigan tayo. Gusto ko nang magkaroon ulit ng kaibigan. Sana.
YOU ARE READING
Unchained Hearts
Teen FictionShe's a girl who's part of a broken family. She's a girl who's tired of loving because of always getting broke. She's a girl who suffered pain and betrayal. Moeryl was broke. Moeryl was backstabbed. Moeryl was pained. Moeryl fears to love... and...