[17]

1 0 0
                                    

Moeryl's POV

Kinagabihan ay hindi ako makatulog ng maayos. Mayroong parte ng sistema ko na nagui-guilty dahil sa mga nasabi ko kay Kairo, pero wala na akong magagawa. Kasi hindi ko naman talaga siya gusto. At 'yong sakit na nararamdaman niya ngayon, dodoble lang kapag nagpatuloy ang nararamdaman niya para sa akin.

Bakit ba kasi hindi niya na lang ako kalimutan? Hindi ako kasingganda ng ibang artista. Hindi ako kasing-sexy ng ibang modelo. Hindi ako kasing-talino ng ibang tao. Anong nakita niya sa akin?

Kasi hindi ko deserve 'yong pagkagusto niya sa akin. Sana nagkagusto na lang siya sa isang taong kayang ibalik at suklian 'yong nararamdaman ni Kairo sa kaniya.

Alas-otso na. Bumaba ako sa baba ng bahay at dumiretso sa dining area. Naabutan kong kumakain si mama at ate. Lumapit ako para sumalo pero agad na tumayo si ate. Umakyat na siya sa kwarto niya.

Naiwan si mama at umupo ako sa katapat niya at nagsimulang kumain. Mapait akong ngumiti sa harap ni mama.

"'Ma, anak mo ba talaga ako? Kasi 'ma, bakit hindi ko ramdam?" Tinitigan ako ni mama at bumuntong-hininga.

"Matutulog na ako. Kumain ka na lang diyan at iligpit 'yang pinagkainan."

Tumayo si mama pero nahawakan ko ang kamay niya. "'Ma, sagutin mo ako..."

"Moeryl, anak kita. Pero hindi na anak ang turing ko sa 'yo," marahan ngunit may diin niyang usal.

Napaiwas ako ng tingin. Hindi na anak ang turing niya sa akin. Fudge. "'Ma, bakit?" Nag-init ang sulok ng mga mata ko.

Mahinang tumawa si mama. "Itinatanong pa ba iyan? Moeryl, sinira mo ang pamilya natin! Sinira mo ang buhay namin ng mga naging tatay mo! Sinira mo ang lahat!" Lumuha ako dahil sa mga sinabi ni mama.

"M-ma, masama po b-ba 'yon? Kasi ma, ikaw lang d-din 'yong inaalala ko. A-ayaw kong masaktan ka dahil sa mga walang kwenta kong ama!" Sinampal ako ni mama. Napayuko ako at ngumiwi dahil sa sakit ng sampal ni mama.

"Napakakapal ng mukha mo! Anong karapatan mo para sabihin ang mga iyan, ha? Moeryl, anak lang kita! Akala mo ba masaya ang walang asawa? Hindi, Moeryl. Ikaw! Ikaw ang sumira sa buhay ko. Ikaw lang..." Nakita ko ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ni mama. Ni ang patahanin siya ay 'di ko magawa.

"A-akala mo rin ba, 'ma, masayang makulong sa nakaraan? 'Ma, hindi. Hindi lang ikaw ang nagdurusa. Akala mo po ba masayang parang hindi pamilya ang turing ninyo sa akin? Akala mo po ba, masaya akong nararanasan ko ang lahat ng ito? Kulang na lang po ay palayasin ninyo ako rito." Umiling si mama. Akala ko ay aalis siya pero binigyan niya lang ako ng mas malakas na sampal.

Mas lumuha ako. Fudge. Ang sakit. "Hindi kita pinalaking ganiyan. Wala akong magagawa kung ganiyan ka, Moeryl."

Tumayo ako't 'di na hinarap pa si mama. "Magpapahinga na lang po ako."

Masakit. Awa na lang siguro ni mama ang nagiging dahilan para hayaan niya pa akong manirahan dito. Hindi na raw anak ang turing niya sa akin. Fudge.

Masakit, kasi sa akin niya mas piniling magalit kaysa sa mga peste kong ama. Niloko siya ng biological father ko, iniwan siya ng stepfather ko. Bakit sa akin siya nagagalit? Biktima lang din ako rito.

Nasasaktan din ako, mama. Para akong inilayo sa 'yo ng mundo dahil sa mga sinabi mo.

Recess na at kasalukuyan akong nasa cafeteria at kumakain. Nasa sulok ako at nakikita ko ang ibang mga matang nakatingin sa akin. Wala ako sa mood. Walang-wala.

Blangko lang ang ekspresyong maipapakita ko sa mga tao ngayon. Maaaring galit na rin dahil sa galit na nararamdaman ko. Nagulat ako nang may umupo sa katapat ko.

Fudge. Ano na namang pakay ni Kairo sa akin ngayon? Hindi pa ba siya titigil pagkatapos ng masasakit na salitang natanggap niya mula sa akin kahapon?

Tumayo ako at inis siyang binalingan. "Sinabi kong tumigil ka na." Mapait siyang ngumiti sa sinabi ko.

"Hayaan mo lang ako, please. Kahit nasasaktan ako, pinagpapatuloy ko kasi gusto talaga kita." Umiling ako at mapait na ngumiti.

"Nakakag*go ka na, Kairo! Kailangan pa bang ulit-ulitin sa 'yo na wala kang mapapala sa pagkakagusto mo sa akin? Bobo ka ba o tanga talaga? Sinabi kong hindi kita gusto, at hindi na mangyayari pa 'yon. Tapos ano? Iiyak-iyak ka riyan? Kasalanan mo naman 'yan, Kairo! Sana pala hindi mo na---" Napatigil ako nang may isang sampal na tumama sa pisngi ko. Ang galit na mukha ni Zira ang sumalubong sa akin. Humihikbi sa isang tabi si Kairo.

Pinigilan niya si Zira. "Z-zira naman... 'wag k-kang ganiyan kay Moeryl. 'Wag mo siyang s-saktan, gusto ko 'yan, e. M-mahal ko na nga ata kaya ako n-nasasaktan." Pinaalis ni Kairo ang mga luhang lumandas sa mukha niya at ngumiti sa akin. "M-moeryl, salamat, ha? S-salamat sa kaunting panahon na... nakasama kita. I still like you, but I really t-think that I'm falling in love with you right now. I'll still l-love you and suffer from... this pain, but j-just, let me love you." Iniwanan ko sila ni Zira roon, hindi alintana ang tingin ng ibang mga tao.

May iilang galit na tingin ang ipinukol sa akin at may ilang nakikisimpatya kay Kairo.

Nilampasan ko lang sila at tumuloy sa likod ng school kung saan nakatayo ang puno ng mangga na siyang karamay ko sa lahat ng problema. Umupo ako sa sanga at tahimik na umiyak.

Tumingala ako sa langit at inalis ang lumalandas na luha galing sa mga mata ko. Bakit? Bakit ganito ang buhay na mayroon ako? Bakit ko 'to nararanasan?

Sorry, Kairo. Sumobra na ako sa limitasyon ko. Hindi naman kita gustong saktan, pero wala, e. Pinipilit mo 'yong pagkagusto sa akin.

Hindi naman kasi kita magugustuhan. Pasensiya na, pero hindi talaga.

Mahal niya na raw ako. Fudge. Kung noon pa lang kasi pinigilan niya na, hindi na aabot sa ganito. Hindi na sana siya nasasaktan ng ganito. Ayaw kong may nasasaktan akong tao, kasi ako mismo, naranasan na 'yan.

Minsan kasi, kahit ayaw mo pang masaktan ka, dadating at dadating sa puntong masasaktan ka. Magdurusa ka kasi puno ka na ng sakit.

Tatlong taon niya na akong gusto? Tapos ngayon mahal niya na ako? Umiling na lang ako at huminga ng malalim. Pasensiya na talaga. Ano ba kasing nakita niya sa akin? Hindi naman ako girlfriend material o wife material.

Hinawakan ko ang pisngi ko. Ang sakit ng sampal ni Zira, hindi ko maitatanggi 'yon. Sampal ng pagmamahal. 'Yong sakit ng sampal niya, parang 'yong sakit na nararamdaman niya kapag nakikitang nasasaktan si Kairo.

Aasahan ko na ang sandamakmak na paghihiganti ni Zira sa iba't ibang paraan. Wala naman akong magagawa. Ako 'yong lumalabas na masama sa mga paningin nila. Iniisip nilang ako ang may kasalanan kaya nasasaktan si Kairo. Ako ang pangunahing suspek sa pagwasak ng puso ni Kairo.

Dahan-dahan akong bumaba sa puno ng mangga kaya lang ay napabitaw ako sa sangang kinakapitan ng kamay kaya bumagsak ako sa lupa.

Fudge. Ang sakit. Nasasaktan din ako kapag may nasasaktan akong ibang tao, at ngayon nadagdagan pa ang sakit na 'to dahil sa pagkahulog ko galing sa puno.

Dahan-dahan akong tumayo pero agad ding napatigil nang may umapak sa kamay ko. "Fudge!" Tumingala ako para makita kung kaninong paa 'yon at nakita ang galit na galit na mukha ni Zira.

Ang sakit! Fudge. Hindi niya pa rin inaalis ang paa niya kaya unti-unting lumandas ang mga luha ko. May heels ang sapatos ni Zira kaya siguradong bumaon na 'yon sa kamay ko.

Mas lumakas ang iyak ko at napahikbi. Nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Kairo na tumatakbo patungo sa amin. Hinawakan niya ako at itinulak si Zira kaya natumba ito.

Itinayo niya ako at pinahid ang luha sa mukha ko. Iniwas ko ang mukha ko at naluluhang napatingin sa kamay ko.

"A-ang daming dugo..." Lumayo ako kay Kairo. Umiyak si Zira sa isang tabi habang nakatingin sa amin.

Hinawakan ni Kairo ang kamay ko at hinalikan. Marahas kong binawi ang kamay ko mula sa kaniya at ngumiwi sa sakit.

Lumayo ako sa kanila. Kinuha ko ang bag ko at mabilis na tumakbo palayo habang dinarama ang mga luhang bumabagsak galing sa aking mga mata.

Unchained HeartsWhere stories live. Discover now