Moeryl's POV
Naglalakad ako palabas ng gate nang may bumato ng bato sa ulo ko. Muntik pa akong matumba dahil sa sakit. Fudge. Nangilid ang luha ko pero pinigilan ko ito. Fudge. Nagtiim-bagang ako at nangitngit ko ang mga ngipin ko.
Lumingon ako sa likod ko para makita kung sino ang may kagagawan no'n pero halos lahat ay walang pakialam. May ibang napapalingon sa akin pagkatapos ay umiiwas din ng tingin. Naikuyom ko ang kanang kamao ko. Gamit ang kaliwang kamao ay hinawakan ko ang parte ng ulo ko. May naramdaman akong likido at nang tignan kung ano 'yon ay may nakita akong dugo.
Fudge. Mabilis ang paghingang tinungo ko ang clinic at agad na nilapitan ako ng isang nurse.
"Anong nangyari, hija? Medyo malaki ang sugat." Nag-aalalang tanong ng nurse. Umiling lang ako.
"Nauntog lang po 'yan. Pakigamot na lang po."
Fudge. Ano na namang pakulo 'yong nangyari kanina? Nananahimik ako tapos biglang may gano'ng pangyayari. Ano na naman bang nagawa ko para mangyari 'yon?
Nagpahinga ako sa clinic. Mabuti na lang at walang trabaho mamayang gabi. Fudge. Ang sakit talaga ng anit ko. Malaman-laman ko lang talaga kung sino 'yong bumato sa akin. Mabuti sana kung ginugulo ko sila, pero hindi naman, 'di ba?
Pagkatapos ng iilang oras ay lumabas ako ng clinic. Matagal ang pagpapahinga ko, baka kasi hindi lang ako makauwi sa bahay ng maayos kapag ganito ang kalagayan ko. Ang sakit na kahit ang marahang paglingon ay 'di ko magawa.
Habang naglalakad sa corridor ay mga yapak ng paa ko lamang ang tanging naririnig. Ipinasok ko ang earphones sa aking mga tainga at nakinig sa iba't mga kanta.
'Di ko naisip na darating pa...
Ang isang tulad mo sa aking pag-iisa...
Ba't ganiyan ba 'yang mensahe ng kanta? Inis kong binuksan ang phone ko para makita ang title ng kantang iyan. 'Ikaw Pala'? Tsk.
At ngayon buhay ko ay nagbago...
Ito'y dahil sa 'yo...
¬Wala namang nagbago. Kung nagbago man ang buhay ko, dahil 'yon sa mga masasamang alaala ng nakaraan. Inilipat ko na lang sa ibang kanta ang pinapakinggan ko. Masakit sa pandinig iyong 'Ikaw Pala', e.
Nagbabasa ako habang naglalakad palabas kaya hindi ko namalayang nakabangga na pala ako ng kapwa ko estudyante. Humingi lang ako ng patawad nang hindi tumitingin sa kaniya at lumampas na rin.
Magpapatuloy na sana ako sa paglalakad nang biglang may humila sa akin galing sa likuran. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang seryosong mukha ni Kairo sa likod ko. Seryoso ngunit nakakatakot ang tingin niya. Inis kong binawi ang kamay ko sa kaniya.
"Uuwi na ako," mataman kong usal. Umiling siya pagkatapos ay hinila ako palayo sa school. Sapilitan niya akong pinasakay sa kotse niya, na naging dahilan pa para magulat ang driver niya. At kahit na umangal pa ako ay hindi na ako nakatanggi dahil ini-lock niya ang mga posibleng daanan palabas sa kotse niya.
Nandito kami ngayon sa isang café hindi kalayuan sa school. Nakataas lang ang kilay ko sa kaniya. Ano na naman bang pakulo nitong lalaki na 'to?
Ang café kung nasaan kami ay nagngangalang Gronia's Café. Ano ring gagawin namin dito? Magpapaamag? Hindi mag-iimikan? Nananahimik ako at pauwi na sana tapos gagambalain niya. Ang café ay surrounded ng isang garden. May mga nakapaligid na iba't ibang bulaklak. Bermuda grass ang natatapakang damo. Hindi masiyadong maliwanag na nagiging dahilan para magmukhang romantic ang café.
Fudge. Café na may theme ng pagiging romantic? Ang sagwa, a. Tumikhim si Kairo kaya napatingin ako sa kaniya. Kumunot ang noo ko.
"Moeryl, mag-usap nga tayo." Tumango-tango ako sa sinabi niya.
"Bakit tayo mag-uusap? Anong pag-uusapan natin? Bakit dito mo ako dinala rito?" tuloy-tuloy kong tanong sa kaniya. Pilit lang siyang ngumiti.
"Gusto kong malaman 'yong mga nangyari sa 'yo ngayong araw," nakangiti niyang sabi.
"Hindi kita kasintahan, kaya 'wag kang umarteng ganiyan." Napawi ang ngiti sa labi niya at umiwas siya ng tingin. Ba't ba kasi interesado na naman siya?
"Hindi pa ngayon," ani Kairo. Umiling ako at suminghap.
"Hindi... na. Hindi na 'yon mangyayari." Mahina siyang napahalakhak.
"Bakit hindi ka kumain kanina sa cafeteria kasama ko?"
Bumuntong-hininga ako. "Wala ako sa mood kumain." Tumaas ang isang kilay niya sa sagot ko. Ayaw niyang maniwala? Edi 'wag.
"Ayaw mo bang ipakilala kita sa mga kaibigan ko?" Kunot ang noong tanong niya sa akin. Nakagat ko ang ibabang labi ko.
"Kailan ko ba ginusto, Kairo? Alam mo, naiirita na ako sa 'yo. Naiirita ako kasi sobrang kulit mo. Anong mahirap intindihin sa katotohanang hindi kita gusto? Ba't umaarte kang ganiyan, e, wala namang tayo? Bakit pinipilit mo sa akin 'yang sarili mo, e, alam mo namang hindi ikaw ang gusto ko? Sinabi ko naman, basag pa ako at hindi pa buo. Iniisip mo bang 'yang pagkakagusto mo ang makakabuo sa akin, huh? Ang hirap din sa side ko kasi alam kong masasaktan kita dahil sa pinanggagawa ko, pero wala, e. Makulit ka! Masiyado kang mapilit. Ipinipilit mo ang bagay na kahit kailanman ay hindi mangyayari. Maghihintay ka? Fudge. Anong hihintayin mo sa akin? Hihintayin mong dumating 'yong araw na magugustuhan din kita? 'Wag ka nang maghintay kasi hindi na darating ang araw na 'yon, Kairo. I'm sorry for hurting you but to be honest, I'm not comfortable when I'm with you. Hindi naman ako masaya kapag kasama kita. Hindi ako nakangiti o tumatawa kapag nariyan ka. Hindi naman ako mabubuo ng pagkagusto mo sa akin. Hindi sapat 'yang pagkagusto mo sa akin para mabuo ako. Hindi sapat 'yan para bumalik ako sa dati. Hindi ka sapat para gumaling ako. Pasensiya na, pero ikaw ang gumagawa ng mga bagay na ikasasakit mo at hindi ako. 'Wag mo nang ipilit, kasi baka mahawa ka lang sa pagkabasag ko kapag ipinagpatuloy mo ang pagkakagusto sa isang tulad ko." Marahas akong tumayo. Nakita ko ang sakit at pait sa mga mata ni Kairo. Tumayo rin siya at hinawakan ang kamay ko. Binitawan ko ang kamay niya at nag-iwas ng tingin.
"M-moeryl... bakit ganiyan ka? Ba't mo ako sinasaktan? G-gusto kita, pero 'wag n-naman ganito. H-hayaan mo akong gustuhin ka. Ngayon lang a-ako nagkagusto sa taong hindi n-naman ako magustuhan. Ang s-sakit..." Tumulo ang mga luha sa mata ni Kairo. Tumitig ako sa kaniya.
"Hindi lahat ng magugustuhan mo, magugustuhan ka rin pabalik. Sana hindi mo na lang ako nagustuhan. Magagawan mo pa 'yan ng paraan. Ngayon-ngayon ka lang naman nagkagusto sa akin, 'di ba? May panahon ka pa para kalimutan ako at ang nararamdaman mo para sa akin." Umiling-iling siya. Namula na ang ilong at mata niya dahil sa pag-iyak. Fudge. Sa lahat ng umamin sa akin at na-reject ko, siya lang ang umiyak sa harapan ko.
"T-tatlong taon na, Moeryl. Ang hirap umahon kasi lunod na lunod na ako sa nararamdaman ko para sa 'yo. Ngayon na nga lang ako naging vocal sa feelings ko... tapos ganito pa." Mapait akong ngumiti sa kaniya. Hinawakan ko ang pisngi niya para pigilan ang mga umaagos na luha.
"May darating pang babaeng ililigtas ka mula sa pagkakalunod. Kalimutan mo ako. Ibaon mo ako sa limot." Umiiling siyang lumapit sa akin at niyakap ako. Lumayo ako sa kaniya. "Tama na. Mas masasaktan ka sa ginagawa mo. Mauuna na ako, Kairo."
Tinalikuran ko siya at naglakad palayo.
Ang buhay ko ay hindi isang fairytale na magkakatuluyan ang prinsipe at prinsesa. At kung magiging prinsesa man ako, siguradong tatanda akong dalaga kasi 'yong mga mahal ko, iniiwan lang ako.
YOU ARE READING
Unchained Hearts
Teen FictionShe's a girl who's part of a broken family. She's a girl who's tired of loving because of always getting broke. She's a girl who suffered pain and betrayal. Moeryl was broke. Moeryl was backstabbed. Moeryl was pained. Moeryl fears to love... and...