Moeryl's POV
Alas-tres ng hapon. Nagkaroon kami ng sampung minutong break. Karamihan sa amin ay pumunta sa cafeteria para kumain. Akala ko nga ako lang 'yong matitira rito, pero mali ako, pati pala si Ren ay nandito.
Tumayo siya sa harapan ko. Busy ako sa pag-scan ng kopya ko ng mga notes sa English na hiningi ko sa isang kaklase ko kanina para sa quiz bukas.
"Moeryl, anong meron sa inyo ng kuya ni Kent?" tanong ni Ren na siyang nagpaangat ng tingin ko sa kaniya.
"Wala," maikli kong sagot sa kaniya. Iyon naman talaga ang totoo.
"May nakakita raw sa inyong magkasama kaninang recess." Nanliit ang mga mata ko. Ano na naman 'to?
"Magkasama kami pero walang namamagitan sa amin. Bakit?" Ngumiti siya at napasuntok sa hangin.
"Wala. Akala ko kasi ay may ikaseselos ako." Ba't naman siya magseselos? Dahil sa nararamdaman niya para sa akin?
"'Wag kang magselos. Wala kang karapatan. Hindi naman tayo, alamin mo 'yong limitasyon mo. Kung kaibigan lang kita, ba't ka magseselos, 'di ba?" Napawi ang ngiti sa kaniyang mga labi. Nakita ko sa mga mata niya ang lungkot at pait. Napatawa siya – malungkot na tawa.
"Sakit naman. Tagos sa puso ko. Wala ba talagang chance, Moeryl?" Seryoso akong umiling.
"Kaya tumigil ka na. Pigilan mo ang nararamdaman mo para sa isang tulad ko na walang ibang ginawa kung 'di saktan ang isang tulad mong ang tanging hangad lang ay gustuhin ako't magustuhan ko." Tumango-tango siya. Dumating na ang iba naming kaklase at nagtaka nang makita kaming dalawa ni Ren na nag-uusap.
Umalis din si Ren. Nang pumasok si Kent ay sandali siyang bumaling kay Ren at sunod ay sa akin. Umiling siya at hilaw na ngumiti.
Matapos ang klase para sa araw na ito ay nagsimula na akong maglakad patungo sa gate. Napahinto lang ako nang tumunog ang phone ko.
Winoei:
Hindi kita nakita kanina sa school, Moeryl. Paano tayo magsasabay papunta sa café niyan?
Fudge. Nakalimutan ko! Magtatrabaho nga pala ako sa Mimo's Café ngayon. Sandali. Paano ako makakapag-review para sa quiz sa English bukas?
Fudge. Hindi pala magandang ideya ang pagiging working student. Pero wala na, nandiyan na, e.
Me:
Nasaan ka?
Agad kong reply kay Winoei. Baka sakaling makapagsabay pa kami papunta roon.
Winoei:
Nasa cafeteria ako, may tinatapos lang saglit. Palabas na rin ako.
Hmm. Mabuti pala kung gano'n.
Me:
Hihintayin kita sa parking lot.
Umupo ako sa bakanteng bench banda sa parking lot at yumuko. May uniform ba kami sa café na pagtatrabuhan namin ni Winoei? Nakaraan kasi no'ng makita ko siya, hindi naman siya nakasuot ng kahit akong unimporme. Simpleng pantalon at t-shirt lang ang suot niya.
May humintong isang tao sa harap ko at sa pag-aakalang si Winoei iyon, tumingin ako sa kaniya. Umiwas na lang ako ng tingin nang makitang si Kairo 'yon.
Ano na namang ginagawa niya rito? Ang kulit din, e.
"Hi, Moeryl."
"Hi," maikling bati ko.
"Uuwi ka na?" Kuryosong tanong niya sa akin. Umiling ako. Kumunot ang noo niya at nagtanong ulit. "Saan ka pa pupunta?"
"Bakit?"
Ngumiti siya sabay ngumuso. "Syempre para alam ko kung nasaan ka habang hindi kita kasama. Nag-aalala rin kasi ako."
Tinapunan ko siya ng tingin dahil sa huling sinabi niya. "Wala namang nagsabing mag-alala ka, 'di ba?"
"Hindi naman kailangang may magsabi pa, kasi ako mismo, willing mag-alala para sa 'yo."
Tumaas ang isang kilay ko. "Kairo, hindi ko kailangan ang pag-aalala mo."
Ngumiti siya. "Hayaan mo lang ako, please. Gusto kita at alam kong alam mo 'yon. Handa akong maghintay sa 'yo. Handa akong magsakripisyo magustuhan mo lang ako."
Umiling ako. Hindi pwede. "Handa ka, pero ako hindi pa. Gusto mo lang ako, 'wag mong sasabihin ang mga 'yan."
Mapait siyang ngumiti at tumingala. Huminga siya ng malalim bago tumingin ulit sa akin. "Gusto kita pero hindi rin imposibleng mahalin kita, Moeryl."
Tuluyan nang nagsalubong ang mga kilay ko. Tumayo ako at tinitigan siya. "Basag ako. Basag na basag. Para akong bubog na magiging dahilan lang ng sugat mo kapag tuluyan ka pang lumapit sa akin."
Hinawakan niya ang kamay ko at nagsusumamo ang kaniyang mga mata. Marahan ngunit may diin kong inalis ang kamay niya mula sa pagkakahawak nito sa akin. "Handa akong magalusan, mabuo ka lang. Handa akong masugatan, humilom ka lang. Handang akong masugatan, mapagaling ka lang. Handa ako, kasi gusto kita... gustong-gusto."
Napaiwas ako ng tingin. Nakita ko ang iilang estudyanteng napapalingon sa gawi namin ni Kairo. May ibang nagtataka ang ekspresyon. Mga tsismosa.
Hindi kalayuan ay nakita ko si Winoei na naglalakad papunta sa akin. Iniwan ko si Kairo para salubungin si Winoei.
Sumabay siya sa akin at naglakad na kami paalis. Muli akong sumulyap kay Kairo at nakita ko siyang nananatiling seryoso habang nakatingin sa akin. Pasensiya na, pero sa mga oras na 'to, hindi talaga kita mapapapasok sa buhay at puso ko.
Ayaw kong gumulo ang payapa mong buhay nang dahil sa pagpasok mo sa buhay na mayroon ako. Hindi ka magiging masaya sa akin.
Pagdating namin ni Winoei sa café kung saan kami nagtatrabaho ay agad niyang ibinigay sa akin ang isang pares ng damit. Isang kulay asul na uniporme at isang puting may halong asul na slacks. Ito raw ang isusuot ko. Hmm. Hindi na rin masama. Desisyon ko ang pagpasok sa trabahong ito, kaya paninindigan ko.
Hindi naman mahirap ang trabaho ko. Maghahatid lang naman ako ng orders ng costumers. Hindi rin punuan dito sa café kaya hindi hassle ang trabaho.
Sandali akong nagpahinga sa isang tabi. Lumapit sa akin si Winoei habang nakangiti. "Moeryl, bakit pala naisipan mong magtrabaho? Mukha namang mayaman ka." nawiwiling tanong niya.
Umiling ako. "Gusto kong may pinagkakaabalahan." Tumango siya at kumindat sa akin.
"Okay, haha! Sige, balik muna ako sa trabaho," ani niya. Umalis na siya at nagtingin-tingin kung may nangangailangan ng kung ano sa sinuman sa mga costumers.
Tinawag naman ako ni manager. Agad akong lumapit sa kaniya. "Hija, ihatid mo nga itong isang cup ng coffee at cupcake sa aking apo na kasalukuyang nasa labas ng café. Nakaupo siya sa isa sa mga table roon. Nakasuot siya ng uniporme, mukhang iisa lang ata ang school niyo." Tumango ako at kinuha ang tray kay manager.
Dahan-dahan akong naglakad palabas at nakita ang nakatalikod na lalaki. May apo pala si manager? Ipinatong ko sa table niya ang tray. "Pinabibigay po ni manager, si--- Kairo?!"
Tumaas ang isang kilay ko. Namilog din ang mga mata niya at napatayo pa. Ano na namang ginagawa nito rito?
"Sinundan mo ba ako?" tanong ko. Sandali. Bakit naman niya ako susundan? Katulad nga ng sinabi ni manager, apo niya ito.
Tumawa siya. "Hindi. Binisita ko kasi si lola. Nako, Moeryl. It feels like the both of us were destined to be together. Meant to be talaga tayo." Umirap ako, napangiwi pa nang tumawa siya. Wala namang nakakatawa.
Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa at nagsalubong ang mga kilay niya. "Bakit nakasuot ka ng ganiyan? Nagtatrabaho ka rito?" Tamad akong tumango. Nakagat niya ang ibabang labi niya.
YOU ARE READING
Unchained Hearts
Teen FictionShe's a girl who's part of a broken family. She's a girl who's tired of loving because of always getting broke. She's a girl who suffered pain and betrayal. Moeryl was broke. Moeryl was backstabbed. Moeryl was pained. Moeryl fears to love... and...