Chapter XXI. Hail Fest (Part 2)

1.1K 31 5
                                    


Emptiness


(20th of December)



[TIARA LA RAZA]

Nakatingin kami sa kalalagay pa lang na malaking screen sa stage para sa magaganap na closing concert.

Maggagabi na at dama na nga namin ang kaba sa bawat isa lalo na't nakikita namin ngayon ang rankings ng tatlong main attractions.

Napalunok ako habang ang tanging naririnig ko lang ay ang kabog ng puso ko.

Nangunguna sa rankings ang Section 2 na hawak ni Nathan. "TRIP TO HELL" ang tawag sa booth nila na isang roller coaster ride. Meron silang 25,213 points and counting.

Habang kami naman ang pumapangalawa, ang Section 7 na ang pangalan ng booth ay "REDRUM" at nakalikom ng 20,899 points and counting.

Pangatlo sa rankings ang Section 4 na hawak ni Julia, isang play ang ginawa nila na ang title ay "ROMEO MUST DIE". Meron silang 10,734 points and counting.

Sabi nila na ang points ay nakukuha sa ticket sales at sa reviews na binibigay ng customers matapos ang experience nila sa isang booth.

Napatingin ako sa mga kaklase ko. Kita ko rin ang pangangamba sa kanila.

Pero hindi pa tapos ang laban.

Nilikom ko sila, "May ilang oras pa tayo bago tuluyang matapos ang Hail Fest, at sa ilang oras na 'yon ay gagawin natin ang lahat para tayo ang manguna. 'Wag tayong mawawalan ng pag-asa dahil 'yon ang inaasahan ng mga kakompetensya natin. Ito na ang last chance natin, Section 7. Ipakita natin sa kanila ang impluwensiya ng pagiging Top Section!"

Ang kaninang takot sa mga mata nila ay nabuhayan nang munting pag-asa. Makikita na sa kanila ngayon ang determinasyong magwagi.

Tama, kami ang magwawagi!

Mas lalo naming ibinigay ang best namin para magkaroon ng hindi malilimutang karanasan ang mga papasok sa booth namin at mabigyan nila kami ng mas mataas na review. Habang ang iba naman sa amin ay ginagawa ang lahat para i-advertise sa mga bagong dating ang booth namin at para mabenta lalo ang tickets.

Sandali kong nakalimutan ang lungkot na nangyari kay Gavin at sa pagkawala nila Vienna, Yani at Dice.

Ginagawa ko munang busy ang sarili ko para hindi ako ma-distract at makapag-focus ako sa Hail Fest.

"Tiara, sa tingin ko dapat magpahinga ka na muna. Pansin ko kasi na kanina ka pa nagduduty, hindi ka man lang nakapag-ikot sa paligid. Kami ng bahala rito, 'wag kang mag-alala hindi kami magpapabaya." sabi ni Monina na nag-aalalang ngumiti sa 'kin.

Pero umiling ako, "Ayos lang. Gusto ko rin talagang nandito lang ako." Hindi ko rin naman maeenjoy ang araw na 'to kung hindi ko sila kasama.

"Nasaan ba si Dice?" pagtatanong naman sa 'kin ni Nelly.

"Hinahanap ko nga rin, buong araw ko rin siyang hindi pa nakikita." pagtugon ko na lang sa kaniya.

Pero kahit ano palang pagpigil ko ay nasa kanila Dice pa rin talaga ang isipan ko.

Naalala ko noon, na palagi akong hinihila paalis ni Dice para lang makasama niya ko sa pag-iikot sa Hail Academy tuwing Hail Fest. Mas gusto ko kasing nasa booth lang ako para mabantayan ko ang lahat lalo na kapag may problema, hindi rin naman kasi ako sanay na maggala-gala sa matataong lugar.

Hail Academy: High School of HellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon