JOAN
Makalipas ang ilang araw ay nandito uli ako sa Mcdo. Oo, taong Mcdo talaga ako e. Sana wala rito 'yong hambog. Napakayabang! Perfect? Hindi rin!
E wala, nandito na naman at mukhang tambayan din niya 'to, alangan naman na ako ang mag-iba ng tamabayan, ano siya sinusuwerte? Mukha niya!
Aba! Mukhang may lalandiin ka na namang babae.
May kausap siyang babae pero umalis ang hambog, ewan ko kung saan siya pupunta.
Teka, ano nga bang pangalan no'n? Cee nga ba? CEEra ulo! Tama, bagay 'yon sa kanya. May bigla tuloy akong naisip na napakagandang ideya kaya naman nilapitan ko agad si girl at may sinabi lang ako sa kanya to save her sa lalaking 'yon.
Pagkatapos ko siyang kausapin ay bumalik na ako sa inuupuan ko, sakto naman dahil bumalik na 'yong CEEra ulong 'yon. Pangiti-ngiti lang 'yong girl sa kanya. Aba, parang natuwa pa si girl sa sinabi ko. Hay... wrong move yata 'yon ah.
Nagulat na lang ang CEEra ulo nang sampalin siya no'ng babae na akala niya ay nabola na niya. Napatingin ang ibang kumakain pero bumalik din sa kanilang mga ginagawa dahil ayaw rin naman siguro nilang madamay pero sa mukha nila, mukhang alerto pa rin ang mga tainga tulad ko. Napangiti ako nang kaunti dahil sa wakas, nakaganti rin ako sa kanya. Yes! Nakaganti rin sa hambog!
"Bakit? Ano'ng ginawa ko?" tanong no'ng CEEra ulo sa babae.
"Sabi no'ng girl na 'yon..."
My gosh! Tinuro pa ako ng lokang babae. Siya na nga ang tinulungan ko, nagturo pa siya. Napatalikod tuloy ako at baka makilala pa ako, mahirap na.
"Manyak ka raw at kaya mo ako nilapitan ay para kunin lang ang pagkababae ko, tapos hindi mo na ako tatawagan," bigla kong naalala 'yong paglapit ko sa babae kanina...
"Hello, Miss," panimula ko.
"Yes?" tanong niya.
"Matagal mo na bang kilala 'yong guy na kasama mo?"
"No, kanina lang,"
"Ah, ano kasi, nagkamali ka nang sinamahang lalaki."
"What do you mean?"
Lumapit ako nang kaunti sa kanya para may sabihin sa tainga niya at sinabi ang kuwento ko.
"Ano? Ako manyak? Hindi ano!" Pagdepensa sa sarili no'ng CEEra ulo. Muntik na akong mahulog sa kinauupuan ko sa sobrang laugh trip.
"Sorry, I have to go," sabi no'ng babae.
Wagi! Nakaganti na ako, nilayasan pa siya. Buti nga! Ang laki lalo ng ngiti ko. Buti nga sa kanya! Ngayon ko lang ito ginawa at alam kong mali pero basta, nakabubuwisit kasi siya.
Dadampot na sana ako ng fries kaya lang may humawak at humatak sa pulso ko, kinaladkad ako hanggang sa makalabas ng food chain. Nakakaasar, kumakain ako e!
"Bitiwan mo nga ako!" sigaw ko sa kanya kaya naman binitiwan niya ako agad. Ano na namang trip ito?
"Ano bang problema mo, ha?" 'yong mata niya ay nanlilisik kaya bigla akong natakot pero hindi ko ipinahalata.
"Ikaw, ano'ng problema mo?" tanong ko rin niya sa akin. Nagkatitigan pa kami.
"Wala," sigaw ko sa kanya. Nakabubuwisit e!
"Ano 'yong sinabi mo sa babae? Manyak ako? Nasisiraan ka na ba talaga ng ulo?" Irita niyang sabi sa akin. Mataas na ang tono ng boses.
"Oh e ano naman ngayon?" hugas kamay kong tanong. Kalmado lang para talagang wala akong alam.
"Hoy, Miss, hindi mo ako kilala kaya 'wag kang magkalat ng kuwentong hindi naman totoo," ramdam ko na talaga ang inis niya sa akin. Natatawa na lang ako sa isip ko sa nangyayari.
"Hindi ko naman kinalat ah, sa kanya ko lang naman sinabi at isa pa, mukha namang totoo," depensa ko sa sarili ko.
"Oh e 'di inamin mo rin na sinabi mo, hay!"
"Ah e hindi... ah oo... ah basta! Wala kang pakialam!" mataray kong sabi.
"Siguro, type mo ako, ano? At nagpapapansin ka sa akin," ano raw?
"Natuyuan ka na talaga ng utak, ano? 'Wag ka ngang mag-ambisyon," sabi ko sa kanya. Ang kapal ng mukha ng isang 'to! Ang sarap talaga na ipasagasa sa pison!
"Bakit ba ang tapang mo, ha?" tanong niya tapos inilapit pa ang kanyang mukha sa akin.
"Bakit ba CEEra ulo ka, ano?" sigaw ko sa kanya kaya napalayo siya.
"Ano ba talaga ang gusto mong sabihin?" tanong niya. Napa-isip din ako kung ano nga ba ang dapat kong sabihin sa taong ito.
"Na tigilan mo na 'yan?" tanong ko. Ewan ko ba! Nakakaawa 'yong mga babae na pinagpapalitan niya. Paano kung naghihintay ang mga 'yon ng Mr. Right? Tapos siya ang nakilala? E 'di wrong na agad.
"Bakit ko naman gagawin' yon?" tanong niya. Matapang pa rin siyang umasta.
Oo nga naman, bakit nga ba naman niya gagawin 'yon? Naku! Ano ba ang dapat kong sabihin?
"D-dahil hindi laruan ang mga babae na matapos mong ilibre ng float at banatan ng pick-up line e makukuha mo na agad," hala! Ano ba 'yong nasabi ko? Parang ang bitter no'n. Ah! Hayaan na nga.
"Eh totoo naman 'yon e," simpleng sabi niya sa akin. Aba, biruin mong sumang-ayon ang CEEra ulo. Muntik na akong matawa pero pinigil ko.
"Na hindi laruan ang mga babae?" tanong ko.
"Hindi, na nakukuha ko sila sa gano'ng style," patayin ko na kaya ang isang 'to? Nakapipikon e!
"Hay naku, nonsense 'to. Aalis na 'ko," sabi ko na patalikod na kaya lang pinigilan niya ako kaya napaharap uli ako.
"Teka lang, may kasalanan ka pa sa akin," sabi niya nang magtagpo uli ang mga mata namin.
"E 'yong kasalanan mo sa bawat babaeng niloko mo?" 'yan ang binitiwan kong mga salita nang nagkatitigan kami.
"Hindi ko sila niloloko, sila itong nagsasabi na masyado akong too good to be true," sabi niya at inalis ko ang kamay niya sa pulso ko.
Ang kapal talaga!
"Nasaang part 'yong 'too good?' Parang wala naman."
"Bakit ba ang bitter mo?" tanong niya. Hoy, hindi ah! Slight lang!
"Hindi mo kasi alam ang pakiramdam nang niloko," bakit ko ba sinabi 'yon? Natigilan siya sa sinabi ko.
"Tara!" sabi niya tapos hinawakan na naman ako sa pulso at nagtangka na naman na kaladkarin ako kaya inalis ko agad ang kamay niya sa pulso ko.
"Saan mo ako dadalhin?" hindi siya sumagot kaya medyo kinabahan ako. Malay ko ba kung masamang tao pala siya at patayin niya ako sa sobrang badtrip sa 'kin.
"Tumahimik ka muna. Mag-uusap lang tayo," sabi naman niya habang naglalakad kami.
"Ha? Bakit?" naguguluhan na ako e.
"Alam ko na kailangan mo ng kausap," sabi niya.
"'Wag ka ngang epal! Kung kailangan ko ng kausap, hindi ikaw 'yon," nagsasabi lang ako ng totoo.
"'Wag ka nang umarte!" sagot niya uli habang naglalakad kami. Napipikon na talaga ako sa taong 'to!
-------
Author's Note:
Vote and comment. Thank you!
BINABASA MO ANG
It Started with a McFLOAT (Editing)
RomanceSi Joan ay isang babae na naiipit sa isang sitwasyon na hindi niya gusto pero wala siyang magawa dahil nagmamahal siya. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay may makikilala siya na akala niya ay gugulo lalo sa kanyang buhay pero siya ang makapagpapabag...