Lycan XVII: Ang Hanap Ng Marka
TAHIMIK na pinagmamasdan ni Lucien ang paghampas ng mga malalakas na alon sa barkong kanilang sinasakyan. Malayo ang kaniyang tiningin at malalim ang iniisip. Ilang araw na nga ba ang nakalipas magmula noong huli siyang magkaroon ng oras para sa kaniyang sarili? Panahon upang makapag isip-isip at makapagmuni-muni? Pakiramdam niya ay napakatagal na ang huli.
Ang kakambal niya kaya? Kamusta na kaya ito? Maayos kaya itong nakabalik sa kanilang pack? Wala na siyang naging balita pa mula rito magbuhat nung huli silang nagkita. Sinisisi pa rin kaya nito ang sarili dahil sa nangyari? Sana ay hindi. Hindi naman nito kasalanang natipuhan silang paglaruan ng halang nilang hari. Eh ang kaibigan kaya niyang si Derex? Hindi kaya ito napagalitan at naparusahan ng kaniyang ama dahil sa ginawa nilang pagtakas? Nakaramdam naman siya bigla ng kalungkutan nang maisip ang mga ito— lalo nang maimahe ang dismayadong mukha ng kaniyang ama dahil sa kaniyang ginawang padalos-dalos na desisyon— na halos ikapahamak pa nila ng kaniyang kambal at kaibigan.
Mas lalo pa siyang nakaramdam ng labis na kalungkutan nang maimahe ang nag-aalalang mukha ng kaniyang ina, dahil panigurado, ay batid na ng mga ito ang kaniyang naging kapalaran. Gayon pa man, nakakasigurado naman siyang hindi magtatangka ang kaniyang ama na sumugod sa palasyo ng hari upang tulungan siyang makawala mula rito hangga't hindi siya nagsasabi. Siya naman ang may kasalan kung bakit siya nauwi sa ganitong sitwasyon, kung kaya't siya lang rin dapat ang umayos ng ginawa niyang gusot. Muli ay napatingin siya sa maalon na dagat at napatitig sa kaniyang repleksyon sa tubig.
Napangalumbaba siya habang nakadantay ang kaniyang siko sa kahoy na bakod ng barko. Nababagot na siya. Mahigit dalawang oras na silang naglalakbay subalit magpasa hanggang ngayon ay wala pa rin siyang natatanaw na maski isang anino ng isang Isla. Gaano ba kalayo ang kanilang pupuntahan? Bagaman nais man niyang maging mahaba ang kanilang biyahe dahil sa kasunduan nila ng hari, pero sa kawalan niya ng ginagawa at pagkakaabalahan ay mas nanaisin na lamang niyang matapos na lang kaagad sila at makabalik sa kanilang kaharian.
Habang nakatanaw siya sa karagatan ay bigla na lamang siyang nakaramdam ng pagkahilo at matinding pagka-alinsangan.
'Anong nangyayari?' tanong niya sa sarili sabay hawak sa kaniyang ulo.
"Ah! Shit!" daing niya nang biglang kumirot ang markang nasa balikat niya kasabay nang paglukob ng isang nakakapasong init sa buo niyang katawan.
Napaluhod siya sa kahoy na sahig ng barko habang mariing nakahawak sa markang nasa kaniyang balikat. Panay ang pintig nito at pagkirot habang nagsimula namang umikot ang kaniyang paningin.
"Mahal na Luna!" ang sigaw ng isang lalaki mula sa kung saan. Maya-maya pa ay naramdaman niya ang paglapat ng dalawang kamay sa kaniyang braso at balikat.
Sinusubukan niyang alamin kung sino ito subalit sa tindi ng init na kaniyang nararamdaman ay hindi na siya makapag-isip ng maayos. Mabilis din nanghina ang buo niyang katawan at halos magdilim na rin ang kaniyang paningin.
"Sandali lang po, tatawagin ko lang po ang mahal na hari." saad pa ng lalaki habang inaalalayan siya nitong makahiga.
Balak niya sana itong pigilan pero sa halip na makabuo ng mga salita ay isang marahas na pagsinghap ng hangin ang ginawa ng kaniyang bibig. Ano na naman ba ang nangyayari sa kaniya? Bakit na naman nagkakaganito ang kaniyang marka? Wala naman ang hari sa paligid, kung kaya— bakit? At bakit gano'n? Bakit parang mas malala ata ngayon?
YOU ARE READING
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Werewolf" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...