Lycan XXVIII: Ang Pananambang
TULALA at kanina pa nakatingin sa kisame si Lucien. Halos tatlong pung minuto na rin ang nakakalipas magmula noong maramdaman niya ang pagbangon at pag-alis ni Calix. Subalit, magpasa hanggang ngayon ay hindi niya pa rin makuhang bumangon at lumabas ng silid na iyon. Bukod sa nararamdamang hiya sapagkat alam niyang hindi niya maitatago sa iba, kahit na anong gawin niya, ang naganap sa kanila ng hari, ay labis rin na naguguluhan ang kaniyang isipan. Hindi niya matanggap ang unti-unting pagbigay ng kaniyang katawan sa kagustuhan ng hari.
Para bang hindi na siya ang nagmamay-ari rito dahilan upang makaramdam din siya ng pangamba. Hindi na niya alam kung magagawa niyang labanan ang hari kung sakali-sakaling matuloy ang pinaplano nila ni Icien, gayong kaunting pheromones lamang nito ay halos ipagkanulo na siya ng kaniyang katawan. Noong una ay nakakasigurado pa siyang kaya niyang paglabanan at iwaksi ang kahit anong magiging epekto ng marka nito sa kaniya, subalit ngayon-- hindi na niya alam pa.
Naihilamos na lamang niya ang kaniyang kamay sa kaniyang makuha kasunod ng pagpapakawala ng isang malalim na buntong hininga. Bigla na lang niya kasi na namang naalala ang ginagawa niyang pagsang-ayon sa pag-aangking nito sa kaniya. Nahihibang na ata siya? Bakit niya ba kasi iyon ginagawa? Kahit na gaano pa siya kalango sa sensyasyong lumulunod sa buo niyang katawan ay hindi niya pa rin dapat iyon ginawa! Impit siyang napaungol dahil sa matinding siphayo. Ano na lang ang iisipin ng hari? Na pumapayag na siyang maging mate nito?
'Hindi! Ah! Buwisit!' ang nasisiphayo niyang daing sa kaniyang isipan.
Ilang minuto niya pang pinagsisihan ang kaniyang ginawa hanggang maisipan na niyang bumangon. Wala naman kasi siyang mapapala sa pagsisisi sa kaniyang ginawa dahil nangyari na iyon at wala na siyang magagawa pa upang mabago pa iyon. Hindi naman niya mapigilang mapangiwi nang mabilis siyang balutin ng naiwan na matapang na pheromones ni Calix, na nanatili pa ring nakakalat sa buong silid kahalo ng sarili niyang pheromones. Isang maliwanag na paalala ng mga naganap kanina. Mariin tuloy niyang nasuklay palikod ang kaniyang magulong abuhing buhok nang maramdaman na naman kakaibang epekto niyon sa kaniyang katawan.
Sa pagdampi ng kaniyang kamay sa kaniyang buhok ay isang eksena na naman ang muling nagpakita sa kaniyang isipan. Napapikit na lamang siya sa inis nang bigla naman niyang maalala ang ginawang paglalaro ng hari sa kaniyang buhok kanina matapos nitong akalain na nakatulog na siya matapos nilang magtalik. Muli, sa hindi niya maunawaang dahilan, sa halip na pigilan ito ay nagpanggap na lamang siyang walang malay at hinayaan niya lamang itong laruin at marahang haplusin-haplusin ang kaniyang buhok - na kung hindi lamang sa magulo at nagtatalo niyang pag-iisip ay baka nagawa pa siyang patulugin ng malambing na kilos nito. Malalim siyang napabuntong hininga. Hindi na 'to maganda. Kailangan na niya talagang makalabas ng silid na iyon bago pa kung anu-anong imahe na naman ang muling lumitaw sa kaniyang isipan.
Sa muli niyang pagmulat ng kaniyang mga mata ay dagli siyang napatingin sa kaniyang kaliwa kung saan ay maayos na nakasabit sa dingding ang isang manipis at mahabang kulay pilak na kapa na gawa sa balahibo ng isang hayop. Napapalamutian naman ng magkahalong kulay ginto at pulang hiyas ang bawat gilid at laylayan nito. Ngunit 'di tulad noong una niyang suot ay wala itong panaklob sa ulo. Sa gilid naman ng kapa ay makikita ang isang mahabang pang-ibabang kasuotan na gawa rin sa isang kulay abong balahibo ng isang hayop, maayos itong nakatupi sa ibabaw ng isang kulay kayumangging maliit na lamesa. Mabilis naman niyang tinanggal ang malambot na kumot na natatanging nakatakip sa kaniyang kahubadan at saka siya tumayo upang isuot ang mga iyon.
Nang makapagbihis na siya ay agad-agad rin siyang lumabas ng silid upang muling maglibot sana at makalayo mula sa pheromones ng hari. Sakto naman sa pagbukas niya ng pinto ay ang siya ring pagdating ng isa sa mga beta ni Calix. Matangkad itong lalaki at maputi, pero balingkinitan lamang ang laki ng pangangatawan nito- isang 'di tipikal na pangangatawan para sa isang dominanteng Lycan.
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
