Lycan XLVI: Ang Espiya
NANANATILI pa ring nasa kaniyang anyong lobo si Lucien at kasalukuyang sinusundan gamit ang kaniyang ilong ang kakaunting bakas ng isang 'di pamilyar na amoy na kaniyang nahagip kanina sa lupa at sa ilang mga ligaw na halaman. Hindi naman niya pinansin ang mga pagtawag ni Calix sa kaniya dahil alam naman niyang matutunton rin naman siya kaagad nito kahit hindi na niya ito sagutin. Natigilan nga lang siya nang bigla niyang maalala ang mga paulit-ulit na paalala ni Calix sa kaniya habang papalabas sila ng palasyo na 'hindi siya maaaring lumayo rito'. Oo nga pala. Mayro'n nga pala silang naging kasunduan.
Hindi naman siya natatakot sa kung ano ang maaari nitong gawin o sa kung anong parusa ang maaari niyang matanggap oras na labagin niya ang utos nito. Pero hindi naman magiging maayos ang kanilang relasyon kung patuloy niya itong susuwayin at gagalitin. Kung nais niyang umayos ang kanilang relasyon ay kailangan niya rin namang gumawa ng paraan upang magkaayos sila. Lalo pa't 'di rin naman niya maipagkakaila ang mga nakikita niyang mga kilos nito upang kahit papaano ay makuha nito ang kaniyang loob.
Sadyang....
Pareho lang talaga silang dominante at alpha, kung kaya't nahihirapan silang magkasundo na dalawa. Napa buntong hininga na lamang siya't umikot upang bumalik kung nasaan si Calix. Napagtanto rin kasi naman niyang kakailanganin niya ang tulong nito oras na makita nila kung sino man ang kumokontrol sa mga kawal ni Calix. Dahil paano nga naman kung buntis nga siya? Paano siya lalaban kung may posibilidad na siya'y may dinadalang supling?
Napatungo na lang siya at akmang hahakbang na sana pabalik sa kinaroonan ni Calix nang bigla na lamang siyang bumangga sa isang matigas na bagay. Napapikit siya at bahagya napaatras dahil sa pagkabigla. Nang muli niyang iminulat ang kaniyang mga mata ay nagtataka naman siyang nagpalinga-linga sa paligid.
'Anong—saan ako bumangga.' ang nagtatakang tanong niya sa kaniyang isipan. Wala naman kasi siyang nakikitang kahit anong bagay na maaari siyang bumangga. Tanging mga ligaw na damo, nagtatayugang mga halaman at mga puno lang naman ang nasa kaniyang paligid. Hindi pa naman siya bulag para hindi makita kung may puno ba, o wala sa kaniyang harapan—at malinaw namang wala, kaya—saan naman siya bumangga?
Sinubukan niyang muling humakbang ngunit, isang 'di nakikitang bagay ang kaniyang naramdamang nakaharang sa kaniyang harapan, na kaniya namang lubos na ipinagtataka. 'Huh? Ano 'yon?' Sinubukan niya muling humakbang ngunit, muli lamang siyang bumangga sa isang 'di nakikitang bagay. Nagtataka tuloy niya itong sinubukang amuyin—nagbabakasakaling baka matukoy niya kung ano ito, pero maliban sa amoy ng mga ligaw na halaman, mga puno, bulaklak, lupa at ilang amoy ng mga napaadaang hayop, ay wala naman na siyang iba pang nahahagip na kakaibang amoy.
'Lucien!' ang mariing pagtawag ni Calix sa kaniyang pangalan gamit ang kanilang mind link. 'Di naman mapigilang mapangiwi ni Lucien sa kaniyang isipan matapos niyang maramdaman ang galit sa tinig nito.
'Sandali lang..., pabalik na nga eh.' ang mabilis niyang tugon dito at saka niya sinubukang sa ibang direksyon dumaan. Ilang metro pa ang kaniyang nilakad sa kaniyang gawing kaliwa upang doon subukang dumaan, ngunit nang tangkain niya muling humakbang ay mayroon pa ring isang 'di nakikitang bagay ang nakaharang sa kaniyang harapan, at nang subukan naman niyang kumaliwa ay muli na naman siyang bumangga sa isang 'di nakikitang bagay. Marahas na lamang siyang napamura sa kaniyang isipan dahil sa pagkainis.
Ano ba itong nakaharang na ito? Wala naman siyang natatandaang ganito kanina ah? Bakit ngayon ay bigla na lamang nagkaroon?
'Lucien! Nasaan ka? Sumagot ka!'
Naiinis namang napa 'huff!' si Lucien matapos marinig ang muling pagtawag ni Calix sa kaniya gamit ang kanilang mind link. 'Anong problema niya? Hindi niya ba ako narinig?' ang nagtataka at naiirita niyang tanong sa kaniyang isipan.
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
