Lycan XLVII: Ang Pagkahuli
"ANONG ginagawa mo, Serona?! Bakit ka nagpakita! Nababaliw ka na ba?!" ang singhal ng lalaking mage sa babaeng mage na bigla-bigla na lamang lumitaw sa tabi nito. Maputi ito at may balingkinitan na pangangatawan. Kulay asul ang hanggang balikat nitong buhok at mayro'ng nakakabighaning kulay gintong mga mata. Tulad ng sa lalaking mage ay may suot-suot rin itong kulay itim na balabal, ngunit 'di tulad sa lalaking mage, ay abot hanggang paanan nito ang suot nitong balabal.
"Tumakas ka na habang—HINDI!!"
Hindi na nito natapos pa ang sasabihin nang walang anu-anong malalim na kinalmot ni Calix sa sikmura ang babaeng mage. Sa lakas ng puwersang ginamit ni Calix ay kaagad na napaluhod ang babaeng mage sa lupa—na isang malaking pagkakamali naman nito—sapagkat nang sandaling lumantad ang batok nito ay kaagad iyong pinuntirya ni Calix. Mabilis namang kumilos ang lalaking mage upang protektahan sana ang babaeng mage, sa kasamaang palad, ay bigla na lamang siyang napapalahaw sa sakit matapos walang awang kinagat ni Calix ang kaniyang kaliwang kamay at saka nito iyong marahas na hinila hanggang sa tuluyang maputol iyon.
Agad na sumirit ang napakaraming dugo mula sa naputol na braso ng lalaking mage at mariin itong g napahawak roon habang umalingawngaw sa buong paligid ang pagpalahaw nito sa sakit. Kaagad namang sinubukan ng babaeng mage ang magteleport. Gamit ang kanang kamay nito ay may tila sinusubukan itong gawing simbolo ngunit, bago pa man nito matapos ang nais nitong gawin ay mabilis na pinutol rin ni Calix ang kanang kamay nito sa pamamagitan ng matatalim nitong mga kuko.
At bago pa man makasigaw sa sakit ang babaeng mage ay isang malakas na hampas sa mukha nito ang sunod nitong natamo mula kay Calix dahilan upang mawalan ito ng malay. Si Lucien naman ay 'di na nagawang makagalaw pa dahil sa labis na pagkabigla at bago pa man siya makapagreak ay isang kagimbal-gimbal na eksena ang sunod niyang nasaksihan. Marami-rami na ang mga duwelong nasaksihan ni Lucien, at ilang rogue na rin ang kaniyang napatay at nakitang walang awang patayin pero, ni minsan, hindi pa siya nakaramdam ng takot nang dahil lamang sa isang labanan na kaniyang nasaksihan—ngayon pa lang.
Ngayon pa lang.
Marahas siyang napamura sa kaniyang isipan habang tulala at 'di makagalaw habang pinapanood kung paanong walang awa isa-isang pinaghiwalay-hiwalay ni Calix ang katawan ng lalaking mage gamit lamang ang bibig nito. Sa bilis ng mga pangyayari ay 'di man lang nito nagawang gumamit ng mahika o maski makaatake man lang kay Calix. Gustuhin man niyang pigilan si Calix ay para na siyang naestatwa sa kaniyang kinakatayuan habang patuloy ito sa ginagawang karahasan.
Mabilis na kumalat sa hangin ang masangsang na amoy ng dugo. Maging ang buong paligid ay mabilis na nabalot sa mga nagtalsikang dugo. Kanina pa walang buhay ang kaawa-awang katawan ng lalaking mage subalit, patuloy pa rin si Calix sa pagpira-piraso sa katawan nito. Tumigil lamang ito nang tuluyan nang hindi makilala ang katawan ng lalaking mage—ni hindi na nga makilalang katawan ito ng isang tao, dahil para na lamang itong kinatay na isang hayop.
Napitlag naman si Lucien at bahagyang napaatras nang biglang bumaling sa kaniyang direksyon ang walang emosyong at halos itim na itim na kulay abong mga mata ni Calix. Napupuno ng sariwang dugo ang kulay itim nitong nguso na umabot pa hanggang sa balahibo nito sa leeg. Maging ang dalawang unahang paa nito ay naliligo rin sa sariwang dugo. Mabilis namang nagsipagtayuan ang mga balahibo niya sa kaniyang likod matapos humakbang ni Calix papalapit sa kaniya. Wala pa ring anumang emosyon ang makikita sa mga mata nito kung kaya't hindi niya mahulaan kung ano pinaplano nitong gawin.
'C-Calix?' ang muli niyang pagsubok na kausapin ito gamit ang kanilang mind link.
'Ikaw.' ang malamig at tipid nitong tugon habang dahan-dahan itong naglalakad papalapit sa kaniya. Di naman mapigilang mapaatras ng ilang hakbang si Lucien matapos marinig ang galit sa tono ng boses nito.
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
