Lycan XLI: Ang Pagseselos

1.4K 74 29
                                        

Lycan XLI: Ang Pagseselos

Nagising si Lucien na mayro'ng hindi mawaring nararamdaman. Kasalukuyan siyang nakahiga sa malambot nilang higaan ng hari, habang tahimik at may malalim na iniisip na nakatingin sa kulay makopang kisame. Ngayong araw inaasahang darating sa palasyo ang kaniyang pamilya kasama ang kaibigan niyang si Derex. Pero sa hindi niya maunawaang dahilan ay hindi siya masyadong nasasabik na makita ang mga ito dahil sa kakaiba niyang nararamdaman.

Bagama't wala naman nang sumasakit sa kaniyang katawan at hindi na rin naman na muling naging unstable ang kaniyang pheromones, ay may kung anong kakaiba sa kaniyang pakiramdam na hindi niya mawari. Pasimple siyang tumingin sa kaniyang gawing kanan upang silipin si Calix, na ng mga sandaling iyon, ay mahimbing pa rin na natutulog sa kaniyang tabi. Nakatagilid itong nakahiga at nakaharap ang likod sa kaniya habang nakadantay naman ang ulo nito sa matipuno nitong braso.

Napakunot naman ang kaniyang noo nang mapansin ang mabagal na paghilom ng mga sugat na kaniyang naidulot sa likod nito. Halos peklat na lang rin naman ang mga ito pero, kahapon pa ang mga iyon kaya dapat ay wala na ngayon ang mga ito. Isa pa, kung tama ang kaniyang pagkakatanda ay bahagyang pagaling na rin naman na iyon kahapon noong magising siya at mapansin ang mga iyon, kaya.... Bakit? Nakakapagtaka namang hindi pa rin nawawala ang mga iyon?

Nagtataka man siya ay hindi na lamang niya iyon masyadong inisip pa at sa halip, ay dahan-dahan na lamang siyang bumangon upang makapag-ayos. Agad namang lumantad ang hubad niyang katawan matapos mawala ang nakataklob na kumot sa kaniyang katawan. Hindi naman na niya iyon inintindi at mabilis na lamang siyang natungo sa paliguan. Pagkapasok na pagkapasok naman niya roon ay agad niyang tinignan ang sarili sa tapat ng isang may kalakihang salamin na nakadikit sa batong pader.

Masusi niyang pinagkatitigan ang kaniyang repleksyon sa salamin upang matignan kung sakaling mayroon ba siyang dapat itago o ayusin bago niya harapin ang kaniyang mga magulang. Alam niyang labis-labis na sakit sa ulo at pag-aalala na ang idinulot niya sa mga ito, at ayaw na niyang dagdagan pa iyon. Kaya hangga't maaari ay nais niyang ipakitang nasa maayos siyang kalagayan.

Kahit naman kasi hindi pa niya lubos na natatanggap ang mating bond nila ng hari, ay hindi naman niya mababago pa ang nangyari. At kahit ayaw niya rito, ay ayaw naman niyang ipakita sa kaniyang mga magulang ang 'di pa rin nila maaayos na relasyon ng hari. Kung tutuusin rin naman, sa mga nakalipas na mga araw, ay hindi naman niya maitatanggi ang kakaibang pag-aalaga nito sa kaniya. Kailangan lang talaga niya ng panahon upang tuluyan itong matanggap bilang kaniyang mate, at sana.....

Sana lang.

Ay matutunan din niya itong tanggapin.

Ayaw naman din niyang bumuo ng isang pamilya ng hindi napupuno sa pagmamahal. Ilang araw na rin naman niya itong pinag-iisipan. Sadyang... Marahas niyang nahilamukos ang kaniyang mukha at saka malalim na napabuntong hininga. Sadyang, hindi lang talaga niya gusto ang ginawa nitong paraan upang angkinin siya at kunin bilang mate nito, bilang Luna nito. Isa pa —ang pag-uugaling sapilitang pagpapasuko ng isang dominanteng alpha sa mas nakakababa sa kaniya upang makuha lamang ang gusto nito, ay ang pinaka ayaw niyang pag-uugali ng isang dominanteng alpha. Ito rin ang dahilan kung bakit noon pa man ay madalas na siyang mapaaway sa mga kapwa niya dominanteng alpha.

Pero ano pa ba ang kaniyang magagawa? Taglay na niya ang marka nito. Ganap nang magkakonekta ang kanilang mga kaluluwa, sa ayaw man niya o sa hindi. Wala naman siyang ibang magagawa kundi ang tanggapin ito bilang kaniyang mate. Muli siyang malalim na napabuntong hininga at napatingin sa kaniyang repleksyon sa salamin, partikular sa markang nakaukit sa pagitan ng kaniyang kanang balikat at leeg. Isa iyong magkahalong kulay abo at pulang hugis cresent na buwan. Sa ilalim naman iyon ay makikita ang nakaukit na buong pangalan ni Calix gamit ang maliliit na letra.

Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon