After 5 years! Finally! A NEW CHAPTER!
Lycan XXIX: Icien
MULA SA KANIYANG MALALIM na pagkakatulog. Unti-unting naramdaman ni Icien ang pagbalik ng kaniyang kamalayan. Ipinagtaka naman niya ito dahil pakiramdam niya ay hindi pa ito ang oras na dapat ay manunumbalik ang kaniyang kamalayan. Nang tuluyan nang bumalik ang kaniyang malay, ang una niya kaagad napagtanto ay ang hirap niya sa paghinga kasunod niyon, ay ang pagkaramdam ng tila nasa ilalim siya ng isang anyong tubig. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata subalit agad din niya iyon naipikit nang dagli-dagli iyong mapasok ng tubig. Ilang beses pa siyang napapikit-pikit hanggang tuluyan nang masanay ang kaniyang mga mata sa tubig at maging malinaw na rin ang malabo niyang paningin.
'Anong--?'
Gulilat siyang napatitig sa kaniyang paligid nang malamang tama nga ang kaniyang hinala. Nasa ilalim nga sila ng tubig. Pero bakit siya na roon? Anong ginagawa ni Lucien dito? At... anong klaseng anyong tubig ito? Hindi ito pamilyar sa kaniya. Masyado itong mabigat sa pakiramdam at tila kakaiba ang taglay na puwersa kahit na ba mukha itong kalmado.
Kamuntikan naman siyang mapasinghap sa sakit nang bigla siyang makaramdam nang matinding sakit sa kaniyang mga hita, at gano'n na lang ang kaniyang pagkabigla nang isang malaking kakaibang nilalang ang bumungad sa kaniya. Kasalukuyan nitong hawak-hawak nang mariin ang dalawang binti niya habang pilit siya nitong hinihila pailalim. Impit naman siyang napaungol sa sakit nang maramdaman ang pagkapunit ng kaniyang balat at ang mas lalong pagbaon ng nagtataliman nitong mga kuko. Matalim niya itong tinignan ng masama at saka sinubukang magpakawala ng nang-iintimidang pheromones kasabay nang pagsubok niyang tantyahin ang lakas nito ngunit.... Bakit gano'n? Bakit hindi niya maramdaman ang presensya nito?
'Lucien?' ang pagpukaw niya sa isipan ni Lucien subalit gano'n na lang ang pagsasalubong ng kaniyang dalawang kilay nang hindi niya ito maramdaman.
'Lucien?!' ang muli niyang pagsubok.
Pero marahas na lang siyang napamura sa kaniyang isipan nang mapagtantong wala itong malay. 'Ano bang nangyari habang wala siyang malay?' Inaasahan niyang nasa palasyo pa rin sila ng hari sa oras na magkamalay siya dahil alam naman niyang malabo silang pakawalan nito. Nagawa bang makatakas ni Lucien? Pero kung gano'n nga, bakit sila nasa ganitong sitwasyon? Anong klaseng nilalang itong nasa harapan niya? Nakakasigurado naman siyang gigisingin siya ni Lucien kung saka-sakaling may hindi magandang nangyari.
Sa kasamaang palad ay wala na siyang oras pa upang alamin kung ano ba talaga ang nangyari dahil muli na namang nagparamdam ang kaniyang baga na ng mga sandaling iyon ay animo'y sinusunog nang paulit-ulit habang mas lumipas pa ang mga segundo. Sinubukan niyang magpalit anyo bilang isang Lycan upang madagdagan pa sana ang kaniyang lakas na taglay, subalit isang nakakapasong matinding puwersang nanggagaling sa kaniyang leeg ang biglang pumigil sa kaniya na magawa iyon. Buong lakas naman niyang pinigilan ang sariling mapasinghap sa sakit upang mareserba ang natitirang katiting na hangin sa kaniyang katawan. Mabilis na dumapo ang kanang kamay niya sa kaniyang leeg upang tanggalin sana ang kung ano man ang bagay na iyon na nasa kaniyang leeg, ngunit... Gano'n na lamang siya nagpuyos sa galit nang may maramdamang pamilyar na bagay mula roon.
'Anong–? Ano 'to?!' ang nagngingitngit niyang galit na singhal sa kaniyang isipan nang makapa ang isang collar na gawa sa bakal sa kaniyang leeg.
Bakit may suot siyang gano'n? Sinong lapastangang nagkabit ng collar na iyon sa kanila?! Ang lakas naman ng loob nitong– Mabilis na tinakasan ng emosyon ang kaniyang mga mata nang mapagtantong wala namang ibang manganghas na magsuot niyon sa kanila, kung 'di ang hari lamang. Ganito ba ito kasidedong hindi sila makawala ni Lucien mula sa puder nito, at talagang isinuotan pa talaga sila nito ng isang collar na animo'y isang alipin?!
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
