Lycan XXV: Ang Kasunduan

4.6K 218 47
                                        

Lycan XXV: Ang Kasunduan.

"ILANG beses ko bang sasabihin sa'yo? Hindi nga ako nagtangkang tumakas!" ang nasisiphayo nang singhal ni Lucien kay Calix.

Kasalukuyan silang nasa silid nito na matatagpuan naman sa gitnang bahagi ng barkong kanilang sinasakyan. Wala pang halos sampung minuto magmula nang pumasok sila roon ay halos magpang-abot na kaagad silang dalawa lalo na nang makita niya ang hawak-hawak nitong kasuklam-suklam na bagay sa mga kamay nito. Nababaliw na ito kung inaakala nitong hahayaan niyang maikabit nito iyon sa kaniya!

Napaggigitnaan naman nilang dalawa ang malaking kamang nababalutan ng isang makintab at malambot na kulay itim na balahibo na sapin.

"Kung gayon— paano mo ipapaliwanag ang nangyari kanina, ha? Sa tingin mo ba ay tanga ako para hindi mapansin ang ginagawa mong pagtakas?!"

Inis naman siyang napasagitsit dahil bumalik na naman sila sa umpisa.

"Ilang beses ko bang ipapaliwanag? Hindi ko nga alam! Basta may naamoy na lang akong kakaibang amoy mula sa direksyon na iyon, at hindi maganda ang kutob ko sa kung anumang nilalang o bagay na iyon! Pagkatapos ay 'di ko na namalayang sinusundan ko na pala ang pinanggalingan ng amoy— ni hindi ko nga alam na naglalakad na pala ako patungo sa kakahuyan!"

"At sa tingin mo naman ba ay kapani-paniwala iyang paliwanag mo, ha? Anong akala mo sa akin? Utu-uto?"

Inis naman siyang napatingin sa hari at saka sumusukong napabuga ng hangin.

"Hindi ko na siguro kasalanan kung ayaw mong maniwala, ano? Pati ba naman iyan, poproblemahin ko rin?"

Tumalim naman ang tingin nito sa kaniya.

"Tumigil ka na, at Lumapit ka na rito. Huwag ng matigas ang ulo! Marami pa akong dapat gawin!"

"Manigas ka! Ano ba ang hindi mo maintindihan sa sinabi kong hindi nga ako nagtangkang tumakas? Na hindi ako magtatangkang tumakas— at kahit gustuhin ko man ay hindi ko magagawa, ha? Kaya hindi mo na kailangang ikabit pa iyan sa akin! At parang hahayaan ko namang ikabit mo 'yan sa akin, bastardo ka!"

Isang mabangis na garalgal na pag-ungol naman ang biglang pinakawalan ng hari, na siya namang nagpatigil sa kaniya. Kapwa nagpupuyos sa galit ang kanilang mga mata habang matiim at matalim na nakatingin sa isa't isa. Nakikipagsukatan at naghihintay kung sino ang unang susuko. Ngunit kapwa pareho silang walang planong magpakita ng kahit kaunting pagsuko.

Mariing napahilot sa kaniyang tungki ng ilong ang hari. Napatingala pa ito at saka mariing napapikit. Mataman namang naghihintay si Lucien sa susunod na gagawin nito, at gano'n na lang siya nagpigil umiwas ng tingin nang muli nitong imulat ang mga mata nito at sumalubong sa kaniya ang malamig at nakakatakot nitong tingin.

"Lumapit ka na rito, munting Alpha,  bago pa natin parehong pagsisisihan ang susunod na maaaring mangyari."

"Hindi mo ako ngayon madadaan sa iyong pagbabanta Calix. Hindi— hindi sa pagkakataong ito, kamahalan."

At kahit nakakaramdam pa rin siya nang bahagyang panghihina dulot ng lason nito, ay magkakamatayan muna silang dalawa bago niya hayaang maikabit iyon sa kaniya. Kahit ang pangako niya kay Icien na hindi niya gagamitin ang kanilang lason laban sa hari ay handa niyang baliin, huwag lamang nitong magawa ang nais nito!

Hinding-hindi siya makakapayag na ikadena siya nito na parang isang hayop! Sapat na ang napahiya siya nito kanina— pero ang nais nitong gawin ngayon ay lubos na hindi katanggap-tanggap para sa tulad niyang isang alpha!

Muli, ay mariing napapikit ang hari habang mababakas naman sa paggalaw ng dibdib nitong natatakpan ng suot nitong kapa, ang malalalim nitong paghinga. Animo'y kaunti na lamang at tuluyan na niyang mauubos ang pasensya nito. Pero wala siya roong paki! Hunghang na ito kung iniisip nitong papayag pa siyang muli nitong pahiyain!

Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon