Lycan XXIV: Ang Paglalayag
KANINA PA HINDI mapakali ang kalooban ni Lucien matapos niyang marinig ang mga ulat ng punong kapitan sa kanilang Hari. Hindi naman niya kasi lubos akalain na ganitong sitwasyon ang kaniyang maabutan sa lugar na pagdadalhan ng hari sa kaniya, at mas lalong hindi niya inaasahang ganito kaseryoso ang sitwasyong kanilang kasalukuyang kinakaharap! Na anumang oras ay maaaring malagay sa matinding peligro ang kanilang kaharian.
Gusto niyang tumakas— umalis at magtungo sa kanilang pack upang mabalaan ang kaniyang ama. Ngunit nagpipigil lamang siya dahil alam niyang hindi siya hahayaan ng hari. Batid niya rin namang ipapaalam nito ang sitwasyon sa nasasakupan nito kung saka-sakaling mas malagay pa mapanganib ang sitwasyon. Sa ngayon, ay kailangan niyang alamin hanggang sa kaniyang makakaya kung ano ang mga nangyayari. Kung ano ang mga dambuhalang nilalang na nagapi ng mga kawal ng hari, kung saan ang mga ito galing, at kung bakit inatake ng mga ito ang kanilang kaharian.
Nasa labas sila ngayon ng kuweba kung saan ginanap ang pagpupulong ng mga ito kanina at hinintay na maihanda ang barkong panlayag na gagamitin ng hari sa gagawin nitong paglalayag. Hindi naman niya mapigilang makakaramdam ng pagkatuwa matapos niyang malaman na maglalayag ang hari kasama ang ilang kawal nito patungo sa isang isla na matatagpuan sa labas ng kanilang kaharian.
Ibig sabihin, pansamantala itong mawawala na ang ibig sabihin naman ay pansamantala rin siyang makakalaya mula sa hari. Ngunit ang pinaka ikinatutuwa niya ay ang posibilidad na maudlot ang muli nitong pagmamarka sa kaniya. Kung hindi ba naman siya sinusuwerte. Base sa kaniyang narinig ay ilang araw itong mamawala, at anong malay niya? Baka sa panahon na wala ito ay makaisip na siya ng paraang upang makawala mula sa mga kamay nito. At kung susuwertihin pa siya ay baka magbago pa ang isip nitong hirangin siya bilang Luna nito. Wala sa sariling napakibit balikat naman siya dahil sa kaniyang naisip. Wala namang masama kung aasa siyang—
Biglang nanigas ang buo niyang katawan at saka mabilis at alertong napatingin sa lokasyon ng tatlong dambuhalang nilalang matapos niyang makahagip ng isang kakaibang amoy ang mula sa direksyon ng mga ito. Kaunti na lang iyon at halos pawala na, ngunit alam niyang hindi mula sa mga dambuhalang nilalang na iyon ang amoy na kaniyang nasamyo. Hindi. Mula iyon sa iba, ngunit hindi niya mawari kung ano. Hindi pamilyar ang amoy sa kaniya at sa hindi niya malamang dahilan ay masama ang kutob niya rito.
Napatingin sa kakahuyang nakapalibot sa buong lugar. Nanlamig siya at nangilabot. Hindi niya alam kung bakit, pero pakiramdam niya, para bang may mapanganib na nilalang ang nagtatago mula roon.
Pasimple siyang napatingin kay Calix, na kasalukuyan namang abala sa pagkausap sa dalawang beta nito. Matiim niyang pinag-isipan kung sasabihin niya ba rito ang kaniyang naamoy at naramdaman, subalit paano kung wala lang naman iyon? Paano kung mula lamang iyon sa sa isang mabangis na hayop na hindi lamang pamilyar sa kaniya? Baka pagtawanan lamang siya hari. Tama. Mas mabuti pang hindi na lamang niya iyon sabihin sa hari. Dahil kung totoo ngang tama ang nararamdaman niyang panganib ay sa malamang, naramdaman na rin iyon ng hari. Impossible namang hindi. Isa pa, sa dami nila roon? Imposible naman atang siya lang ang nakapansin sa kakaibang amoy na iyon.
Tama. Tama. Baka iba lang talaga ang kutob niya dahil hindi pamilyar ang amoy na iyon sa kaniya. Marahil ay ganoon nga. Masyado lang siguro siyang naging praning.
Napasinghap naman siya sa gulat nang isang kamay ang biglang mariing kumapit sa kaniyang kanang braso at saka siya marahas na hinila. Halos masubsob naman siyang napasandal sa isang matigas na bagay na nababalutan ng isang tela. Noong lingunin niya ito, doon bumungad sa kaniya ang galit na mukha ng hari.
Taka naman siyang napatitig sa mukha nito. Ano na naman ba ang ikinagagalit nito? At bakit hindi man lang niya naramdaman ang paglapit nito sa kaniya? Samatalang halos ilang metro ang layo nito sa kaniya kanina.

YOU ARE READING
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Werewolf" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...