Kabanata 39: Pitong Buwan
Noong panahong bagong silang palang ang sansinukoban, ay mayroong isang pamilya ng diwata ang naatasang gabayan ang mga tao sa tuwing sasapit ang dilim. Ito ay kanilang puspusang ginawa sa loob ng daang libong taon dahil mataas ang pagtingin nila sa unang maykapal at maylikha ng lahat – si Bathala.
Sa umaga, ang atas ng pagbabantay ay na kay Apolaki, ang maykapal ng araw at pandirigma. Siya rin ay kaibigan ng pamilya. Pagsapit naman ng gabi ay tulong-tulong ang buong pamilya sa pagmamasid at paggabay sa mga likha, partikular na sa mga tao. Hindi tulad ng ibang nilikha, ang mga tao ay hirap kumilos sa kadiliman. Sila ay mahihina lalo na laban sa mga gawain ni Sitan at mga kampon nito. Si Sitan ang maykapal ng daigdig ng mga namayapang ninuno o anito.
Bilang haligi ng pamilya, si Subang kasama ang kanyang asawa na si Banolor ang siyang umaagapay sa kanilang limang anak, si Balining ang panganay na lalake, ang misteryosong si Libulan, si Mayari ang panganay na babae na mapusok, at ang kambal na sila Bulan ang bunsong lalake na mahiyain at si Haliya, ang bunsong babae sa magkakapatid. Tulad ng ginawad na katungkulan ni Bathala kila Subang at Banolor, gagampanan din ito ng mga magkakapatid habambuhay. Mula sa kaluwalhatian, masigasig na minamatyagan ng pamilya ang lahat.
Araw-araw, ang magkakapatid na diwata ay may kanya-kanyang gawain. Si Balining na may mala-porselanang kutis ang hinahasa ng mag-asawa sa kanilang tungkulin. Samantalang si Libulan ay kadalasang hindi makita, dahil sa pag-oobserba at pagaaral nito sa iba't-ibang panig ng sansinukoban. Si Mayari naman ay madalas magtungo kay Apolaki, si Bulan na palaging pinagkakaguluhan ng mga kapwa diwata at ibang maykapal, dahil sa angkin nitong gandang lalake. At si Haliya na kadalasan ang gumagawa sa trabaho ni Mayari, tulad ng paghahabi at pagsusulat. Ngunit sa totoo lang ay kinasusuklaman niya ito. Ang tanging mithi niya ay ang humawak ng mga sandata at makinig sa mga tala tungkol sa mga dambuhala at halimaw ng sansinkoban.
Sa loob ng mahabang siglo, ito ang naging alituntunin ng pamilya. At dahil dito, kinilala sila ng mga kaharian ng tao bilang ang pitong buwan sa gabi. Sa mga magsasaka, sila ang naging gabay nila sa tamang panahon ng pagpapahinga, pagsisilab, pagtatanim, pagagamas, at pagaani.
* * *
Isang araw, nakatanggap ng ulat si Apolaki na may binabalak na masama sila Sitan laban sa mga kaharian ng tao. Dahil dito, agad na nagpatawag ng pagpupulong si Bathala sa lahat ng maykapal na nasa kaluwalhatian. Hinabilin nila Subang at Banolor sa kanilang panganay ang responsibilidad ng pagbabantay dahil aabutin sila ng matagal sa pulong.
Habang naka-antabay ang limang magkakapatid sa kanilang gawain, may napansin na kakaiba si Balining sa isa sa mga kaharian ng tao. Agad nitong inutusan ang mga diwata ng hangin upang siyasatin ang nangyayari at sinabihan si Bulan na puntahan ang kanilang mga magulang upang ipaalam ang hindi magandang nangyayari sa kalupaan.
Ayon sa ulat ng mga diwatang angin, maraming sa mga alagang hayop at nagsipag-nangamatay at ang mga malalawak na pananinam ay tinupok ng sunog. Hindi na nag-atubili pa si Balining at kinuha ang kanyang kampilan upang tulungan ang mga tao. Dala ang kanilang tagdan at palaso ay sumama sila Libulan at Mayari sa daigdig. Nagpumilit na sumama si Haliya, ngunit hindi ito pinayagan ng tatlong nakatatandang kapatid.
Kaharian ng Ibalon
Pagdating ng magkakapatid sa kalupaan ay naghiwalay sila upang personal na siyasatin ang kaguluhang nagaganap. Nagtungo si Mayari sa isang panig ng kaharian kung saan maraming alagang hayop ang namatay. Si Libulan naman sa mga sakahan na tinutupok parin ng apoy, at si Balining sa bahay ng datu ng kaharian.
Gamit ang mga natutunan niya kay Apo Tudo ay pinukaw nito ang apoy sa pamamagitan ng pagbuhos ng ulan sa mga ito. Si Mayari naman ay kinalaban ang mga hayop na animo'y muling nabuhay at sinasalakay ang mga naninirahan sa paligid. Sa pagtapak ni Balining sa bahay ng datu ay agad siyang sinalubong ng mga pana na agad naman niyang naiwasan. Hinarap din siya ng mga kawal ng datu at tinutukan ng mga sandata nito. Nagtaka ang diwata sa kanyang kinakaharap, alam niyang ang kahariang ito ay ilang beses na nilang tinulungan noon at ang mga naging babaylan dito at mga datu ay binibisita nila upang pagpalaan.
BINABASA MO ANG
Sulyap
Historical Fiction"History is written by the Victors..." - Winston Churchill Ang kasaysayan ang katauhan ng isang lipunan. Ito rin ang huhubog at magtatakda sa kinabukasan ng isang bansa. Ngunit, paano kung ang nasusulat na siyang malawakang tinuturo at pinan...