Galleong Victoria, Dagat Celebes – Hunyo 19, 1521
Mahigit isang buwan nang nasa loob ng kanyang kabina si Fernando Magallanes. Tanaw mula sa kanyang silid bughaw na dagat ang malakas na sinag ng araw na tumatama dito.
Isang katok ang kanyang nadinig at matapos nito ay bumukas ang pinto at nakita niya ang katiwalang inatasang maghatid palagi sa kanya ng pagkain. Ito rin ang lalaking binaril ng kakaibang armas ni Chavez dati.
"Senyor, handa na ang iyong tanghalian. Masarap ho 'yang isda nay an, bagong huli lang nila kaninang umaga." Anyaya nito sa kanya.
Agad na lumapit si Magellan sa hapag upang kumain dahil naisip niya na mas nakakagutom ang walang ginagawa ng magdamag kaysa magmatyag at magsaliksik sa taas ng kabina.
Hinigop nito ang sabaw ng isda at mukhang nasarapan siya dito. Bago pa man makasubo si Magellan ay isang katok ang muli nilang narinig.
Isang lalaking kilala niya ang nakatindig dito.
"Juan Sebastian, ikaw ba iyan?" manghang tugon nito.
"Oho Senyor Magallanes, masaya akong nakita kang muli." Tugon nito.
"Akala ko ay isa kana sa mga pumanaw sa nangyaring labanan sa pantalan ng Samar." Baliktanaw na sagot ni Magellan.
"Naku senyor, muntikan na ho, mabuti nalang at milagrong nakapagtakas kami ng Bangka mula sa mga lumulubog na galleon natin."
"Paano ka naman napadpad dito?" Tanong ni Magellan bago sumubo ng kanyang pagkain.
"Dito ako inatasan ni Senyor Ledesma matapos siyang magpaiwan sa kapuluan ng San Juan ilang milya sa timog kanluran ng Landrones." Paliwanag nito.
"Ano ang posisyon mo dito sa paglalayag na ito?" tanong ni Magellan habang nginunguya ang pagkain.
"Mabuti at natanong mo iyan Senyor..." wika ni Juan Sebastian sabay pahapyaw ng tingin sa katiwalang lalaki sa loob ng silid.
"Sige ituloy mo ang iyong sasabihin." Dugtong naman ni Magellan.
Pumwesto malapit sa pintuan ang katiwalang lalaki at pinakiramdaman ang tao sa labas nito.
Nagmwestra ito tanda na walan ang nagbabantay sa kanilang kawal.
"Ako ang inatasang maging kapitan ng paglalayag na ito." Mahinang sagot nito.
Bahagyang nagulat si Magellan sa nairinig.
"Gustuhin ko mang patakasin ka o ilipat ko sayo ang pamumuno dito ay hindi ko magagawa. May hinabiling espiya si Ledesma dito kaya sa ngayon, pili lang ang mga pagkilos ko kaya pagpaumanhin mo nalang senyor kung may pagkakataong marahas sila o ako sayo." Paliwanag ni Juan.
Sandaling tumahimik ang silid.
"Naiintindihan ko ang iyong sitwasyon amigo. Dahil diyan ay may naisip akong plano. Matagal ko na itong hinanda..." sagot ni Magellan kay Sebastian sabay tapik sa balikat nito.
"Ano itong sinasabi mong plano?"
Muling humigop ng sabaw si Magellan at lumagok ng tubig.
"Bago ko sabihin sayo ang lahat, maari mo bang maibigay ang mga kailangan kong kagamitan?"
Muling napalingon sa likod si Juan Sebastian upang mwestrahan ang katiwalang lalaki. Lumapit ito sa hapag at inimis ang mga pinagkainan bago tuluyang lumabas ng silid.
"Hindi ko agad mabibigay ang mga hihilingin mo, alam mo iyan."
"Oo kaibigan, hindi naman ako nagmamadali, lubusin natin ang mga lilipas na taon pabalik ng Espanya."
BINABASA MO ANG
Sulyap
Historical Fiction"History is written by the Victors..." - Winston Churchill Ang kasaysayan ang katauhan ng isang lipunan. Ito rin ang huhubog at magtatakda sa kinabukasan ng isang bansa. Ngunit, paano kung ang nasusulat na siyang malawakang tinuturo at pinan...