"Napakagaling mo naman"
"Ang ganda ng akda mo!"
"Ang husay! Wala akong masabi!"
"Salute to you!"
"Best writer na kita!"
Iyan ay iilan lang sa isang libong comments sa tulang pinost niya sa isang social media site. Walang kaduda-dudang umabot ito ng mahigit na 1k reacts, comments and shares dahil sa taglay na "kagandahan" ng sinulat niyang tula. Nakangiti siya habang binabasa iyon at halos abutin siya ng gabi sa kakareply rito bawat isa. Hindi birong magkaroon ng maraming followers at readers sa isang single post kaya naman masasabi niyang "swerte" siya sapagkat hindi lahat ng "writers" ay nakakatanggap ng "overwhelming" na "appreciations.
Napahikab siya sa sobrang antok ngunit ang mga mata niya ay tila walang balak na isantabi muna ang pagbabasa ng higit isang libong mga komento. Proud kasi siya sa sarili niya at feeling niya napakasikat na niya.
"Galing mo talaga! Keep it up!"
Napatayo siya mula sa pagkakahiga nang kaagad na mabasa ang isang comment na matagal na niyang hinihintay. Ang comment ng crush niya. Hindi niya inakalang mapapansin siya nito sa pamamagitan ng pinost niyang tula. Hindi mapatid ang ngiti sa kaniyang mga labi.
" Yieee! Haba ng hair ko!!" Aniya sa sarili habang patuloy na binabasa ang walang katapusang mga komento .
Ano pa nga bang mahihiling niya . Sa ilang taong ginugol niya sa pag-post ng mga samu't saring akda mapa-tula man , mailing kwento, dagli o kaya nama'y nobela ay ngayon lamang niya nakamit ang ganitong uri ng "appreciation" mula sa madla. Nakakatuwang isipin na sa pamamagitan nito'y nagiging sikat na siya at unti-unti nang hinahangaan at kinikilala ang pangalan niya.
Dis-oras na ng gabi nang siya'y matapos na magbasa ng sandamakmak na comments mula sa sandamakmak niya ring followers.
"Tomorrow naman .." aniya. Tiyak na kaabang abang na naman ang mga susunod pa niyang ipopost.
Kaagad siyang napadako sa isang page ng isang manunulat na napakahusay sa paggawa ng mga obra at piyesa kung tula at maikling kwento ang pag-uusapan. Ang kaibahan lamang niya sa kaniya , ito'y hindi sikat.
Napangisi niyang binasa ang mga kathang akda nito . Sabay pindot ng CTRL+C (copy) at CTRL+V (paste)
"1K FOLLOWERS I'M ON MY WAY HAHAHA"
Sabay post sa kaniyang timeline.
Nakangisi.