"Dug dug dug" lamang ng aking dibdib ang aking naririnig sa mga oras na ito. Ewan ko ba kung bakit ganito nalang ako kung kabahan. Marahil siguro'y dulot na rin ng "excitement" dahil sa wakas mangyayari na ang lahat ng ito at masasaksihan na ng lahat ang matagal mo nang pinangarap at maging ako din. Masaya lang siguro ako sapagkat makikita ko na naman ang maamo mong mukha , ang mapupungay mong mga mata , ang matangos mong ilong at ang nakakaakit mong labi. Hindi pa man nagsisimula ang okasyon ngunit ramdam ko na ang patuloy na pagkabog ng aking dibdib. Pinagpapawisan na rin ang aking kamay at ako'y tila hindi mapakali.
"I-relax mo lang sarili mo baka masira ang make-up mo at pumangit ka. Hindi magandang makita ka nilang haggard at stress. You should look fresh lalo na at isa ka sa pinakamagandang babae sa gabing ito."
Wika ni Sissy na siyang make up artist ko.
Ngumiti lang ako at tinignan ang sarili ko sa salamin suot ang makintab na puting gown at makinang na hikaw sa aking taynga.
Maya -maya lang ay nagsimula na nga ang okasyon at dahan-dahan akong naglakad palabas. Ayan na , nakikita ko na ang bawat pagsulyap ng mga tao sa loob na tila ba'y namangha sa akin.
Ngunit isa lamang ang nakaagaw ng aking atensyon at ang napagtuunan ng aking mga mata.. Iyon ay ang kaniyang maamong mukha at maningning na mga ngiting nakatingin sa akin...
Napangiti ako sa iisiping ako ang dahilan ng iyong mga ngiti..Kasabay niyon ay ang pagsaliw ng musikang lalong nagpatigil sa aking mundo.
" Sa pagpatak ng bawat oras ay ikaw ang naiisip-isip ko.. Hindi na mahinto pintig ng puso..."
Tama . Sa mga sandali na ito'y pintig lamang ng aking puso ang aking naririnig.
" Ikaw .. ang pag-ibig na hinintay.."
Patuloy pa nga ang pagtakbo ng oras at pagpintig ng aking puso habang ako'y papalapit saiyo suot ng aking makintab na gown.
Ngunit isang pantasya lamang pala na ako'y naglalakad .
Hindi ako ang naglalakad bagkus ako'y nakatayo sa isang sulok habang pinagmamasdan kang nakatitig. Hindi pala sa akin kundi sa kaniya.. sa babaeng matagal mo nang pangarap."Puso ay nalumbay na kaytagal ngunit ngayo'y nandito na ikaw ikaw"
"Ang pag-ibig na binigay sa akin ng maykapal ~~"
Sana nga.. ngunit hanggang kailan pa ba ako aasa ? Ngayong nasa piling ka na ng iba.
Teka teka tama na nga itong emosyon at pagluha na ito. Kailangan ko pang tapusin ang aking kanta bago pa man sila magpalitan ng mga matatamis na salita sa kanilang pag-iisang dibdib.
Na kahit man lang sa aking pagkanta ay mapansin niya ako at ako'y maging bahagi ng mahalagang okasyong ito. Kahit na hindi ako ang babaeng susuotan niya ng singsing~~
