Tinitigan kita. Hindi ko na mabilang kung ilang minuto o ilang oras na ba akong nakatitig sa iyo. Nanginginig ang aking katawan at hindi ko alam kung bakit ko ito nararamdaman. Napatigil rin sa paghakbang at paglapit sa iyo ang aking mga paa na tila ba ito'y nanigas na sa aking kinatatayuan. Naiiyak na din ako. At unti-unting bumabalik sa aking isipan kung bakit ko nga ba ito nararamdaman. Hindi naman tayo ganito dati ah. Gusto kitang sigawan ngunit walang boses na lumalabas sa bibig ko. Nais kong itanong sa iyo kung bakit ang lamig lamig mo na. Kung bakit ang cold mo na sa akin..
"Juan!! Tapos ka na ba jan! Maliligo pa itong kapatid mo ! Aba at baka malate pa kayo sa klase nyo!"
Sigaw ni Nanay. Napakamot na lamang ako ng ulo at tinitigan muli ang tubig sa gripo na kanina pa nagpapatindig sa aking mga balahibo.