Si Kading
Napatalon si Kading sa saya nang dumating ang kaniyang ina. May dala itong isang supot ng isda na paboritong-paborito niya mula nang siya'y isilang. Alam iyon ng kaniyang ina kaya kahit lingid sa kaniyang kaalaman na matindi ang sinasapit nito makuha lamang ang kaniyang gusto.
Masayang hinimay ng kaniyang ina ang malaking isdang dala at agad na ibinigay sa kaniya. Mapapangiti na lamang ito habang pinagmamasdan siyang lantakan ang ulam na dala. Swerte na lamang niya kung may matira pa sa katakawan ng kaniyang anak.
Kabisado na ni Kading ang mga pangyayari araw-araw. Kapag siya'y gumigising ay wala ang kaniyang ina sa kaniyang tabi. Mapapangalumbaba na lamang siya at hihintayin ang pagdating nito. Isang araw ay gayon na naman ang sitwasyon. Wala ang kaniyang ina kaya naman pinilit na lamang niyang libangin ang kaniyang sarili upang hindi mainip. Gutom na si Kading , ngunit wala siyang pagpipilian kundi ang muling maghintay sa masarap na ulam na ihahain nila sa mesa. Subalit ang gutom ay napalitan ng pag-aalala dahil sa pagsapit ng gabi'y walang inang bumungad sa kaniya.
Nalungkot siya sapagkat natapos ang araw na nabigo siyang makatikim ng masarap na pagkain. Napadungaw na lamang si Kading at natanaw ang napakaliwanag na ilaw na tumutupok sa gabi.
Saka muling titignan ang tiyang kanina pa hindi nasisidlan.
Maya-maya lamang ay napapitlag siya sa pag-ingit ng pinto. Inakala niyang ang ina na iyon kaya naman napatakbo siya patungo rito subalit isang hampas ang bumungad sa kaniya.
Nasapo ni Kading ang kaniyang ulong kasalukuyan nang pinamumugaran ng likido, pula.
Saka muling tumitig sa humampas sa kaniya ,
walang iba kundi ang isang matabang lalaking naka-apron. Nagustuhan niya ang amoy nito subalit hindi ang nanlilisik nitong mga mata."Nasaan ang magnanakaw mong nanay?! Namumuro na kayo inuubos ninyo ang tinda kong isda!!"
Galit na galit nitong sambit.
