Dagli 25

25 0 0
                                    

Anak, nandito na si tatay!"

Tuwang-tuwa kong sambit nang ako'y makarating sa aming tahanan. Dala ko ang isang malaking supot na kinasisidlan ng sa tingin ko'y limang kilong bigas na may tigdadalawang sardinas, kape, asukal at noodles. At sa mahigit dalawang linggo naming paghihintay dahil sa krisis ay sa wakas , muling masisidlan ang aming tiyan. Mahirap talaga kapag ganitong krisis lalo na't walang mapagkunan dahil walang hanapbuhay.

Ngayong dumating na ang pinangakong ayuda ng gobyerno, tiyak na malaking tulong ito sa lahat. Lalo na sa aming kapos sa pangangailangan.

"Tay! Nagugutom na po ako!"

Dali-dali kong ibinaba ang aking dala sa mesa saka paluhod na humarap sa limang taong anak na si Jimboy. Nga pala, kaming dalawa na lamang sa buhay dahil sa binawian ng buhay ang aking asawa nang ipanganak niya ang aming anak. Kaya simula noo'y itinaguyod ko nang mag-isa ang aking anak.
Kaya lamang, mahirap umusad at kumayod kapag ganito ang sitwasyon.

"Naku sakto, may dala akong pagkain. Teka isasaing lamang ito ni tatay ah. Jan ka lang."

Ani ko saka pansamantala siyang iniwan na nilalaro si Bantay, ang kaniyang alagang aso.

"Yehey, narinig mo yun bantay?? May dalang pagkain si tatay! Tiyak na mabubusog ka na naman."

"Ano bang gusto ni Bantay anak? Sardinas o noodles?"

Natutuwa kong tanong sa kaniya habang inilalagay ang kalahating bigas sa kaldero.
Masaya akong makita siyang nakangiti. Tila ba nawawala ang aking pagod at pangamba.
Sana lagi na lamang ganito.
Laging may ayuda sa ganitong sitwasyon.

"Pareho daw tay hihi"

Nakamot ko na lamang ang aking ulo saka sinabayan ang aking anak sa pagtawa.

Kahit na mahirap ang buhay at kapos sa pangangailangan ay masaya ang buhay namin ni Jimboy. Sa katunayan nga niya'y hindi namin dama ang gutom at pagtitiis sa tuwing kasama namin ang isa't isa , at si Bantay.
Si Bantay kasi ang palaging kasama ng aking anak sa tuwing ako'y lumilisan upang maghanapbuhay. Kaya nga iyon ang ipinangalan ko sa kaniya.
Malaki ang utang na loob ko sa asong iyon kaya kahit papaano'y tinuturing na rin namin siyang pamilya.

Sumapit ang gabi at masaya naming pinagsaluhan ang aming hapunan na puno ng tawa at kuwento.
Palagi namang naroon si Bantay sa paanan namin at kasabay din namin sa pagkain. Sa katunayan nga'y binubukuran pa namin siya kahit kami mismo ay wala nang makain.

Lumipas ang ilang araw at mabilis na ring naubos ang aming pagkain. Maluha-luha kong tinahak ang maputik na daan patungo sa tindahan ni Aling Susan. Iyon na lamang kasi ang tanging naiisip ko upang may maihain kami sa hapunan mamayang gabi.

Subalit, iba ang naging bungad niya sa akin.

"Hay naku Tenorio! Napakahaba na ng listahan mo sa akin at ngayon mangungutang ka na naman? Alam mo pare-pareho lang tayong nagugutom ngayong krisis na ito kaya wala akong maipapautang saiyo! Bayaran mo na muna ang utang mo at saka na tayo mag-usap! "

"P-pero Aling Susan, babayaran ko naman po kayo kapag natapos na po ang lockdown, naubos na po kasi ang pagkain namin at wala pa akong mapagkunan. Sige na po oh, kahit tinapay na lang po para sa anak ko..."

"Wala na talaga akong maipapautang sayo kahit na asin pa yan! Kaya kung ako sayo umalis ka na at hindi mo ako madadala sa drama mo!"

Nagdidilim man ang aking paningin ay pinili kong kumalma at humakbang palayo sa kaniya.

Sa mga oras na ito'y halos hinalughog ko ang laman ng aking isip upang mag-isip ng ibang paraan upang may maihanda sa hapunan at sa mga susunod pang araw. Hindi ko kayang makita ang aking anak na mamatay sa gutom.
Hindi ko iyon makakayanan.

At sa aking muling paghakbang ay isang mapait na ngiti ang naiwan sa aking mukha saka na nagpatuloy sa paglalakad patungo sa tahanan.

Gising na kaya si Jimboy?

----

Pasado alas-sais na ng gabi nang aking ihanda ang mga pinggan sa mesa.
Masuyo ko namang tinignan ang aking anak na kasalukuyang naglalakad. Napangiti ako, muli ko naman kasing nasilayan ang isang matamis na ngiti sa kaniya.

"Halika na nak, masarap ang niluto ni Tatay , tiyak na magugustuhan mo."

Ani ko habang nilalagyan ng pagkain ang kaniyang pinggan.

"Ano po bang ulam tay?"

"Adobo , nak. Diba paborito mo iyan?"

"Ah... Paborito rin po siguro yan ni Bantay."

Muntik ko nang mabitawan ang aking dalang sandok nang marinig ko ang huli niyang sinabi.
Hindi ko alam na ang muling pagtitig ko sa kaniya ang siyang dudurog sa aking puso.

Ang kaninang masaya niyang mukha ay nababalutan na ng lungkot ngayon.

"Tay.. nasaan po si Bantay?"

Hindi agad ako nakasagot sa kaniyang tanong.

Bagkus ay muli kong ibinaling ang aking tingin sa isang pirasong karneng naiwan sa aking kutsara.

"Umihi lang siguro 'nak."

Mga Dagli Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon