Bulaklak
"Otw"
Ang maikling tugon ni Gian sa akin nang ako'y kaniyang i-text. Napangiti na lamang ako at kaagad na inayos at inihanda ang aking sarili. Nais ko kasing magmukhang maganda at disente sa harap niya. Lalo na't unang anibersaryo namin ngayon. Ang unang anibersayong pinaghintay niya ako ng matagal. Subalit kahit na gayon ay hindi alintana kung gaano man kahaba ang nilaan kong oras upang makasama siya, siguro'y nasanay na akong palaging ganito. Medyo malayo rin kasi ang kompanyang pinagtatrabahuan niya kaya malimit siyang mahuli sa tuwing mag-uusap kaming kumain sa labas.
"Hay nako. Kung ako saiyo'y hiwalayan mo na yang boyfriend mo! Maghanap ka nalang ng iba. Sa tingin ko kasi'y hindi siya seryoso. Eh kung seryoso yan bakit lagi ka nalang niyang pinaghihintay sa tuwing may date kayo? Dapat ikaw ang hinihintay at hindi ikaw ang pinaghihintay! Hindi maginoo ang tawag riyan!"Ang paulit-ulit na tugon ni Mama na patuloy kong naririnig sa tuwing iniisip ko si Gian. Kagaya ng inaasahan ay hindi nga boto si Mama sa kaniya. Maging ang kaibigan at katrabaho ko. Madalas kasi nilang mapansing hindi lumilipas ang araw na hindi ko siya hinihintay ng matagal. Kung darating naman siya'y wala man lamang yakap o halik siyang isasalubong. Tila ba normal lang ang lahat , nag-uusap kami at nagpapalitan ng salitang "mahal kita" subalit walang "spark" na namamagitan sa aming dalawa. Subalit kahit na ganoon ay mahal ko pa rin siya at walang makakapagpabago niyon. Kahit ang isang piraso ng bulaklak na ni hindi man lamang niya maibigay sa akin.
Sa mga oras na ito'y iisa lamang ang tumatakbo sa utak ko, iyon ay ang konklusyon na baka may surpresa siyang inihanda kaya siya natagalan. Mas nais ko na lamang isipin iyon kaysa sa ekspektasyong baka hindi na siya dumating. At kahit na imposible'y aasa ako. Aasa at aasa ako.
Maya-maya lamang ay napangiti ako nang makita ko siyang naglalakad papalapit sa akin.
Subalit, napawi ang aking ngiti nang makitang wala siyang dalang kahit na ano. Bakit nga ba ako umasang magdadala siya ng bulaklak?
Sa gitna ng pangamba'y inilagay ko na lamang ang aking kamay sa kaniyang braso at naglakad papasok ng resto.
/
"Happy 2nd!"
Muli kong bati sa kaniya. Isang ngiti na lamang ang isinagot niya sa akin. Habang tumatagal ay lalo ko lamang nahihinuha na hindi si Gian ang lalaking tipo ng mga babae. Hindi siya ang lalaking masurpresa at ma-effort. Hindi siya ang lalaking gagawin ang lahat upang mapasaya ka. Hindi siya ang lalaking iyon. Masaya na siya kahit sa simpleng bagay at sa paraang magkasama kaming dalawa.
Sa tuwing magtatanong ang aking mga katrabaho,
"Seryoso? Ni hindi man lamang siya nagbibigay ng chocolate or flowers sa tuwing magdedate kayo o kaya'y tuwing anniversary? Tao ba talaga yan? Bakit parang walang pakiramdam? Walang effort?"
Napapangiti na lamang ako at itinatago ang sakit at lungkot.
"Hindi naman kasi sa materyal nasusukat ang pagmamahal. Nasa puso iyon. Sapat na sa aking kasama ko siya at mahal namin ang isa't isa."
//
Sa pagdaan ng panahon ay palaging ganoon ang eksena naming dalawa. Marami mang tutol sa relasyon namin ay buo ang desisyon kong siya'y ipaglaban.Mahal ko si Gian. At alam kong mahal niya rin ako.
Subalit, iba ang ngayon.
Mag-isa akong nakaupo sa isang napakatahimik at napakaaliwalas na lugar nang may matanaw akong isang lalaki sa kalayuan. Lumawak ang ngiti sa aking mga labi nang makita ko siya,
Si Gian.
Ngunit mas ikinabigla ko ang kaniyang dala, isang kumpol ng pulang rosas.
Hindi ko alam kung nananaginip lamang ako kaya naman nagmadali akong tumakbo papalapit sa kaniya.
At napaatras nang masilayan ang unti-unting pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata. Teka, bakit ang lungkot niya gayong may hawak siyang bulaklak para sa akin.
Matagal ko rin siyang tinitigan bago ko napansin ang pangalang nakaukit sa puting semento na nagpangilid sa luha ko.