Balik-bayan
"Oh, Carla ito sa'yo."
Nakangiting wika ni Kuya habang ibinibigay sa isa naming kapatid na si Carla ang dala nitong pasalubong. Muli kong nilibot ang paningin sa dala nitong malaking kahon na punong-puno ng regalo't pasalubong. Sa loob ng tatlong taon ay ito lamang ang tanging hinihintay at kinasasabikan namin- ang pag-uwi ni Kuya. Napakarami kasi niyang dala sa tuwing siya'y umuuwi. Naisip ko tuloy na napakaganda palang magtrabaho sa ibang bansa.
"Ito naman sayo, Buboy."
"Yey may airplane na ako!"
Sambit naman ni Buboy, pamangkin ko habang hawak ang laruang bigay ni Kuya. Napangiti na lamang ako sa isang tabi at pinunasan ang matang mayroon pang muta.
Kagigising ko lamang at hindi pa ako nagpasyang tumuloy sa sala dahil sa tinatamad pa ako. Wala pa din talagang laban ang kasabikan sa katamaran.
"T-teka.. nasan si Totoy?"
Nagpanting ang aking tenga sa aking narinig kaya naman dahan dahan akong humakbang patungo sa kanila habang ang mga ulo nila'y unti-unting umiikot sa direksyon ko.
Sumilay ang matamis na ngiti ni Kuya nang makita ako.
"Aba'y si Totoy! Malaki na. Malapit ka nang magdalaga ha. Nagsusuot ka pa ba ng panty ngayon?"
Matawa-tawang sambit ni Kuya sabay gulo sa buhok ko.
Tumitig na lamang ako sa kaniya at sa malaking kahon na napakarami pa ding laman.
"Naku biro lang.. ito pala ang pasalubong ko . Sana magustuhan mo."
Muli akong ngumiti saka kinuha ang malaking bag na may nakakaakit na disenyo.Nakakapagtaka lamang dahil palaging kulay rosas ito. Samantalang hindi naman iyon ang paborito ko. Asul ang paborito kong kulay.
"Salamat po."
Ang tangi kong nasambit saka muling naglakad papasok sa aking silid.
"Ano kayang laman nito?"
Hindi ko na muling pinatagal pa at agad ko nang sinira ang malaking bag. Umaasang kung hindi damit ay sapatos at laruan ang laman niyon.*screeeeeech*
Nabalot ng katahimikan ang buong silid nang makita ko ang laman niyon.
Sabi ko na barbie.