Si Tatay
"Anak, mag-iingat ka lagi. May lakad lang si Tatay. Mahal na mahal kita."
Apat na taon ako nang nang una kong marinig mula sa kaniyang bibig ang mga salitang iyon. Ang hindi ko lamang maintindihan ay sa tuwing bisperas ng kaarawan ko siya umaalis. Natatandaan ko pa nang hagkan niya ako sabay pahid ng likido sa kaniyang mga mata. Maaaring isipin niyang hindi ko iyon pansin dahil sa mura kong edad subalit batid kong, siya'y malungkot.
Pitong taon ako nang muli ko siyang makita. Subalit kagaya ng mga nauna , makalipas ng ilang araw na siya'y aming kasama ay isang malungkot na mukha na naman ang kaniyang ihaharap sa amin. Masaya kami sa tuwing siya'y dumarating subalit palaging may kapalit iyong lungkot sa tuwing siya'y luluhod at hahalik sa aming mga noo sabay bitaw ng mga katagang,
" Anak, mag-iingat ka lagi. May lakad lang si Tatay . Mahal na mahal kita."
Mahigpit ko lamang na yayakapin si Tatay . Hindi ko man maintindihan kung bakit kailangan niyang lumisan , ang tanging alam ko lang ay mahal ko siya at handa akong maghintay sa muli niyang pagdating.
Bilang ko ang bawat araw at buwan na wala si Tatay sa aming piling. Tanda kong halos dalawang taon din siyang wala ngunit kapagdaka'y bumabalik. Nakakalungkot nga lang dahil ni hindi ko man lang siya nakasama sa pagdiriwang sa aking kaarawan.
Sumapit na din ang ikatlong taon at sa wakas ay natapos na ang dalawang taong pangungulila sa kaniya.
Masaya akong tumungo sa tarangkahan suot ang pag-asang makikita ko siyang muli. Makikita ko siyang muli sa pagsapit ng aking ikasiyam na kaarawan.
Maya-maya lamang ay isang sasakyan ang dumating kaya naman halos mapatalon ako sa saya . Subalit nagtaka nang makitang walang ibang lulan iyon kundi si nanay.
Agad akong lumapit sa kaniya at halos madurog ang puso habang nasisilayan ang mga likidong pumapatak sa kaniyang mga mapupungay na mga mata.
Hawak niya ang litrato ni Tatay. Suot nito ang unipormeng madumi ang kulay na animo'y pandigma.
Sa kalagitnaan ng kaniyang paghikbi ay muling nanumbalik sa aking diwa ang paulit-ulit na pahayag ni Tatay sa tuwing siya'y umaalis,
"Anak mag-iingat ka lagi.May lakad lang si Tatay. Mahal na mahal kita."
Napayuko ako.
Kaya pala walang mga salitang " Maligayang Kaarawan" at "Babalik ako" na lumalabas sa bibig ni Tatay.