Ang Liham Para sa Minamahal kong si Crisostomo
Mahal kong Crisostomo,
Magandang umaga Ginoo, Kamusta? Sana maging masaya ka sa araw na ito. Alalahanin mo lamang ngumiti sapagkat mas nagiging kahanga-hanga kang tignan. Salamat sa araw-araw mong paghahatid ng saya at kilig sa akin ...
Ako'y napangiti habang muli kong binasa ang unang bahagi ng isinulat kong liham para sa kaniya. Hindi ko na yata mabilang kung ilang beses ko na siyang sinulatan at hindi ko na rin mabilang kung ilang beses niyang tinanong sa akin kung sino ang may araw-araw na naglalagay ng "love letter" sa kaniyang locker. Sa tuwing itatanong niya ito sa akin ay mapapailing lamang ako at sasabihing hindi ko alam. Tiniklop ko na ang liham na isinulat ko para sa kaniya sa araw na ito at nagmadaling tumungo sa aming silid. Hawak ko ang liham habang umaakyat sa makipot na hagdan. Kumakabog ang aking dibdib at hindi ko mawari kung bakit ko ito nararamdaman. Napadako ako sa loob ng aming silid at nakita kong wala pa siya sa kaniyang upuan. "Late na naman siguro iyon" nasambit ko sa aking sarili. Tinignan ko ang oras at pasado alas-siete pa lamang ng umaga. Nagmadali akong bumaba ng hagdan para tumungo sa locker room at iwan ang liham na isinulat ko para sa kaniya. Eksayted ako at ewan ko ba. Siguro ay nais kong mapasaya siya sa pamamagitan ng aking sulat at maging ng ensaymadang tsokolate na ako mismo ang gumawa. Pagdating ko ay eksakto namang walang tao kaya minadali kong ilagay sa loob ng kaniyang locker ang liham at kaagad na tumakbo paalis roon. Bumalik ako sa loob ng silid at napangiti ako nang makita ko siya.
"Good morning!" Bati ko sa kaniya. Ngumiti lang siya at abala sa kaniyang ginagawa.
May kasalukuyan kasi siyang isinusulat sa kaniyang notebook. Kaagad naman siyang napatayo sa kaniyang kinauupuan.
"May kukunin lang ako sa locker ko, maiwan na muna kita.." wika niya saka nagmadaling umalis sa silid. Napangiti ako sa kadahilanang mababasa niya ang sulat na iniwan ko roon. Halos magdadalawang-taon na rin mula nang magsimula akong magsulat ng liham sa kaniya. Ginawan ko na rin siya ng isandaang tula at tila ba hindi nauubusan ng mga salita ang aking utak . Iba daw talaga kasi kapag "in love" sa isang tao. Lalo na't si Crisostomo ay hindi lamang simpleng taong kilala ko, kaibigan ko siya. Isang malapit na kaibigan.
Pagbalik niya ay napangiti ako sa hawak ng kaniyang mga kamay. . dala niya ang liham at ensaymada.
"May nag-iwan na naman ng liham sa locker ko!" Sabi niya sabay pakita sa akin ng liham na pinagpaguran kong isulat kagabi.
"Aba'y sino na naman?"
"As usual haha. Sana nga makilala ko siya . Naku at napakagaling sa paggawa ng liham at tula. Napakaswerte ko naman at nagkaroon ako ng admirer na makata."
Pakiramdam ko ay namula ako. Nais kong isigaw at sabihin sa kaniyang "matagal mo na siyang kilala mula pa sa pagkabata at nais ko pang sabihing kausap mo siya ngayon.
"Paano kung makilala mo siya?"
"Syempre pasasalamatan ko siya. Halos dalawang taon na yata mula nang magsulat siya para sa akin. Ewan ko ba kung bakit hindi siya nagpapakilala. Wala ring nakakakilala o nakakakita kung sino mang pasikretong naglalagay ng mga love letters sa locker ko. Baka isipin ko tuloy na multo iyon hahaha."
Masaya niyang wika.
Kinabukasan ay masaya pa rin akong pumasok ng may ngiti sa aking labi. Dala ang panibagong liham na nilikha ko para sa kaniya. Iisa lamang ang tanging hiling ko sa aking sarili, na sana'y magustuhan itong muli ni Crisostomo. Pero tiyak namang mangyayari iyon. Hindi yata ako nagkamali ng minahal. Ilang beses ko na ba siyang nasaksihang binabasa ng paulit-ulit ang liham na binibigay ko para sa kaniya. Siya ang tipong kayang iappreciate ang mga simpleng bagay na natatanggap niya. Kaya deserve niya ang ganitong Uri ng admiration. Ito rin ang dahilan kung bakit naging crush ko siya.
Ilang beses ko ring pinag isipan kung dapat na ba akong magpakatotoo sa aking nararamdaman at ngayon, buo na nga ang aking desisyon na ipagtapat ang lahat sa kaniya.
Eksayted pa rin akong pumasok sa loob ng silid habang may kabog sa aking dibdib ngunit ako'y nagulat sa aking nasaksihan.
Si Crisostomo ay kasalukuyang may kayakap na babae habang ang mga kaklase namin ay patuloy na nagsisitilian. Halos mabingi ako sa kanilang nakakarinding ingay ngunit mas nakabibingi ang tibok ng aking puso. Iba ang tibok nito. May halong sakit. Ganito pala ang pakiramdam na makitang may kasamang iba ang mahal mo.
Mas nagulat ako nang makita ko ang babaeng kasama niya. Si Maria Clara pala. Ang babaeng matagal nang hinahangaan ng Crisostomo ko. Ngunit bakit? Akala ko ba may boyfriend na siya?
Nabitawan ko ang hawak kong liham at nagtangka nang lumabas ng silid ngunit kaagad akong tinawag at nilapitan ni Crisostomo. Ngumiti siya at tinignan ang babaeng pinaggigitgitan ko. Nakangiti ito sa akin.
"Si Maria Clara, sinagot na niya ako!"
May tumulong luha sa aking mga mata.
Inakala kong iyon na ang pinakamasakit na salitang maririnig ko sa kaniya.
Ngunit may mas sasakit pa pala.
"At alam mo ba.. siya pala ang may-ari ng lahat ng mga liham na matagal ko nang hinahanap! Siya ang makatang nag iiwan ng liham sa locker ko tol! Ang saya saya ko Elias dahil nahanap ko na siya!"
Kasabay ng pagkinang ng kaniyang mata ang pagguho ng mundo ko.
Ito ang masakit. Masakit pa na saksakin ng kutsilyo ng paulit-ulit. Masakit pala talagang mabuhay sa mundong mapag-angkin, mapaglamang,, mapanlinlang at pawang kasinungalingan.
Masakit mabuhay sa mundong puno ng kritisismo at panghuhusgang kung yayakapin ang katotohanan ay wala nang mas sasakit pa na kung magpakatotoo ma'y maaaring wala ngang karapatang mahalin ng pabalik.
Kaya heto ako, nananatiling nagtatago sa isang maskara na puno ng lihim. Maskarang walang intensyon kundi ang mahalin ang aking kauri .Liham na naisulat ay inangkin pa ng iba.
Sino ba naman ako kumpara sa kanila? Ako lamang si Elias, ang matalik na kaibigan ni Crisostomo.
![](https://img.wattpad.com/cover/185952956-288-k578330.jpg)