CHAPTER NINETEEN

9.5K 553 83
                                    

Nagulat ako sa mahigpit na yakap at halik, pero mas nagulantang ako sa biglaang pag-ulan ng flash ng camera. Naitulak ko agad si Morris. Tinakpan ko ng kamay ang mukha ko at bago pa nila kami pagpiyestahan ay mabilis akong tumalilis. Ganunpaman, naisahan nila ako. Nakasingit pa rin ang iba sa kanila at nakunan pa ng buong-buo ang mukha ko habang hinahawakan ng magkabilang kamay ng isa sa tinaguriang hottest bachelor in town---Si Morris San Diego.

"Lagot ka na naman nito, Talitha Ysabela Zaragoza," pananakot sa akin ni Barang. Finull name pa ako ng bruha para may dramatic impact.

"Sige takutin mo pa ako. Akala mo hindi ka damay dito?"

Nag-iba ang ekspresyon sa mukha ni Barang. Napalitan ang playful mood niya ng pagkainis sa akin. "Kung bakit naman kasi hindi ka maingat. Alam mo namang may gustong magpapatay sa iyo dahil sa paagkakahumaling mo kay Morris San Diego nagpahalik ka pa sa tanghaling tapat!"

"Ginusto ko ba iyon? Pinlano ko ba? Ako ba ang lumalapit?" anas ko sa kanya. Pinamaywangan ko pa siya.

"Wow! Ipangalandakan mo! Sige, ikaw na ang mahaba ang hair!"

Naggalit-galitan ang bruha. Mamaya ng kaunti niyan napahagalpak ito ng tawa. Parang baliw. Tinuturo nito ang isang larawan sa hawak na daily newspaper. Inagaw ko sa kanya iyon. Nakita ko ang sarili na naka-flash sa sumunod na pahina ng dyaryo. Kung sa isa'y mukha akong anghel na bumaba sa langit ang pangalawa ay larawan ng isang babae na hindi mo alam kung natutulog o napupuwing. Tila may nanuyo pang laway sa puno ng mga labi ko. Sa lahat ng mga nakuha nilang photos bakit iyon pa ang napiling ilathala? Nanggigil ako sa writer ng artikulong iyon. Hinanap ko agad ang pangalan niya. Hayun!

"O, hwag mong sabihing tatawagan mo pa dahil lang diyan?" nakangising tanong ni Barang.

Tinalikuran ko siya at pinindot na ang numero ng pahayagan. Nakahanda na ang sasabihin ko sa writer nang biglang may nahagip ang aking paningin. Sa hindi kalayuan sa kinaroroonan namin ni Barang may isang motorsiklong huminto. Tila kaming magkakaibigan ang puntirya ng lalaking sakay nito dahil mukhang sa direksiyon namin siya nakatingin. Nakita rin pala siya ng bruha. Bigla nitong tiniklop ang dyaryo at nagtago sa likuran ko.

"Tala, nakikita mo ba ang nakikita ko?" pabulong nitong tanong. Pa-drama pa ang tinig.

Imbes na sagutin siya, nagpalinga-linga ako sa paligid. Kung lalabas kami ng beauty salon na iyon agad-agad, baka madali kaming mapuntirya. If we decided to stay naman baka marami ang madamay kung bigla kami nitong pagbabarilin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin.

Nang bumaba sa motor ang lalaki at naglakad papunta sa salon, awtomatikong dumapa kami ni Barang sa sahig. Napatili sa gulat ang isang bading dahil bigla kong nahawakan ang binti niya para suportahan ang sarili. Nahulog ang hinahawakan nitong gunting. Buti na lang hindi sa akin nag-landing. Si Barang nama'y humahagikhik sa tabi ko habang nakatingala. Sinipa ko ang binti niya nang bahagya para patahimikin siya.

"Ano ka ba?" asik ko sa kanya.

"Wala lang." At hayun para na namang kinikiliti. Pinangunutan ko siya ng noo.

"Mga madam! Ano ho ba ang ginagawa n'yo riyan?" tanong ng nagulat na bading, Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa amin ni Barang.

"Sori po. Nahulog ang earrings ko, eh. Hinahanap ko lang," pagsisinungaling ko.

"Wala naman po kayong earrings kanina, ah." Aba, observant!

Mangangatwiran na sana ako nang biglang umapir sa line of vision ko ang maruming sapatos ng isang bagong dating. Ramdam ko talaga ang pagsikdo ng puso ko. Pinagpawisan ako nang malapot. Dahan-dahan akong tumingala. At nakita ko ang mukha ng isang maamong nilalang. Guwapo siya na pang boy-next-door type. Katunayan, pagkaalis niya ng helmet biglang nagtilian ang mga bakla sa parlor. Nag-unahan sila sa pag-estima sa mama. Pati si Barang ay biglang napatayo at nagpa-cute sa lalaki. Napilitan na rin akong sumunod.

DEAR VLOGGER #21 (MORRIS SAN DIEGO'S STORY - COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon