"Hoy! Babaeng malandi!" tungayaw agad ni Barang nang sagutin ko ang tawag niya. Kararating ko lang ng bahay noon. Paika-ika pa ako dahil medyo masakit pa ang mga paa ko gawa ng pagsemplang ko kanina sa entablado. Mabuti na lang at nabigyang-lunas agad ito ng mga paramedics kanina. Masakit pa rin, pero nailalakad ko na.
"O, ano'ng balita? May sunog na naman ba riyan sa inyo?" sarkastiko kong sagot.
"Bruhhhhaaaa!" tili lalo ng haliparot. Parang sinisilaban ang singit nito sa hindi ko mawaring kadahilanan. Minsan, naiisip ko sadyang may bitok yata ito sa puwet. Iyan lamang ang lohikal na paliwanag kung bakit lagi siyang parang kiti-kiti.
"Magsabi ka nang totoo! Ano'ng pinaggagawa n'yo kanina ni Morris sa backstage?"
Ano bang pinagsasabi ng buang na 'to?
"Hindi mo ba nakitang muntik na akong mamatay kanina? Nahulog ako sa stage, di ba? Ikaw talaga kung anu-anong kalandian iyang pumapasok sa kukote mo. Palibhasa, ikaw itong tadtad ng libog ang katawan, eh."
"Magtigil ka! Sagutin mo na lang ang katanungan ko. Malaki-maliit?"
Pinangunutan ako ng noo.
"Anong malaki-maliit ka riyan?"
"Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Ang tagal kaya n'yo sa backstage!"
"Hoy, buang! Wala kaming ginawang masama ni Morris---I mean, Mr. San Diego! Tsaka, FYI, hindi niya ako dinala sa backstage. Nandoon lang kami sa study room ng isa sa kanilang magkakapatid. Ginamot ako roon ng paramedics. O, okay ka na?"
"Weh? Hindi nga?"
"Bahala ka sa kung ano ang gusto mong paniwalaan. I have to go. Hindi pa ako nakapaghapunan." At binaba ko na agad ang telepono. Pambihira! Napakadumi ng utak!
Kumuriring pa uli ang landline ko. Nang hindi ko ito sinagot, nagwala naman ang cell phone ko. Nang makita kong si Barang na naman ang natawag, in-off ko na ang CP at nagtungo na sa kusina. Katatapos ko lang magsaing nang may maulinigang tunog ng isang sasakyang humimpil sa tapat ng bahay ko. Sinilip ko ito sa bintana. Nakita kong bumaba mula sa isang puting SUV ang nobya ni Morris. As usual, naka-sunglasses siya kahit madilim na ang paligid. Napailing-iling ako. Ibang klase rin namang pumorma ang bruhang ito.
Alam kong bubulabugin na naman niya ang aking katahimikan kung kaya nagpasya akong huwag siyang pagbuksan ng pintuan. Pinanood ko siya mula sa maliit kong sala at kitang-kita ko nang basta na lang niya sinipa ang dispalinghado kong bakod kung kaya natanggal ito sa kinakabitang poste at natumba na nga nang tuluyan. Napamulagat ako sa ginawa niya. Hindi ko sukat-akalain na ang isang katulad niyang sosyal na mahinhin ay may ugali palang sanggano.
"Hoy, ano'ng ginawa mo sa bakod ko?" salubong ko sa kanya sa labas.
Nilingon niya pa ang natumba kong bakod at nginitian ako nang ubod-tamis.
"Ay, bakod pala iyon? Hindi halata."
Pinangunutan ko siya ng noo.
"Ano na naman ang pinunta mo rito? Tungkol na naman ba sa nobyo mo? Para hindi ka na magsayang ng oras, tatapatin na kita. Wala rito ang nobyo mo at matagal nang hindi napaparito."
Ngumiti na naman ang mahadera.
"I know!" sabi pa niya. Tuwang-tuwa. "Hindi naman tungkol kay Morris ang pinunta ko rito, eh. I came here to offer you a business deal."
Business deal? Pinaningkitan ko siya ng mga mata. Ang isang kagaya niya ay hindi mapagkakatiwalaan. Baka kung anu-anong offer lang iyan. Mapahamak pa ako.
"Won't you even invite me in?"
"Hindi na kailangan. Hindi ko rin naman tatanggapin ang business offer mo, eh."
BINABASA MO ANG
DEAR VLOGGER #21 (MORRIS SAN DIEGO'S STORY - COMPLETED)
RomanceSAN DIEGO SIBLINGS SERIES #5 ********** Morris San Diego's story ********** "Cover from WattpadPabalatPH in collaboration with Wattpad Stars Program PH"