Raphael's POV
Dalawang linggo na ang lumipas mula no'ng may nangyari sa Duelo, ngunit bakas pa rin sa aming alaala ang naging laban nina Kaiser at Xandrus at ang biglang sulpot ni Jai sa gitna ng labanan.
Tulad ng iba, hindi ko rin 'yon inaasahan pero totoo naman na parang napasobra na yata ang mga tama ni Alexandrus mula kay Kaiser. Naging kaibigan rin namin si Alexandrus, kaya hindi rin kami magdadalawang-isip na pigilan ang Duelo.
Yun nga lang, ang ginawa ni Jai ay labag sa alintuntunin ng Duelo. Kahit na patapos na raw ang labanan na iyon ay naabutan pa rin ni Jai ang oras ng labanan. Kaya napagdesisyunan ng mga tagapamahala na bigyan siya ng parusa at iyon ay ang tatlong linggong paglilinis sa opisina ng mga Guro.
Tinanggap naman ni Jai ang parusa na walang anumang salita. Paulit-ulit rin siyang humihingi ng pasensya sa mga tagapamahala.
Mula no'n ay naging tahimik ulit si Jai gaya ng una naming pagkikita. Bumalik siya sa dating gawi, kahit na palagi namin siyang kinakausap. Binibigyan niya lang kami ng matitipid na mga ngiti.
Sinabihan niya na lang kaming kalimutan na lang ang lahat na nangyari para wala nang magiging gulo. Sino nga ba ang makakalimot na pinagsigawan siya ni Alexandrus sa harap niya?
At sino ba ang makakalimot sa sinabi ni Jasmiya sa kaniya?
Oo, narinig ko iyon dahil bumaba agad ako no'ng bumaba si Jai. Parang siyang nanglumo dahil sa narinig niya. Hindi niya inaasahan na manggagaling iyon sa itinuring niyang kapatid.
Alam kong hindi lang kaibigan ang turing niya sa amin kundi mga kapatid na rin. Siya lang ang ulila sa aming magkakaibigan, kaya gano'n na lamang ang turing niya sa amin.
Itinuring niya na ring kapatid si Alexandrus kaya ganoon na rin ang pag-alala niya sa kanya no'ng makita niya ang kalagayan niya sa labanan.
Halos muntikan na ring mangyari iyan noon no'ng lumaban ako sa Duelo at buti na lang napigilan siya ng tatlo. Ngayon ay nangyari nga.
Sinisisi ko na ngayon kung bakit napalapit kami kay Alexandrus. Alam kong anak siya ni Guro Markus pero sa ginagawa niya, hindi ko na siya mapapatawad pa.
Mula no'ng dumating siya, nagbago bigla ang aming pagkakaibigan. Ngayong nakuha na niya si Jasmiya ay hindi ko na hahayaang may maagaw pa siya mula sa amin, lalo na si Jai.
Si Jasmiya naman, nag-iba na rin ng pakikitungo sa amin mula no'n. Umiiwas na silang dalawa sa amin, at nagawa pang lumipat ng pwesto tuwing kakain kami sa Silid-Kainan.
Pinipilit kong pasayahin ang mga kaibigan ko kahit na nalagasan na kami, pero minsan hindi rin umuubra. Kaya heto ako, gising pa rin ng alas 4 ng madaling araw sa kakaisip ng paraan upang bumalik kami sa dati.
Bigla akong nagutom kaya bumangon ako at naghanap ng makakain sa kusina. Yun nga lang, wala nang natirang pagkain sa kabinet dito. Manghihingi na lang ako sa kambal ko sa kabila na alam kong gising na 'yon dahil sa madaling araw iyon nagsasanay ng majika.
Pinihit ko nang dahan-dahan ang pinto upang walang magawang ingay at lumabas ng silid ngunit umaagaw sa aking atensyon ang isang maliit na kahon sa harap ng pintuan ni Jai.
Lumapit ako rito at kinuha. Akalain mo naman, hanggang ngayon ay nililigawan pa siya ni Kaiser--
Sana mapatawad ako sa nagawa ko.
- Miya
Binuksan ko ang kahon at nakita ko ang isang dosenang biskwit na bagong luto. Amoy pa lang ay masarap na, kaya eto kumulo naman agad ang tyan ko sa gutom.
Wala naman sigurong magbabago kung kukuha ako ng ilang piraso. Pasensya na Jai, nagugutom ako.
Kumuha ako ng tatlong piraso kahit gusto ko pa ng lima. Binalik ko ang kahon sa harap ng pintuan niya at bumalik sa silid ko.
Nagtimpla ako ng gatas upang mas masarap ang magiging maagang meryenda ko ngayon.
Habang nagtitimpla ako, aksidente ko naman natabig ang plato kung saan ko nilagay ang mga biskwit.Nanlaki ang mga mata ko hindi dahil wala na akong makain kundi...
...dahil sa lumabas na itim na usok nang nagkapipira-piraso ang mga biskwit.
Hindi maari.
May lason ang mga biskwit ni Miya.
Naalala ko nung nananghalian kami dito sa silid ko, at naghanda si Miya ng mga inumin. Nang uminom na kami, napansin kong may kaunting itim na likido sa ilalim ng mga baso ni Jai at Alexandrus na alam kong napansin ni Leia.
Pagkatapos naming kumain, saktong gustong tumulong ni Jai sa paghuhugas kaya hinayaan ko na lang siya tsaka ko nilapitan si Leia na nasa labas at kausap si Rikko.
Ang pamilya ni Leia sa Faran ay mga manggagamot kaya alam kong may bote siya ng gamot pampaalis ng lason.
"Leia, alam kong nakita mo ring ang nakita ko kanina. At alam kong may gamot jan sa silid mo," sabi ko sa kanya.
"Hindi naman tayo sigurado sa nakita natin. Tsaka kaibigan naman natin si--"
"Kahit na. Mas mabuting maninigurado tayo, lalo na't ang napansin lang natin ay kay Jai at kay Xandrus."
Pumunta kami sa silid niya at nanghingi ako ng kaunti, sapat na rin para sa akin at sa kakambal ko.
Bumalik kami sa loob at nakausap naman ni Leia si Jai habang sinabihan ko rin ang kapatid ko na uminom nito nang walang pasabi tungkol sa nakita namin.
Totoo ngang nilalason niya si Jai at ngayon, lalasunin niya sa pamamagitan ng pagkain.
Dali-dali akong lumabas ng silid ko para kunin ang kahon ngunit huli na nang makita kong wala na ito sa harap ng pintuan ni Jai at napansin kong bukas nang kaunti ang pinto niya.
Hindi pwede. Nakuha na niya sa loob.
Kaya pumasok ako agad sa silid niya para pigilan siya. Wala siya sa sala kaya pinuntahan ko ang kwarto niya at doon iba ang inasahan ko...
...bigla na lang may lumabas sa mga kamay ko na mga puwersang umiilaw na kulay asul, ang majika ko. Naging alerto ako dahil sa nadatnan ko.
Isang nakabalabal na estranghero ang nasa tabi ni Jai na naglalagay ng likido mula sa isang bote.
Isa iyong gamot na pampaalis ng lason.
Gumaan naman ang loob ko pero hindi ko kilala ang estranghero iyon kaya hindi ako nagpakampante.
"Sino ka?!" sabi ko.
Lumingon sa akin ang estranghero at inalis ang talukbong niya sa balabal.
Isang binatilyo pala ito na mukhang kasing edad ko lang.
May kulay abo itong buhok at magandang mukha, pero mas gwapo pa rin ako.
Binigyan niya ako ng ngiti bago nagsalita.
"Sabihin na lang natin na kaibigan ako ni Jaijai," sabi niya sabay balik ng talukbong niya at tumayo.
"Kamanghang-manghang kapangyarihan," dugtong pa niya at nagsimula nang humakbang paalis kasama ang kahon na nakita ko sa labas ng silid.
"Teka, may lason iyang mga biskwit," babala ko ngunit lumingon lang siya at ngumiti tsaka lumabas ng silid.
Sinundan ko siya palabas ng silid. "Sandali--" ngunit isang katahimikan lang ang naabutan ko.
Sino kaya iyon? Bakit naglagay siya ng gamot kay Jai? Alam kaya niyang nilalason siya? At hindi ko kailanman nakita ang iyong mukha rito sa eskwelahan.
"Meow!"
Napatalon naman ako sa gulat ng may dumaan na pusa sa gilid ko at lumabas sa silid. Pumunta naman ito sa harap ng isang pintuan at kinakalmot ang mismong pinto.
Ang pintuan ng silid ni Jasmiya.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix I [COMPLETED] - Currently Revising
FantasyBook 1 of 3 Formerly titled as "Pecularia I: Ang Unang Yugto" Sa pagpasok niya sa mahiwagang mundo ng Titania, lingid sa kaalaman ni Xandrus ang naghihintay na kanyang magiging mga kaibigan, pamilya, pag-ibig... at kaaway. Tunghayan natin ang paglal...