Rob's POV
Nagsimula ang istorya namin ni Jainia no'ng aalis na sana ako ng tindahan ko para pumunta ng kabilang bayan nang may biglang pumasok.
"Pasensya na po, magsasara na ako ngayon. Kung may bibilhin kayong alahas, bumalik na lang kayo bukas--"
Tila natigil ang ikot ng aking mundo nang makakita ako ng isang magandang dilag na nakasandal lang sa pintuan at hingal na hingal pa.
"Pwede bang manatili muna ako nang ilang oras?" sabi niya na mas nagpaantig sa puso ko.
"Ahh kanina pa kita kinakausap, Ginoo..."
Wew, hindi ko namalayan na nakatitig na pala ako sa kanyang magandang mukha.
"Ahh p-pasensya ka na pero may importante akong lakad ngayon kaya kailangan ko nang isara ang tindahan na 'to--"
"Bibilhin ko ang lahat ng tinda mo basta hayaan mo lang ako rito na manatili," sabi niya.
Naku, napakagandang alok naman pero importante talaga ang lakad ko eh.
"Hindi po pwede, Binibini, kasi may lakad talaga ako eh," sabi ko at bigla na lang siya napaismid.
"Eh kung ipapabagsak ko 'tong tindahan mo kung ayaw mo 'kong manatili rito!"
Aba, aba, aba! Sumusobra na 'tong binibini ah!
"Ang lakas mong makabanta sa akin! Bakit, sino ka ba?" sabi ko.
"Ako si Prinsesa Jainia Hanne Grellega na anak ni Reyna Veronica at Haring Jullian ng kaharian ng Silangang Serentos."
Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Nakaramdam ako sa sobrang kaba at takot dahil ang Prinsesa ng kaharian ay nasa harap ko.
Lumuhod ako at yumuko upang magbigay-galang.
"Paumanhin po sa aking naging asta sa inyo, kamahalan! Sana mapatawad nyo po ako! Wag po nyo ako ipaligpit--"
"Tumayo ka nga 'jan! Ano bang pinagsasabi mo?"
Sinunod ko agad ang sinabi niya.
"Kung ayaw mong ipasira ang tindahan mo, pwes manahimik ka lang 'jan at hayaan mo muna akong manatili rito," mahina niyang sabi.
Maya-maya'y may narinig akong katok sa pintuan na sinasandalan ng Prinsesa.
"Mga kawal yan ng kaharian. 'Wag mong sabihin na nandito ako kundi lagot ka sa akin!" dagdag pa niya.
Nanatili lang siya sa likuran ng pintuan habang pinihit ko naman ang pinto. Bumungad naman sa akin ang isang kawal.
"Magandang araw. May nakita ka bang dilag na balot na balot ng magarang kasuotan na dumaan rito?" tanong ng kawal.
Tinignan ko naman ang Prinsesa at sumenyas na 'wag kong sabihin.
"Ah wala po. Kung may nakita man ako, sasabihin ko agad sa inyo," kabado kong sagot.
"Sige, maraming salamat," sabi niya sabay alis sa harap ng tindahan ko.
"Hays, salamat," sabi ng Prinsesa.
"Maaari ko bang tanungin sa inyo, kamahalan, kung bakit ka nagtatago mula sa kanila?" tanong ko.
"Gusto ko lang naman na lumabas sa palasyo namin kasi bagot na bagot na talaga ako. Puro na lang gawain sa kaharian ang inaatupag ko dahil ako na raw ang susunod na mamumuno.
Matagal ko nang hiniling sa kanila ang kalayaang inaasam ko ngunit ni kahit anong gusto ay hindi magagawang maibigay sa akin.
Kaya sana naman, hayaan mo muna ako rito, parang awa mo na..."
BINABASA MO ANG
Ave Fénix I [COMPLETED] - Currently Revising
FantasyBook 1 of 3 Formerly titled as "Pecularia I: Ang Unang Yugto" Sa pagpasok niya sa mahiwagang mundo ng Titania, lingid sa kaalaman ni Xandrus ang naghihintay na kanyang magiging mga kaibigan, pamilya, pag-ibig... at kaaway. Tunghayan natin ang paglal...