Part 6

517 22 2
                                    

Hindi agad nakapagsalita sinuman sa kanila. Nanatili lamang silang nakatitig sa isa't isa. Mata na lang ang nag usap sa kanila. Unang naglibot ang mata ni Arnold, mula sa pagkakatitig niya sa mata ni Cecille ay dumako siya sa ilong, sa mga pisngi nito at sa mga labi, at muling nagbalik sa mata. Samantalang hindi pa din kumukurap si Cecille, patuloy pa din ang pagtitig niya at unti-unting sumilay ang ngiti nito. Ngiting napakatagal bago niya ulit pawalan. 'Yung ngiti na si Arnold lang ang makakapaglabas at yung ngiting dalawampung taon na ang nakalipas bago maalala ng labi niya ang korte ng ngiti na yun. At sa pagkakangiti ni Cecille ay para itong mensahero na mabilis na nakarating sa mga labi ni Arnold at sinabing suklian niya ang  matatamis na ngiti na 'yun.

"K-kamusta ka na. W-wala kang pinagbago ah. Hindi ka tumatanda." bungad ni Arnold at sumilay ang kislap sa mga mata nito.

"A-ayos naman. I-ikaw din naman eh. Ikaw, kamusta ka na?" ang sagot ng hindi pa din natitinag sa pagkakatitig sa kaharap na si Cecille. Gusto niya talagang sabihin ay hindi pa din nagbabago ang kagwapuhan at kakisigan ni Arnold.

"Dito ko nagtatrabaho simula pa ng grumadwait ako. Teka, ano ginagawa mo nga pala dito?" biglang parang natauhan na tanong ni Arnold.

"Huh ah ano, 'yung yung asa-- si Lukas nabaril. Dito kami ni-refer ng ospital sa Cavite." mula sa pagkakagising nito sa hipnotismo ay parang nahirapan o nahiya si Cecille na bigkasin ang salitang asawa sa harap ni Arnold.

"Si Lukas ang pasyente ko?" tanong ni Arnold na nahalata ni Cecille na nagbago bigla ang reaksyon ng mukha nito.

"O-oo." napayuko si Cecille.

"Doc excuse me, tawag na po kayo sa loob." tinig na galing sa nurse na hindi nila namalayang nasa tabi na pala nila.

"I'm coming." sagot ni Arnold dito.

"Cecille, bakit sa dinami-dami ng doktor ako pa?" tanong ni Arnold pagkatapos sagutin ang nurse.

Hindi nakasagot si Cecille dahil alam niya ang ibig sabihin ni Arnold. Tiningnan lamang niya ito at pinilit basahin nito ang sinasabi ng kanyang mga mata.

"Sino kasama mo? Usap tayo mamaya Cecille." nagmamadali ng pumasok si Arnold sa loob ng OR at hindi na niya hinintay ang isasagot ni Cecille na sinundan lamang siya ng tingin hanggang makapasok siya.

Habang isinusuot ni Arnold ang mga gloves na inabot sa kanya ng nurse ay nakatingin na siya kay Lukas. Si Lukas na bata pa lang sila ay binubully na siya. Si Lukas na ipinapahiya siya sa maraming tao. Si Lukas na nagpabugbog sa kanya sa mga barkada nito at si Lukas na umagaw ng nag iisa niyang minahal... si Cecille. Bakit sa dinami-dami ng doktor ay natapat pa sa kanya si Lukas? Kung pwede lang umatras at hayaan na lang niya itong mamatay ay ginawa na niya o kaya'y tusukin niya ng matulis na instrumento ang puso nito para mapabilis na ang pagkawala nito. Pero isa siyang doktor na may sinumpaan na gagamutin ang sinuman na nagangailangan ng tulong. Sumagi sa isip ni Arnold ang ama ni Lukas na si ex-mayor Juancho Valentin, ang pinagkakautangan niya ng loob kung bakit siya doktor ngayon. May mga ginawa mang masasakit sa kanya ang dating mayor ay utang na loob pa din niya dito kung nasaan man siya ngayon at 'yun na lang tatanawin niya para gamutin ang mortal niyang kaaway na si Lukas.

Sa labas ng operating room ay hindi pa din nakakaalis sa kanyang kinatatayuan si Cecille. Pakiramdam niya ay bubuwal siya sa oras na siya ay kumilos. Dalawampung taon, hindi niya lubos maisip na sa loob ng dalawampung taon ay sa ospital pang iyon sila magkikita ng nag-iisang lalaking inibig niya sa buong buhay niya. Parang nakaramdam siya ng pananabik sa muli nitong paglabas sa OR at pagkikita nila at magkausap pa sila ulit. Naisip bigla niya ang asawang si Lukas, ang kalagayan ng kanyang asawa na ngayon ay gagamutin ni Arnold na sukdol ang galit sa kanya. Biglang natanong ni Cecille sa sarili kung gagamutin nga ba ni Arnold si Lukas gayong kaaway niya to. Kusa bang dumating kay Arnold ang pagkakataon para ito ay makaganti sa lahat ng ginawa sa kanya ni Lukas? Alam ni Cecille na nagkakasala siya sa kanyang iniisip at alam niyang may sinumpaan ang mga doktor na gumamot kahit na sino pa ito, kahit kaaway pa ito at dinalangin niya na sana ay maisip ni Arnold 'yun sa kabila ng mga nagawa sa kanya ni Lukas.

Till Next TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon