Makalipas nga ng isang linggo ay lumipat na ng bahay ang pamilya ni Arnold. Mabigat na mabigat sa kalooban nilang mag-anak ang nangyaring paglipat sa bago nilang titirahan. Sinabi ng mayor na sa kapatid niya maninilbihan ang kanyang mga magulang, pero pagdating nila ng Maynila ay kakilala lamang pala ng kapatid ni Mayor ang kanilang pupuntahan. Sa isang banda ay mukha namang mabait ang pamilya nito. Gaya sa bahay ng mga Valentin, naging tagapagluto ang kanyang ina duon. May kasama silang matanda na dating naninilbihan pero dahil sa ito ay matanda na, mabagal na itong kumilos at madalas magkasakit.Naging tagapaghatid naman ng mga eskwela si Mang Fredo, tatlong estudyante na apo ng may-ari ng bahay ang hinahatid at susunduin ni Mang Fredo na pawang mga nasa abroad naghahanapbuhay ang mga magulang. May nakalaan sa kanilang maliit na bahay na magsisilbi nilang tirahan sa likod ng malaking bahay na pinagsisilbihan ng kanyang mga magulang at si Arnold naman, kahit na walang nakalaan na trabaho para sa kanya ay tumutulong siya sa paglilinis ng malaking bakuran nito at paghahalaman.
Dahil sembreak ng panahon na 'yun, madalas na nagkakaroon ng oras si Arnold na mag isip. Iniisip niya kung ano na ang ginagawa ni Cecille, kung ito ba ay nalulungkot din gaya niya ngayon, iniisip niya kung iniisip din siya ni Cecille. Sa mga ganoong pagkakataon ay pilit namang inaalala ni Arnold ang nangyaring pag-iisang katawan nila ni Cecille upang kahit papaano ay mabawasan ang hinanakit na nararamdaman niya. Madalas na napapansin ni Aling Milagring ang pag-iisa ni Arnold at pag-iisip nito ng malalim, kaya bilang Ina, ginagawa niya ang lahat upang libangin ang naguguluhang utak ng anak.
Sumapit ang araw ng kasal nila Lukas at Cecille. Halos lahat ng mga mayayaman at kilalang tao sa San Isidro ay nasa simbahan upang tunghayan ang pag-iisang dibdib ng panganay ni Mayor Juancho Valentin at ni Cecille. Maging ang ibang alkalde ng ibang bayan ng Cavite ay imbitado. Magagara lahat ang mga kasuotan ng nagsidalo.
Pagkahatid ni Mayor Juancho at Mrs. Lilia Valentin kay Lukas sa altar ay iniwan na nila ito upang hintayin ang pagpasok ni Cecille.
Makisig na makisig si Lukas sa. suot nitong barong na pinasadya pa ang burda nito sa Laguna at tinernuhan ng kulay khaki na pantalon at itim na sapatos. Lalong tumingkad ang gandang lalaki ni Lukas sa pagkaka-angat ng kanyang buhok at sa manipis na make-up nito na tinututulan pa ni Lukas nung siya ay nilalagyan.Hanggang dumating ang hinihintay ng lahat, ang pagpasok ni Cecille. Sa pagtigil ni Cecille sa pinto ng simbahan katabi ang mga magulang nito, napansin agad ni Lukas ang malikot na kilos ng Ina ni Cecille na si Aling Upeng. Panay ang linga nito sa magkabilang panig ng simbahan na animo'y pinagmamalaki nito ang kanyang kasuotan at ang anak na ikakasal.Saglit lamang pinansin ni Lukas 'yun at tinuon niya ang pansin sa kanyang mapapangasawa.
Habang naglalakad papasok si Cecille, pakiramdam ni Lukas ay nuon lamang siya makakatanggap ng isang award sa buong buhay niya. Sa simula't simula pa ay laging si Arnold ang ipinagmamalaki sa kanya ng kanyang ama na si mayor Juancho. Pakiramdam niya ay si Arnold ang gusto ng ama niya na maging batayan niya sa kanyang buhay. Si Arnold ay may medalya, si Arnold ay may pagkilala, si Arnold ay may tropeo. Pero sa pagkakataong iyon, alam ni Lukas na nakuha niya ang pinakamahalagang tropeo ni Arnold.
Marami mang nagdaang babae kay Lukas ay hindi din niya ito mga niligawan, mga babaeng nagbigay sa kanya ng motibo na iniisip na kapag binigay nila ang katawan kay Lukas ay magiging kasintahan na nila ito. Mga babaeng sa tantiya ni Lukas ay bihasa na pagdating sa kama at sanay ng makipaglaro sa mga lalaki. Hindi siya nagkamali kay Cecille, dahil may gusto na siya dito nuon pa mang high school sila. Bukod sa maganda na ay alam niyang inosente ito at 'ni hindi pa nagagalaw ng kahit sinong lalaki, kahit ni Arnold. Dalawang tama sa isang putok 'ika nga, napasa-kanya na ang babaeng pinakamimithi niya, nasaktan pa niya ng husto ang lalaking tinik sa lalamunan niya.
Dahil sa belong nakatakip sa mukha ni Cecille, hindi naging pansin ng lahat ng sumasaksi sa kasalang iyon ang mga luhang pumapatak na nagmumula sa mga mata nito. Mga luhang maiinit na kayang tumunaw anuman ang mapatakan nito. Luha na nanggaling sa kumukulo niyang kalooban at nagsusumigaw na damdamin. Sa kanyang paglapit sa altar ay pilit niyang inilagay sa kanyang imahinasyon na si Arnold ang naghihintay sa kanya, na nakangiti ito at inaabangan siya para humarap sa Diyos at hingin ang basbas ng kanilang pag-iisang dibdib.
"Ikaw Cecilia, tinatanggap mo ba si Lukas na maging iyong kabiyak, alinsunod sa batas at mga alituntunin ng ating banal na simbahan?" tanong ng pari kay Cecille.
Parang wala sa sarili si Cecille sa patuloy niyang pangangarap na si Arnold ang kasama niyang ikinakasal. Napansin ni Lukas ang hindi pagsagot ni Cecille at nalingon niya ito.
"Cecilia."ulit ng pari.
Bahagyang binunggo ni Lukas si Cecille na siyang nagpabalik kay Cecille sa reyalidad.
"Po?" tanong ni Cecille sa pari.
Buti na lang at hindi natapatan ng microphone ang pagkakatanong na 'yun ni Cecille. Muling inulit ng pari ang sinabi nito. Bahagyang nagkaroon ng mahinang bulungan sa loob ng simbahan.
"O-opo father." sagot ni Cecille na pilit na pilit.
"Nais ko pong ipakilala sa inyo sina Ginoong Lukas at Ginang Cecilia Valentin. Maari mo ng halikan ang iyong kabiyak" sabi ng pari.
Bantulot si Cecille sa sinabi ng pari. Nang makita niyang papalapit na ang mukha ni Lukas sa kanya ay ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata at muling inisip na si Arnold ang siyang hahalik sa kanya. Kapagdaka'y pumailanlang ang malakas na palakpakan sa loob ng simbahan.
Ginanap ang handaan sa malaking bakuran ng mga Valentin. Isang magarbong handaan na may nakalaan din para sa mga taong bayan kahit na hindi imbitado. Ipinagpatuloy ang kasiyahan sa bagong bahay nila Lukas kung saan sila titira ni Cecille, karamihan ng mga sumunod ay ang mga tauhan ni Mayor at mga kaibigan at barkada ni Lukas.
Iba't-ibang klaseng alak ang ipinainom, parang walang kaubusan hanggang sa unti-unti ay nabawasan ang bisita hanggang nagpaalam na ang mga kaibigan ni Lukas na siyang huling naging bisita niya.
At pagkatapos nga ng kanilang unang gabi ay nagbago na ang lahat. Naging malupit na si Lukas kay Cecille. Hindi na din natupad ang pangako nito na makapagpapatuloy pa siya ng pag-aaral pagkatapos niyang manganak. Naipaayos nga ng mga Valentin ang kanilang bahay subalit dahil sa kapabayaan ng Nanay ni Cecille ay unti-unting naubos ang puhunan nito sa maliit na tindahang ipinundar ng mga Valentin.
Hanggang dumating ang pagkakataon na inihihingi na lang ni Cecille ng tulong pinansiyal kay Lukas o kaya kay Mayor ang kanyang mga magulang upang ito ay may panggastos at pangkain sa araw-araw. Wala na din siyang natanggap na balita tungkol kay Arnold. Tinanggap na lamang niya ang kanyang naging kapalaran. Ang pagiging malupit sa kanya ni Lukas maging sa anak niyang si Karl, na natuklasan ni Lukas na hindi niya ito sariling anak. Nakadagdag pa sa pagiging mainitin ng ulo nito ay ng matuklasan ni Lukas na wala siyang kakayahang magkaroon ng anak, baog siya. Pero ang mga bagay na 'yun ay hindi niya ipinaalam sa kanyang pamilya. Tanging si Lukas lang ang nakakaalam na hindi siya magkakaanak kaya't nakatitiyak siya na hindi niya anak si Karl. Hanggang sa napasok na sa pulitika si Lukas at nagkaroon ito ng bagong mundong ginagalawan.
Lumipas nga ang dalawampung taon at hindi akalain ni Cecille na sa ospital pa ng UST sila magkikita ni Arnold. Kung hindi pa nabaril si Lukas at walang doktor na mag-oopera sa Cavite ay hindi magku-krus ang landas nila.
Saglit lamang sila nakapag-usap dahil si Arnold ang naka-assign na magtanggal ng bala na tumama sa katawan ni Lukas.
Hindi alam ni Cecille ang una niyang idadasal habang nakaupo sa bench na 'yun malapit sa operating room. Ang pagkaligtas ba ni Lukas sa bingit ng kamatayan o makausap niya agad si Arnold dahil sa pananabik niya dito?
BINABASA MO ANG
Till Next Time
Ficción GeneralKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?