"Malilimutin ka na nga Cecille. Nakalimutan mo na ba 'yung huli kong sinabi sa 'yo nuon nu'ng huli tayong magkita?" sambit ni Arnold.Hindi na maaaring magkaila si Cecille dahil halata na sa kanya kung magsisinungaling pa siya. Nangapa siya ng isasagot kay Arnold.
"P-pero matagal na 'yun Arnold." nagpatuloy sa paglikot ang mata ni Cecille. "S-sana inisip mo din ang s-sarili mo." pautal-utal na sagot niya.
"Tama ka du'n Cecille, inisip ko nga ang sarili ko kaya hindi ako nag-asawa, dahil ayokong maging makasarili sa mga babaeng nakilala ko simula nu'ng... nu'ng nagkahiwalay tayo." bahagyang lumungkot ang boses ni Arnold at huminto ito panandali.
Parang may kurot sa puso ni Cecille ng marinig niyang may mga nakilalang babae si Arnold. Hindi siya nagsalita at naghihintay siya sa susunod na sasabihin ni Arnold.
"Mahirap magpakasal sa isang tao kung wala dito ang puso mo. Dahil ayokong bandang sa huli ay pagsisihan ko 'to." patuloy ni Arnold.
Nakaramdam ng pagka-irita si Cecille. Pakiramdam niya ay pinatatamaan siya ni Arnold sa mga sinasabi nito.
"Arnold alam mong hindi ko ginusto ang lahat. Saksi ka sa lahat ng pangyayari at kahit ikaw ay walang nagawa du'n. Kaya 'wag mo 'ko pasaringan." dire-diretsong salita ni Cecille na napansin niyang medyo lumakas ang boses niya.
"Hindi ikaw ang sinasabi ko Cecille, 'yung sarili ko sinasabi ko. Ayaw kong makisama sa iba kung iba ang laman ng puso ko at mula nuon hanggang ngayon Cecille ikaw pa din. Ikaw pa din ang laman nito. Walang araw na hindi ka sumagi sa isipan ko." diretsong sabi ni Arnold.
Hinawakan ni Arnold si Cecille sa magkabilang braso nito at kinabig paharap sa kanya.
"Naririnig mo ba ko Cecille?Nakalimutan mo na ba ha? Sabi mo pa sa 'kin na walang bagay na makakapagpalimot sa "yo ng tungkol sa "kin pero ngayon parang wala ka ng naaalala o talagang kinalimutan mo na? Hindi naman kita masisisi du'n." at lumuwag ang hawak ni Arnold kay Cecille hanggang sa tuluyan niyang bitiwan ito.
Hindi alam ni Cecille kung kikiligin ba siya o maiiyak sa mga sinasabi ni Arnold dahil gusto niyang sabihin dito ang totoo din niyang nararamdaman pero sa dami ng iniisip niya ngayon ay hindi niya maisatinig iyon.
"Pasensya ka na ha. Pero 'yun ang dahilan kung bakit hindi pa ko o hindi na ko nag-asawa. Pero malay natin, baka naman hindi pa huli ang lahat. Baka may makilala ako na kagaya mo, na bubuhay ulit sa 'kin. Para kasing nakalimutan ko na kung paano magmahal eh. Puro aral na kasi ginawa ko nu'n, tapos nu'ng grumaduate ako... board exam. Nag-aral ulit ako for specialization, tapos exam ulit. May mga nakilala kong babae pero hinahanap ko sa kanila ikaw eh. Hindi ko makita sa mga nakilala ko kaya napagod na ko. Buti ka nalagpasan mo 'yung pinakamadilim na bahagi ng buhay natin na 'yun." salaysay ni Arnold habang nakatingin sa kawalan.
Nagsusumigaw ang puso ni Cecille sa mga gusto niyang sabihin. Nais niyang sabihin na hindi niya nalagpasan ang madilim na parte ng buhay niya bagkus ay dinala siya sa bangungot ng dilim na 'yun at hanggang ngayon ay hindi pa siya nagigising at gaya ni Arnold ay hindi din siya nakalimot dito. Lalo na sa tuwing nakikita niya si Karl na naging alaala ng kanilang minsang pagmamahalan.
Pero paano niya lahat ito sasabihin kay Arnold? Napaluha na lamang siya sa bigat ng nararamdaman sa puso niya at napansin ni Arnold ang pagpatak ng luha ni Cecille ng mapasulyap siya dito.
"B-bakit Cecille? M-may nasabi ba kong masama?" tanong ni Arnold na may pag-aalala.
Napayuko na lamang si Cecille upang hindi tuluyang makita ni Arnold ang sunod-sunod na luhang bumagsak mula sa mga mata niya. Subalit hinawakan ni Arnold ang magkabilang pisngi ni Cecille at inangat muli ang mukha nito paharap sa kanya.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
General FictionKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?