Maganda man ang takbo ng pag aaral ni Arnold, ngunit hindi ng pagmamahalan nila ni Cecille. Nababagabag ang kalooban niya sa tuwing siya ay nasa Maynila dahil sa mga isinumbong sa kanya ni Cecille ng huling uwi niya."Natatakot ako Arnold sa maaaring mangyari. Kasama ni Lukas si Mayor nu'ng nagpunta dito. Hindi ko naman naririnig yung pinag-uusapan nila ni Tatay at Nanay. Tinatanong ko sila Tatay wala naman sinasabi sa 'kin. Parang may pinaplano sila Arnold."
Lingid sa kaalaman ni Arnold ay ipinagduduldulan na nila Aling Upeng at Mang Delfin si Cecille kay Lukas.
"Hoy Cecilia, gumising ka nga. Kay Arnold napakatagal mo pang maghihintay at bago yumaman 'yun eh baka matanda ka na din. Cecilia, maging praktikal ka nga. Abe, nakita mo naman pamumuhay natin. Hanggang kailan mo gustong magtanim sa bukid ang tatay mo?Anak, pasalamat nga tayo at ikaw ang nagustuhan ng anak ni Mayor sa dinami-dami ng dalagang magaganda dito sa San Isidro. Nag-aral sa Maynila 'yan, wala naman tayong nabalitaang naging nobya n'yan duon. Ibig sabihin ikaw talaga gusto nu'n." si Aling Upeng.
"Pero 'Nay, hindi ko sya mahal." sagot ni Cecille.
"Hala, dyusku Cecilia. Saka na 'yang pagmamahal na 'yan. Ang mahalaga eh ikaw ang mahal. Mahirap naman kung ipagpipilitan natin 'yung sarili mo kay Lukas eh hindi ka naman gusto ng tao. Saka natututunan 'yun. Cecille, 'wag naman sarili mo lang ang iniisip mo. Isipin mo din naman kaming mga magulang mo. Diyos ko, makatikim man lang kami ng Tatay mo ng kaunting ginhawa bago man lang kami mamatay." sinamahan ng konting pag-arte ni Aling Upeng ang pagsasalita.
"'Nay wag n'yo ng sinasabi 'yung ganun. Ang bata n'yo pa eh." tanging nasabi ni Cecille.
"Eh hindi mo naman yata pinakikinggan mga sinasabi ko. Ang haba-haba ng sinasabi ko wala ka namang isinasagot. Ano, hihintayin pa natin na magbago isip ni Lukas at may magustuhang iba 'yun?" si Aling Upeng.
"De mas maganda po 'nay kapag ganun." si Cecille.
"Hoy Cecilia 'wag mo ko sagutin ng pabalang at baka tamaan ka sa 'kin. Ito tatandaan mo kapag niyaya ka ni Lukas na magpakasal, 'wag mo ng pag-isipan. Gamitin mo 'yang kukote mo. May utak ka pa namang nasabihan." huling salita ni Aling Upeng bago niya iwan si Cecille na nakamukmok sa sala.
Bente anyos na si Cecille, kaya na niyang mag-isip para sa sarili niya. Alam na niya ang tama sa mali at alam niya na halos ipamigay na siya ng Nanay at Tatay niya kay Lukas. Hindi para sa kanya, kundi para sa kapakanan nila. Wala siyang pagtingin ni katiting para kay Lukas at nararamdaman niyang hindi din niya ito matututunang mahalin gaya ng sinasabi ng mga magulang niya dahil nakakulong na ang puso niya. 'Pagmamay-ari na ito ni Arnold at handa siyang maghintay para sa kanilang mga binubuong pangarap ng kasintahan.
Nabigla si Cecille ng isang araw ng linggo ay gumagayak ang kanyang Nanay at Tatay at sinabi sa kanya na magbihis at may pupuntahan sila.
"San po ba tayo pupunta 'Nay?" tanong ni Cecille.
"Ipinapatawag daw tayo ni Mayor tungkol sa scholarship mo kaya bilisan mong gumayak at baka mainip mga 'yun. Hindi natin hawak ang oras ng mga 'yun at baka may iba pang lakad si Mayor." sagot ni Aling Upeng.
Kinakabahan man dahil nararamdaman ni Cecille na may iba pang dahilan, sumunod pa din siya sa kanyang Nanay. Pagkabihis nila ay pumara na ng tricycle si Mang Delfin at tinungo na nila ang bahay ng mga Valentin.
Pinagbuksan sila ng gate ni Aling Milagring at sinamahan hanggang sa loob ng bahay.
"Napasugod kayo Upeng." si Aling Milagring,
"Pinatawag kami ng Mayor, may sasabihin daw dito kay Cecille." sagot ni Aling Upeng,
Alam na ni Milagring na hindi taos sa kalooban ni Cecille ang pagpunta doon dahil nahalata niya 'yun nung nagmano sa kanya ito. Alam niya kinakaharap na problema ng anak niya at ng nobya nitong si Cecille, pero dahil sa kapangyarihan ni Mayor at sa pera nito, bukod pa dito ay ang paninilbihan nila ng asawa niya sa bahay nito, ay nananatili lang silang tahimik at nagkukunwaring walang alam sa nangyayari.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
General FictionKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?