Part 31

331 19 5
                                    


Sa bahay ng mga Valentin ibinurol ang labi ni Lukas imbes na sa sarili nitong bahay ayon na rin sa kagustuhan ng ama nito. Nakahilera ang mga bulaklak ng pakikiramay mula pagpasok ng gate hanggang balkonahe ng bahay ng mga Valentin. Walang araw at gabi na hindi puno ang bahay at bakuran sa dami ng nakikiramay, mga taga-suporta nila, mga kilalang tao sa bayan ng San Isidro, mga kapwa pulitiko, mga kaibigan at kamag-anak. Naglagay pa ng sisiw at kaunting butil ng bigas sa salamin ng puting kabaong nito, isang pamahiin sa mga namayapa ng wala pang nakakamit na hustisya. Halos gabi-gabi ay may nag-aalay ng misa at may gabi pa ng parangal sa ikalima at huling gabi ng lamay nito dahil sa may katungkulan ito sa kanilang bayan.

Abala ang pamilya Valentin sa pag-istima sa mga nakikiramay, dahil dito ay pansamantalang nababawasan ang kanilang nararamdamang lungkot sa pagkamatay ni Lukas. May mangilan-ngilan na kamag-anak si Cecille na napunta upang makiramay subalit hindi rin nagtagal ang mga ito dahil sa malayo pa ang uuwian. Maging ang mga magulang ni Cecille na sila Aling Upeng at Mang Delfin ay minsan lang napunta dahil may mga edad na rin ang mga ito at hindi na kaya ang magpuyat. Kaya't nananatili lamang si Cecille at Karl sa harap ng kabaong ni Lukas. Mga taong bayan at samahan ng kababaihan ang madalas harapin ni Cecille. May mga dating kaklase ni Karl ng high school ang nakiramay maging ang girlfriend niyang si Claire ay naroon din upang damayan siya nito.

Sa araw-araw at maya't-mayang dating ng tao ay may mga nag-uusisa pa din kay Cecille ng pangyayari, kung paano namatay si Lukas. Subalit hindi naman niya maaaring sabihin ang totoo dahil alam niyang makakasira sa pangalan ng mga Valentin ang katotohanan, na siya ding napag-usapan ng pamilya kung sakaling may magtatanong.

Marami ang dumalo sa paghahatid kay Lukas sa huling hantungan nito. Namuti ang kalsada dahil sa mga suot na puting t-shirt ng mga nakipaglibing na sadyang ipinamigay ng mga Valentin sa sinumang sasama. Mga nagsipaglakad ng dalawang kilometro hanggang sa memorial park na paglilibingan kay Lukas. May nakatalaga sa pagbibigay ng mga bottled water at tetra pack juice na nililibot ang mga nakikipaglibing upang mamahagi. May banda ng mosiko sa pinaka-unahan bago ang mga kabayong humihila sa karo na pinaglalagyan ng kabaong. May photographer at videographer din na umiikot upang kunan ng eksena at litrato ang nagaganap na libing. Pagdating ng sementeryo ay pinawalan ng mga may hawak ang sandamakmak na puting lobo sa himpapawid. Mabilis na nakapagpagawa si ex-mayor ng museleo sa loteng pag-aari niya sa sementeryo na inilalaan niya sana kung sino man sa kanila ng asawa niya ang mauuna, na hindi niya akalain na uunahan pa sila ng anak nilang si Lukas.

Muling binuksan ang kabaong ng mga naka-unipormeng polo barong na tauhan ng punerarya. Tumigil ang tugtog ng mosiko at sinimulan ng pari ang seremonya ng pagbabasbas. Pinagmisa na si Lukas sa simbahan bago ang libing subalit hiniling pa din ng mga Valentin na nandoon ang pari bago ipasok si Lukas sa nitso nito. Matapos magsalita ng pari ay sinabi na nito na maaari ng magpaalam ang mga kamag-anak. Pumailanlang ang musikang "Hindi kita malilimutan" na nagmula sa choir na kasama ng pari. Unang lumapit ay ang mag-asawang ex-mayor Juancho at Lilia, muli na namang pumatak ang mga luha ng ina ni Lukas. Dahil masakit sa isang ina na makita nitong ililibing ang sariling anak na inalagaan simula pa lamang ng ito ay nasa sinapupunan. Panay naman ang hubad ni ex-mayor ng kanyang salamin sa mata upang punasan ang hindi mapigil na luha. Hindi naman nagtagal ay lumapit na din ang tatlong magkakapatid. Karga ni Cheche ang anak nitong maliit. Habang nakatingin si Doreen sa kanyang Kuya ay naiisip niya na sana ay mapatawad ng Diyos ang kuya niya sa mga nagawa nitong kasalanan habang patuloy pa din sa pagluha sila Dixie at Cheche na kasama ang mga asawa nila.

Binigyan naman nila ng daan ang pamilya ni Lukas na si Cecille at Karl. Parang hindi nauubos ang mga luha ni Karl. Patuloy pa din ang pagtulo nu'n. Pulang-pula na ang labi nito kakakagat upang pigilan pa ang emosyong kumakawala dito. Habang nakatingin at lumuluha si Cecille ay nasabi niya sa kanyang isip na hindi man humingi ng tawad sa kanya si Lukas bago ito nawala ay pinapatawad na niya ito. Maaaring hindi rin niya napasaya si Lukas sa kanilang pagsasama at dalangin niya na sana'y matagpuan na nito ang totoong kaligayahan sa kabilang buhay.

Till Next TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon