Unang nagkakilala sa San Lorenzo Academy sila Cecille at Arnold. Nag-iisang private school sa kabayanan ng San Isidro. Nagkita na sila nung araw ng enrolment at ngayon ay magkaklase pa sila. Dahil sa sila ang unang nagkakilala ay sila na din ang laging magkasama sa loob ng paaralan hanggang sa pagkain ng tanghalian.
Nuong una ay pinagtitinginan sila ng mga kapwa nila mag-aaral sa canteen dahil sa baon nila. Ilalabas nila ang kanilang baon na kanin na nakabalot sa dahon ng saging at nakapaibabaw duon ang kanilang ulam na kadalasan ay pritong itlog, nilagang itlog paminsan-minsan ay dalawang pirasong longganisa o kapirasong tocino. May kasama itong nakabaon na kamatis at talbos ng kamote. Pero ng lumaon na ay nakasanayan na rin ng kanilang mga nakakasabayan sa canteen ang baon na dinadala nila. Isang bagay na pinagkapareho nila ay hindi nila ikinakahiya na sila ay galing sa mahirap na pamilya.
Katulong ng mga Valentin ang Ina ni Arnold at driver naman ni mayor ang tatay niya. Kaya madalas ding magkita ang Nanay at Tatay niya sa bahay ng mga Valentin. Sabay itong umuuwe sa hapon o kaya ay pagabi na pagkatapos ng opisina ni mayor sa munisipyo at sinasaktuhan ng Nanay niya na nakaluto na siya ng hapunan ng pamilya ni mayor. Sadyang matalino si Arnold kaya ang mayor pa ang nagprisinta na kukunin siyang scholar at kung mapapanatili nito ang pagiging topnatcher ay sasagutin nito ang matrikula nito hanggang kolehiyo. Kaya naman sa unang antas pa lang ng high school ay nagpakitang gilas na si Arnold.
"Napakahusay naman ng anak nyo Fredo, Milagring. Kanino kaya nagmana itong batang to?" sabi ni Mayor ng pinapunta niya ang mag-anak sa kanilang bahay upang batiin si Arnold na first honor nu'ng first year.
"Sa akin po siguro mayor." pabirong sabi ni Fredo na Tatay ni Arnold
"Oy oy wilfredo, eh number one ka daw na bulakbol nung araw kaya kahit elementarya eh hindi mo natapos." pambabara namang biro ni Milagring.
"Lukas anak, ito gayahin mo, si Arnold. Consintent first honor." bati ni mayor sa anak na abala na naglalaro ng brick game sa isang sulok ng bahay. Hindi nito pinansin ang sinabi ng ama pero narinig niya ito at alam naman niyang first honor si Arnold dahil iisa lamang ang kanilang paaralang pinapasukan at parehas na katatapos pa lang ng unang antas.
"Arnold iho, pag ganyan ng ganyan, baka hindi lang scholarship ibigay ko sa yo. Basta lagi mo gagalingan ha." habilin ni mayor na bahagyang tinapik-tapik sa balikat si Arnold.
Sa murang edad ay nakaramdam ng paghanga si Cecille kay Arnold dahil sa talino nito. Buong taon niya itong nakakasama sa loob ng classroom, sa canteen at sa ibang school activities nila. Naghihiwalay lang sila kapag uwian na pero hinahatid muna siya nito sa sakayan nila ng traysikel bago ito umuwe.
Nang sumunod na mga taon ay naging mainit ang mata ni Lukas kay Arnold. Dahil lagi siyang ikinukumpara ng Daddy niya kay Arnold, na si Arnold ay masipag, na si Arnold ay matalino, na si Arnold ay hindi napapatawag ang magulang dahil sa mga kalokohan... puro kay Arnold. Eh sino ba si Arnold sa loob loob ni Lukas. Eh anak lang naman siya ng driver nila at katulong nila sa bahay at ang Daddy niya ang nagpapa-aral dito. Wala siyang dapat ikaiinggit kay Arnold pero nakuha niyang mainis dito dahil sa ginagawang pagkukumpara sa kanila.
Nagdadaan nuon sa isang hallway ng paaralan si Arnold at Cecille ng pinatid ni Lukas si Arnold kasama ang mga kabarkadang kaklase nito. Pagkadapa ni Arnold ay nagtawanan ang lahat.
"Lukas nakita kong sinadya mo" paninita ni Cecille.
"Uy 'wag mo ko pagbintangan ha. Bakit ko naman papatirin yang kaibigan mong lampa?" sagot ni Lukas at nagtawanan na naman ang buong grupo.
"Hayaan mo na sila Cecille, hindi naman ako nasaktan." si Arnold habang tumatayo at pinapagpag ang unipormeng nadumihan.
"Oh kita mo na, hindi naman pala nasaktan ikaw ang reklamo ng reklamo." pang-iinis pa ni Lukas.
"Tara na nga Arnold." yaya ni Cecille na pinahalata niya ang pagka-inis.
Hindi namalayan ni Arnold at Cecille na pagtalikod nila ay may idinikit na papel si Lukas sa likod ni Arnold na may nakasulat na "SUPOT AKO". Tawanan pa din ang buong grupo ni Lukas. Sabay na nilingon ng dalawa ang grupo at binalewala na lang nila ang tawanang yun.
Hindi lang iisang beses ginawa ni Lukas ang pamamahiya kay Arnold at tanging si Cecille lamang ang nagtatanggol sa kanya. Hindi pinapansin ni Arnold ang mga ginagawa sa kanya ni Lukas dahil alam niya sa sarili niya na ang pamilya nito ang bumubuhay sa kanila at nagpapa-aral sa kanya. Binabalewala na lang niya lahat ng 'yun at itinuon ang kanyang isip sa pag-aaral.
Ilang taon pa ang lumipas ay narating nila ang fourth year. Gaya ng nakakaraan, consistent pa din sa pagiging first honor si Arnold. Tumangkad ito at nagkalaman ang katawan. Moreno man ang kulay ni Arnold ay masasabing lalaking-lalaki ang dating nito. Dahil sa malalim na mata nito, matangos na ilong, manipis na mapulang labi at ang bahagyang nakalabas niyang mga panga.
Malaki na rin ang ipinagbago ni Cecille. Lumabas ang tunay na ganda nito ng naging sixteen na siya. Dahil maputi siya, ay kapansin-pansin ang kanyang makapal pero natural na nakaayos na kilay at makapal na pilik mata. Hindi man matangos ang kanyang ilong ay bumagay lang sa maliit niyang mukha. Lalong lumalim ang mga biloy nito sa pisngi sa tuwing ingingiti nito ang makipot na bibig. Malaki ang itinaas ni Cecille ,sabi ng Nanay niya ay simula daw ng nagkaroon ito ng "buwanang dalaw". Mas lumaki ang umbok ng dibdib nito at katamtamang balakang na umayon sa maliit nitong bewang. Ang mga katangiang 'yun ni Cecille ay palihim na hinahangaan ni Arnold pero mas pangunahin niyang hinangaan kay Cecille ay ang pagiging mabait nito sa kanya, mapagbigay kung anuman ang meron siya at si Cecille pa ang nagtatanggol sa kanya kapag napagtitripan siya ni Lukas. Ang pagiging mabait ni Cecille ay lubos na kinagiliwan ni Arnold na siyang nagpapahulog ng loob niya sa kaibigan.
Dahil nasa ikaapat na antas na ay nagkaroon ng JS prom sa kanilang paaralan. Naging problema ng magkaibigan ang isusuot. Si Arnold ay pinahiram ni Mayor ng kanyang pinagkalakihang polo long sleeves at slacks. Sinamahan na din niya ng kurbata. Samantalang si Cecille ay binigyan ng damit pangkasal ng kapitbahay at pina-repair na lang ni Aling Upeng upang ito ay magmukhang moderno kahit paano.
Dahil sa wala naman silang sariling sasakyan ay kanya kanya sila ng sakay ng traysikel papunta sa eskwelahan kung saan gaganapin ang JS prom. Unang dumating si Arnold na pinagtinginan hindi dahil sa sinakyan nitong tricycle kundi sa kakisigan nito sa kanyang suot. Maraming kababaihan ang napahanga nito dahil alam nila lahat na si Arnold ang siyang pinakamatalino sa paaralan at hindi nila akalain na gwapo pala ito lalo na kapag naka pormal na suot. Hindi agad tuluyang pumasok si Arnold, nanatili ito sa gilid ng gate ng paaralan na parang may hinihintay pa. Hindi naman nagtagal isang tricycle na naman ang huminto, si Cecille ang bumababa. Napansin agad ni Arnold na parang nahihirapan si Cecille bumaba kaya't tinakbo niya 'yun para alalayan. Nang makababa si Cecille ay pansin agad ang pagkaka-tease ng buhok nito at may mga nakalaylay na ilang pirasong buhok sa magkabilang tenga nito na kinulot-kulot ng bahagya. Manipis lang ang make-up niya dahil sadyang maganda na si Cecille. Lumutang sa karamihan ang suot niyang puting gown na long sleeves na hapit na hapit hanggang hita at biglang buka ito pagdating ng tuhod na akala mo ay sirena sa suot niyang gown. Mga kalalakihan naman ang napanganga sa pagdating na 'yun ni Cecille. May ilang kababaihan na hindi ipinapahalata ang paghanga sa kagandahan ni Cecille nung gabing 'yun. Inalok ni Arnold ang kanyang braso upang umalalay si Cecille sa kanilang pagpasok. Lahat ay napapatingin sa kanilang dramatic entrance. Hindi pa nila nararating ang kanilang table ay napalingon ang lahat sa mercedes benz na huminto sa harap ng paaralan.
Hindi pamilyar kaninuman duon ang may ari ng sasakyan kaya't naghintay ang lahat. Bumukas ang pinto ng kotse sa likod ng driver at iniluwa nito ang isang gwapong lalaki na matikas na matikas sa suot nitong itim na amerkana na pinalooban ng puting polo at itim na bowtie. Halos hindi nakilala ng lahat si Lukas na anak ng mayor na may kasama pang bodyguard sa pagdating nito. Sa paglinga ni Arnold ay napansin niyang kinikilig pa ang karamihan sa mga ka-batch nilang naroroon.
Tumayo muna ng diretso si Lukas at nagpawala ito ng isang simpatikong ngiti bago ito tuluyang pumasok at iwan ng mga bodyguards na naghatid.
Kahit alam ni Lukas na siya ang pinagtitinginan ay naagaw ang atensiyon niya ng masulyapan niya si Cecille. Nakita ni Arnold ang reaksyon ng mukha ni Lukas pagkakita kay Cecille. Parang nakita niya ang kanyang sariling reaksyon nu'ng una niyang makita si Cecille nung bumaba ito ng tricycle. Nakita niyang sinipat mabuti ni Lukas si Cecille mula ulo hanggang paa habang ito ay papasok ng paggaganapan ng prom. Hindi niya alam pero parang nakaramdam siya ng inis sa ginawang tingin na 'yun ni Lukas.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
General FictionKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?