Ang mga Valentin na din ang nagdedesisyon ng mga kukunin nilang Ninong at Ninang pati na ang pari na magkakasal. Lahat ay pinaplano na nila na hindi nila tinatanong ang opinyon ni Cecille. Nanatiling nakatahimik si Cecille at nakikita niyang pinagmamasdan siya ni Lukas. Tinitingnan nito ang kanyang reaksyon sa pinag-uusapan ng kanilang mga magulang. Subalit hindi niya kayang ikaila ang totoo niyang nararamdaman.Bukod sa nagulat siya sa tema ng usapan, naguluhan din siya dahil hindi niya gusto ang ginagawa ng kanyang mga magulang at hindi niya kayang isambulat ang nilalaman ng damdamin niya ng mga oras na 'yun.
Matapos ang mahabang usapang 'yun ay kinausap pa ng palihim ng mag-asawang Mayor ang mga magulang ni Cecille malapit sa kusina. Naiwan sa sala si Cecille at Lukas.
"Nagustuhan mo ba ang mga plano Cecille?" tanong ni Lukas sa kanya nang sila na lang sa sala.
"Lukas, ano 'to? Hindi mo naman nasabi 'to sa 'kin?" mahinang sagot ni Cecille pero pinakita niyang may gigil sa kanyang pagkakasabi.
Walang naisagot si Lukas hanggang sa niyaya na si Cecille ng kanyang mga magulang na umuwi.
Lingid sa kanila ay naririnig lahat ni Aling Milagring ang kanilang pag-uusap. Naninikip ang dibdib nito dahil alam niya ang mararamdaman ng anak niyang si Arnold kapag nalaman nito ang mga plano ng mga Valentin at ng mga magulang ni Cecille.
Subalit hindi na niya ito masasabi dahil malamang na nakaluwas na si Arnold sa oras ng kanyang pag-uwi at maghihintay pa siya ng isang linggo sa muling pagbalik nito.
Nasa tricycle pa lamang ay panay na pangangarap ni Aling Upeng habang kausap ang anak.
"O kita mo na Cecille, narinig mo naman siguro lahat ng sinabi nila Mayor at Mayora. Naiiyak naman ako at mawawalay na sa amin itong anak ko. Pero ikaw talaga ang nagbigay sa amin ng swerte anak. Magiging maayos na bahay natin tapos may tindahan pa nanay mo. Siempre hindi nila pababayaan na mukhang mahirap 'yung magiging balae nila. Kaya mas malamang sa hindi lang repair ang gagawin sa bahay natin, Baka ibilli pa tayo ng gamit gaya ng pridyider saka telebisyon. Tapos ikaw naman 'andun ka lang sa bago n'yong bahay, mag-aalaga ka lang ng mga halaman dun na namumulaklak. Siempre madalas ka naming dadalawin du'n. Naku anak salamat, salamat din sa Diyos." punong-puno ng pananabik ang mga sinasabi ni Aling Upeng.
"Ibili mo na lang ako ng tricycle anak para mamasada na lang din ako." singit naman ng nakikinig na si Mang Delfin na nasa likod ng driver ng tricycle.
"Magiging donya ka na pala Aling Upeng. Kailan na ba ang kasalan?" sumagot din ang tsismosong driver na nakikinig din sa mga sinasabi ni Aling Upeng.
"Naku malapit na. Konting panahon na lang." sagot naman ni Aling Upeng.
Gustong-gusto ng sumagot ni Cecille pero pinipigilan pa din niya ang kanyang sarili. Gigil na gigil na siyang patahimikin ang Nanay niya sa paghabi nito ng mga nais na mangyari sa buhay nila. Gusto na niyang magsalita para matapos na ang pantasya ng kanyang ina pero hinintay nya talaga na makauwi sila.
"Nay hindi ako magpapakasal kay Lukas. May boyfriend ako, si Arnold. Mahal ko si Arnold." bungad agad ni Cecille pagkapasok na pagkapasok nila ng kanilang bahay.
"Nasisiraan ka na ba ng bait ha Cecilia? Mapapalamon ka ba ng sinasabi mong pagmamahal na 'yan ha. Palay na ang lumapit sa manok pawawalan mo pa?" nakapameywang na sabi ni Aling Upeng.
"Sira na yata ulo ng anak mo Upeng. Abe sila mayor na gumawa na lahat ng plano tatanggihan mo pa?" si Mang Delfin.
"Plano nila, saka plano n'yo. Hindi n'yo man lang ako tinanong kung gusto ko ba." si Cecille.
"Hoy Cecilia, anak lang kita. 'Wag kang makasagot sagot sa 'kin ng ganyan. Sino pinagmamalaki mo ha, si Arnold? Eh mahirap pa sa daga tulad natin mga 'yun. Kung hindi mangangatulong du'n sa mga Valentin Nanay nu'n, ano lalamunin ng mga 'yun sige nga." galit na sabi ni Aling Upeng.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
General FictionKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?