Hindi naging madali kay Arnold ang mga sumunod na mga araw. Nahahati ang utak niya sa pag-aaral at sa mga alalahanin. Wala siyang maisip na sagot para sa problema nila ni Cecille. Hindi siya maaaring magpabaya kahit sandali sa pag-aaral dahil may maintaining grade siya para sa isang partial scholar niya, subalit hindi din mawala sa isip niya na baka isang araw pag-uwe niya ng Cavite ay wala na siyang Cecille na dadatnan.
Pati ba naman ang bayan na pinagkalakihan niya ay ipinagdamot pa ng mayor sa kanila tanong niya sa sarili.
Nang dumating ang sabado ay si Cecille na mismo ang pumunta sa kanila dahil sa ayaw na talaga tanggapin sa bahay nila si Arnold. Pagkatapos nilang kumain ay nasa sofa lang sila ulit para mag-usap.
"Kamusta?" bungad ni Arnold.
"Mahal, parang gusto ko ng lumayas ng bahay." sagot namn ni Cecille.
"Bakit? Ano na nangyayari?" maang na tanong ni Arnold.
"Pinasukatan na ko ng damit pangkasal pati sila nanay at tatay." salaysay ni Cecille.
"Saan ka naman pupunta kung maglalayas ka?" tanong ni Arnold.
""Hindi ko alam. Pero gusto kong magpakalayo kaso ikaw iniisip ko mahal. Kapag nawala ako ay tiyak na itutuloy pa din nila ang plano nila sa 'yo. Saka tiyak na hindi ako mapapatawad nila nanay." sagot ni Cecille.
"Sumusuko ka na ba? Naisip ko na 'yan eh. Gusto ko sana itanan na kita, magtanan na tayo. Pero magulang ko din inisip ko. Naaawa ako sa kanila sa gagawin ng mga Valentin." si Arnold.
"Paano na gagawin natin Mahal?" tanong ulit ni Cecille.
Mula sa pagkakaupo sa sofa ay humiga si Arnold sa kandungan ni Cecille bago ito sumagot. Hinagod naman ni Cecille ang buhok ng nobyo ng nakahiga na ito.
"Napapagod na ko mag-isip Mahal. Kahit natatakot akong dumating 'yung araw na 'yun, parang hindi pa rin ako makapaniwala na mangyayari na 'yun. Parang isang masamang panaginip lang 'to. Panaginip na ang hirap gumising, para kapag nagising ako eh masaya na ulit tayo.Ibig kong sabihin eh 'yung parang dati. Wala tayong iniisip kundi yung mga pangarap natin. Naiintindihan mo ba ko mahal?" si Arnold sabay tingala sa kasintahan.
"Pareho pala tayo Mahal. Lahat ng posibleng pwede kong gawin laging may kontra. Laging may dahilan para hindi ko gawin. Tatandaan mo lagi ha na ikaw lang ang minahal ko. Mahal na mahal kita Mahal." si Cecille.
"Mahal na mahal din kita Mahal." sagot ni Arnold sabay hinawakan nito ang pisngi ni Cecille at dahan-dahang inilapit nito ang mukha sa mukha niya. Ipinahiwatig nila ang kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng kanilang mga labi. Mula sa pagkakahiga sa kandungan ni Cecille ay umupo si Arnold ng hindi naghihiwalay ang kanilang mga labi. Halik na puno ng damdamin, halik na nangangakong sila lang ang magmamahalan, halik na kailanman ay hindi malilimutan. Pagkahiwalay ng kanilang mga labi ay pinunasan ng isat-isa ang mga luhang pumatak.
"Tandaan mo Mahal, anuman ang ipagkaloob ng Diyos sa atin, lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita. Hindi magbabago 'yun." patuloy na pagluha ni Arnold.
"Eto pinapangako ko sa 'yo Mahal, makuha man nila ko, ibigay man nila sa akin ang pinakamamahaling bagay, hinding-hindi nila makukuha ang puso ko. Dahil ikaw lang din ang mamahalin ko." sagot ni Cecille.
Sa pagdaan pa ng mga araw ay pinag-aralan ni Arnold na hindi makita si Cecille. Ginawa niyang abala ang sarili. Mas tumutok siya sa pag-aaral dahil padating na naman ang final exam. Samantala, naging madalas na ang pag-absent ni Cecille dahil kung saan-saan na sila sinasama ni Mayor. Sa mga kamag anak nito upang magbigay ng imbitasyon at sa mga magiging Ninong at Ninang nila ni Lukas at kung saan-saan pa.
Tuluyan ng nawalan ng pag-asa si Cecille dahil sa hindi na din pagpapakita ni Arnold. Inihanda na niya ang sarili na para na din siyang pinatay sa araw ng kanilang kasal ni Lukas. Ang hindi niya alam ay walang gabing hindi siya iniisip ni Arnold. Laging basa ng luha ang unan nito. Tinitiis ang sakit na nararamdaman para sa mahal niya.
Isang buwan bago ang kasal nila Cecille at Lukas ay pinatawag ni Mayor si Arnold. Isang telegrama ang dumating kay Arnold kaya't napilitan itong umuwi.
Pagdating ni Arnold sa bahay ng Valentin ay parang sasabog ang puso niya ng makita niyang nandu'n si Cecille at mukhang may lakad ang pamilya ng Valentin na kasama ito. Nandu'n din si Lukas na binigyan agad siya ng nakatutuyang ngiti. Nakikita lahat 'yun ni Milagring. Hindi mapakali si Cecille sa pagkakaupo niya. Ayaw niyang makita siya ni Arnold na katabi ang kinamumuhian nito. Pero para silang tau-tauhan ni Arnold. Na naging sunud-sunuran sa mga nagpapatakbo ng buhay nila.
"Oh Arnold, kanina ka pa ba?" bungad na bati ni Mayor.
"Kadarating lang po mayor. Good morning po pala." sagot naman ni Arnold.
"Nagmamadali kasi kami at may dadalhan pa kami ng imbitasyon. Ah sa susunod na linggo eh lilipat na ang Nanay at Tatay mo du'n sa kapatid ko, alam mo na siguro 'yun. Saka du'n ka na din uuwi para hindi ka na umuupa. Idagdag mo na lang sa allowance mo 'yung iuupa mo. Ah eto ang tseke, sobra-sobra na 'to para sa magiging matrikula mo hanggang sa tapusin mo ang medisina. Ideposito mo sa bangko. Magbukas ka muna ng account para wi-withdraw ka na lang kapag kailangan mo na. Oh paano?Aasahan ko na matatapos mo ang pag-aaral mo ha." si Mayor na tumapik pa sa kanang balikat ni Arnold.
Biglang pagbaba naman ni Mayora na nakagayak na din.
"Good morning po Mayora." bati ni Arnold dito.
"Good morning iho. Oh tara na." yaya ni Mayora sa asawa at kina Cecille at Lukas.
"Mauna ka na iha sa sasakyan." sabi ni Mayor kay Cecille.
"Sandali lang po iinum lang po ako." paalam ni Cecille na lihim kinausap si Aling Milagring na pupunta siya sa kanilang bahay mamaya.
"Mauna na kami ni Cecille." si Mayora matapos nakabalik ng sala ni Cecille.
"Oh paano Arnold, mauna na kami. Magmeryenda ka muna diyan. Nand'yan naman ang Nanay mo." paalam ni Mayor.
Sinadya talaga ni Lukas na magpatihuli na lumabas.
"Paano Arnold? Talo ka na naman. Sorry na lang ha. Kukunin sana kitang bestman eh. Hehehe. Kaso baka hindi ka pumayag." nakakainis na tawa ang iniwan nito bago tuluyang lumabas si Lukas.
Nagpupuyos sa galit ang damdamin ni Arnold. Gusto niyang magwala sa bahay ng mga Valentin. Nagngangalit ang kanyang mga bagang habang kuyumos niya ang dalawang kamao. Nang matanawan ni Aling Milagring na nakaalis na ang lahat ay nilapitan nito ang anak. Inalo muna niya ito bago sinabi ang planong pagkikita nila ni Cecille sa bahay nila.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
General FictionKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?