Inabangan na ni Cecille ang pagdating ni Arnold sa oras na lagi itong dumarating. Hindi kumikibo si Aling Upeng na nagbabasa ng komiks pero nahalata niya ang kilos ng anak. Maging si Mang Delfin na nagsisibak ng panggatong sa ilalim ng punong mangga ay nahalata ang kilos ni Cecille na hindi mapalagay pero gaya ni Aling Upeng, hinayaan lamang nila ito."Magandang hapon po Mang Delfin." bati ni Arnold habang bumababa sa kanyang bisikleta. Isinandig niya 'yun sa puno at akmang magmamano kay Mang Delfin.
"Sige na at marumi 'tong kamay ko." tinanggihan ni Mang Delfin ang pagmamano ni Arnold at gumawa na lang ito ng dahilan.
Napansin 'yun ni Arnold dahil dati-rati'y kahit ano pang hawak nito o ginagawa ay pinagmamano siya.
"Tao po." tawag ni Arnold habang pumapanhik ng hagdanan.
Nabosesan agad ni Cecille si Arnold kaya't mabilis nitong tinungo ang pintuan. Wala namang kakilos-kilos si Aling Upeng gayong naririnig din niya ang tawag ni Arnold.
"Pasok ka Arnold, akala ko'y hindi ka na darating. Pagabi na kasi." nakangiting bungad ni Cecille.
"Dami ko kasing projects, inuna ko munang gawin. Tinapos ko muna bago ko pumunta dito." sagot ni Arnold.
Alam na ni Arnold ang mga plano ng mga Valentin at ng mga magulang ni Cecille dahil sinabi ito sa kanya ng kanyang inang si Milagring kaya hindi na siya nagtataka sa pakikiharap sa kanya ng mga magulang ni Cecille.
"Magandang hapon po Aling Upeng." bati ni Arnold sa Nanay ni Cecille na hindi man lang huminto sa pagbasa sa hawak nitong komiks.
Parang napahiya si Cecille kay Arnold sa inasal ng kanyang ina pero siya na din mismo ang gumawa ng paraan para hindi na ito mapansin ni Arnold.
"Naku sinusubaybayan ni Nanay 'yan kaya mahirap abalahin 'yan kapag hawak na n'yan ang komiks." aniya.
"O kamusta na pag-aaral?" dugtong agad ni Cecille.
"Daming projects. Sunod-sunod ang quiz, long test, pero kinakaya naman. Ikaw? Dalawang sem ka na lang ah." si Arnold.
"Malapit na kaming mag-thesis. Nahihilo na 'ko minsan sa dami ng numbers na nakikita ko. Kahit sa pagtulog napapanaginipan ko na puro numero." sagot ni Cecille sabay tawanan nilang dalawa.
Lihim na nakikinig si Aling Upeng na nasa gilid ng bintana. Wala naman sa komiks ang atensyon nito at nakikinig lang sa pinag-uusapan ng dalawa at halos mapilas ang pahina ng komiks sa tuwing ililipat niya ng pahina ito.
Patuloy sa kwentuhan ang dalawa. Hindi alam ni Cecille na alam na ni Arnold ang mga plano sa kanya nila Mayor at ng magulang niya pero hindi pa alam ni Arnold ang tungkol sa pagtanggal ng scholarship nila ni Cecille. Gusto ng sabihin ni Cecille ang mga nasa sa loob niya subalit nakabantay ang Nanay niya sa sala na hindi naman dating ginagawa at 'andun naman sa ilalim ng punong mangga si Mang Delfin na nagsisibak ng kahoy kaya't hindi rin sila makapwesto duon.
Naisipang magtimpla ng kape ni Cecille para kay Arnold at sa pagbalik nito at may hawak na itong kapirasong papel at ballpen.
"Magkape ka muna." alok ni Cecille pagbalik nito galing sa maliit na kusina.
"Salamat. Aling Upeng kape po tayo?" alok ni Arnold sa nanay ni Cecille
Imbes na sumagot ay muli nitong inilipat ng malakas ang pahina ng komiks na hawak. Sinamantala ni Cecille na magsulat habang nagbabasa ng komiks ang kanyang ina.
"Magkita tayo bukas sa plaza.9am. Magpapaalam akong may project kami." ang siyang nilalaman ng sulat ni Cecille.
Pagkatupi ng papel ay inabot niya agad ito kay Arnold. Pinamulsa naman agad ito ni Arnold at saktong ibinaba ni Aling Upeng ang hawak na komiks. Sakto din naman na nasa huling hakbang na ng hagdan si Mang Delfin para makapasok ng pinto kaya't hindi nila natanaw ang pagkakapamulsa ni Arnold ng sulat.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
General FictionKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?