Pagkatapos ilapag lahat ng waiter ang order nila ay hindi napigil ni Arnold na itanong muli ang hindi pa nasagot ni Karl na tanong niya."Karl, ano na nga 'yung huli mong sinabi?" habang kumukuha ng kanin si Arnold.
"Malabo kasi na hanggang ngayon eh dinadamdam pa ni Mommy ang pagkawala ni Daddy after lahat ng nalaman ko." sagot ni Karl na lalong nagbigay ng kuryosidad kay Arnold. Pero napansin niyang kumakain na si Karl kaya't hinayaan na muna niya itong kumain.
"Sige kumain muna tayo mamaya na lang natin ituloy 'yung pag-uusap natin." sabi na lang ni Arnold na sinagot naman ng bahagyang pagtango ni Karl habang ngumunguya na ito sa unang subo nito ng pagkain.
Binilisan ni Arnold ang pagkain niya sa kasabikan nitong malaman ang sasabihin pa sa kanya ni Karl. Subalit kahit tapos na siyang kumain ay halos nasa kalahati pa lang si Karl sa kinakain nito. Hindi naman pinahalata ni Arnold na nagmamadali siya kaya't dinahan-dahan niya ang pag-inom ng tubig. Iinom siya ng kaunti at ilalapag ang kanyang baso at inuulit-ulit niya ito habang pinagmamasdan ang pagkain ni Karl.
"Baka bitin ka pa pwede pa tayong umorder?" sabi ni Arnold kay Karl ng napansin niya itong patapos na sa pagkain.
"Okay na po. Dami ko nga pong nakain." sagot naman ni Karl bago ang huling subo na nakaamba na sa kanyang bibig.
Tiningnan muna ni Arnold kung ganap ng tapos kumain si Karl bago niya buksan muli ang pinag-uusapan nila. Pero sa kanyang paghihintay ay nauna nang nagsalita si Karl.
"Galing po kasi ko kila Lolo Delfin, sa bahay nila mommy dati at naikwento po nila sa akin 'yung tungkol po sa inyo." bungad ni Karl pagka-inom nito.
"A-anong tungkol sa 'kin Karl?" muli na namang na-curious si Arnold.
"Yung tungkol po sa inyo ni Mommy at ni Daddy. Alam ko na po lahat Tito. Pero okay lang sa 'kin 'yun, matagal na naman po 'yun eh." pagtutuloy ni Karl.
Para namang sinilihan ang puwet ni Arnold dahil hindi niya alam kung ano ang mga detalye ng kwento na sinabi na nalaman ni Karl. Iniisip niyang bakit nasabi ni Karl na okay lang sa kanya at nakaraan na 'yun, alam na marahil ni Karl na siya talaga ang mahal ng mommy niya at hindi ang Daddy niya. Hindi na lang kumibo si Arnold at naghintay pa ng sasabihin ni Karl.
"Ang iniisip ko po ngayon Tito, baka kaya ikinalungkot ni Mommy nu'ng makita ka ulit." sabi ni Karl na parang nag-iisip pa din ito ng malalim.
"B-bakit naman siya m-malulungkot?" bahagyang nagpawala ng kapirasong ngiti at tawa si Arnold pero gustong-gusto na niyang marinig ang nagiging obserbasyon niya sa mommy nito.
"Tito hindi naman ako manhid. Unang-una, kahit na nasa ospital pa si Daddy nakita ko may sparkle sa mata ni Mommy. Naghahalo ang lungkot at ewan ko kung saya 'yun pero may ibang kilos si mommy nu'n na nuon ko lang nakita sa kanya. Tapos nu'ng nandoon tayo kila Lola parang ang sigla niya kahit kalilibing lang ni Daddy. Tapos, ayun na. Parang nagbago na siya nitong mga huling buwan. Nahihiya man akong aminin sa sarili ko pero sa tingin ko nami-miss ka ng mommy ko." dire-diretsong kwento ni Karl.
Hindi malaman ni Arnold kung malulungkot ba siya o matutuwa sa kwento ni Karl. Nalulungkot siya dahil sa nabalitaan nito sa kalusugan ni Cecille at kung totoo ang iniisip ni Karl na nami-miss siya ni Cecille ay ang siyang nagpapalundag ng puso niya. Hindi naman niya alam kung paano sasagutin ang sinabi ni Karl.
"Siguro, nagbalik lahat sa memories niya 'yung past n'yo. Hindi naman kinukwento sa 'kin ni Mommy 'to eh. Kina Lolo at Lola ko pa nalaman. Nagsisisi nga daw sila. Naiyak pa si Lola habang nagkekwento."
"Nagsisisi saan?" singit na tanong ni Arnold.
"Na ipinakasal daw nila si Mommy kay Daddy. Ihingi ko daw sila ng tawad kay Mommy. Naalala ko tuloy nung nagso-sorry din sa 'yo si Lola. 'Yun pala 'yun." patuloy na kaswal na pkikipag-usap ni Karl kay Arnold.
"Tito, concern ako kay Mommy kaya ginagawa ko 'to. Wala na nga akong Daddy, ayoko namang tuluyang ma-depress si Mommy. Alam ko, napag-aaralan na namin yun, pwedeng mapunta sa depression ang nangyayari kay Mommy. Maiintindihan naman siguro ko ni Daddy sa ginagawa ko." patuloy ni Karl.
"S-sigurado ka ba Karl diyan sa mga sinasabi mo? S-sabagay matalino kang bata. Naalala ko pa dati nu'ng nabasa mo 'yung kilos ko." napangiting sabi ni Arnold.
"Eh p-paano gagawin natin? Ano maitutulong ko? Sabihin mo lang Karl." patuloy ni Arnold.
"Baka po pwede nyong dalawin si Mommy kahit po sandali lang? Kung hindi po abala sa inyo." may pagsusumamo sa mukha ni Karl.
Kung alam lang ni Karl na plano niya talagang ligawang muli ang mommy nito pero hindi pa sa maagang panahon, dahil bilang respeto kay Lukas ay hihintayin pa niya ang paibis-luksa nito. Hindi naman pinahalata ni Arnold ang kasabikan sa hiling ng binata.
"K-kailan ba pwede?" tanong ni Arnold.
"Nitong weekend po sana kung pwede kayo. Sabay na po tayo pag-uwi ko." turan ni Karl.
"Hmm, sige Karl. Gagawin ko maitutulong ko. Aayusin ko muna schedule ko sa ospital tapos, akina nga pala number mo. Tatawagan kita. Then tawagan mo 'ko kung saan naman kita dadaanan pag pauwi na tayo du'n sa inyo." sabi ni Arnold.
"Salamat Tito Arnold ha. Sana nga tama ang hinala ko. Salamat talaga tito Arnold." napangiti ng matipid si Karl.
Naging masigla ang sumunod na araw para kay Arnold. Nagpunta agad siya sa parlor para magpagupit at hiniling pa niya sa manggugupit na gawin ang babata ang itsura niya. Matapos ay nagpakulay siya ng buhok para matakpan ang mangilan-ngilang lumalabas na puti nito. Nang makakuha ulit siya ng oras ay nagpunta naman siya ng mall para bumili ng damit na medyo fit sa kanya at medyo baston na maong para magmukha siyang mas bata sa edad niya. Bumili din siya ng pabango na babagay sa kanya.
Gaya ng mga nakakapansin ay hindi naman talaga siya mukhang kwarenta'y dos sa edad niya... mukha siyang mas bata ng sampung taon. Matapos mabili lahat ng kailangan ay sinukat pa niya lahat ito at hindi magkandatuto sa pagharap sa salamin upang tingnan ang sarili niya.
Dumating ang araw ng sabado. Namili muna siya ng mga prutas at ibang pasalubong bago niya daanan si Karl sa sinabi nitong lugar. Ganumpaman, hindi niya ipinapahalata sa anak ni Cecille na mas nananabik siyang makita ang mommy nito, kaysa sa hiling nitong dalawin ang mommy niya. Kung totoo man ang hinala ni Karl, sana ay manumbalik nga ang dating sigla ni Cecille upang mawala na ang pag aalala ni Karl at maging simula 'yun upang mapalapit siyang muli sa babaeng hinintay niya ng mahabang panahon.
"Ganda yata ng porma mo ngayon ha tito?" napansin agad ni Karl ang suot ni Arnold.
"Ha? Ah, ganito naman akong manamit kapag may lakad ako saka kapag wala akong pasok... feeling bagets pa din. Pangit ba?"sagot naman ni Arnold na nagpawala ng bahagyang pagtawa.
"Hindi po. Napansin ko lang po. Nanibago lang ako ng konti." sagot ni Karl na nakatingin pa din sa kabuuan ni Arnold.
Mula sa rearview mirror ng kotse, napansin din ni Karl na bagong gupit si Arnold at nagpakulay din ito ng buhok pero hindi na niya sinabi pa kay Tito Arnold niya ang napansin niyang 'yun.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
General FictionKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?