Mabilis ang ginawa ni Cecille na mga hakbang hanggang narating niya ang labas ng ospital. Luminga-linga muna siya at hinanap ang cafeteria na sinasabi ng nagtext sa kanya.
Wala siyang matanaw na cafeteria kaya't gumawi pa siya sa may highway upang mas malapitang makita ang mga dikit-dikit na karatulang nakikita niya.Kapagdaka'y nakita na naman niya ang babae na nakita niya kani-kanina lang malapit sa parking ng ospital. Naka-dress ito na plain black na hanggang tuhod. Nasa kabilang kalsada ito at nakatingin na naman sa kanya. Nang mapansin ng babae na nakatingin sa kanya si Cecille ay may pinasukan itong gusali, pagtingin ni Cecille sa karatula ng pinasukan ng babae ay isang cafeteria. Iyon na marahil ang nagtetext sa kanya at naisip niyang bigla kung paano nalaman ng babaeng ito ang number niya. Hindi na nag-aksaya ng panahon si Cecille at tumawid na agad siya kahit hindi pa naka-green light dahil napansin naman niyang madalang pa ang sasakyan.
Tinungo niya agad ang cafeteria. Pagbukas niya ay 'andu'n ang babae, nasa isang sulok sa pandalawahang table. May dalawang kape agad na nakahain sa mesa nito. Naisip niyang baka may iba itong kasama pero tiningnan siya ng babae at kinawayan siya. Mabilis na lumapit si Cecille na hindi nagpakita ng anumang reaksyon.
"Upo ka mam Cecille Valentin." alok agad ng babae.
"Sino ka? Bakit kilala mo 'ko?" tanong ni Cecille na sinabayan ng lingon sa counter. Tinantya niya kung malakas ang boses niya kung lilingon ang mga empleyado. Hindi marahil maririnig ng mga crew ang boses nila kaya duon napili ng babae na puwesto.
"Umupo muna po kayo at sasagutin ko po ang tanong nyo." sabi ng babae.
"Miss, nag-aagaw buhay ang asawa ko, Wala akong mahabang panahon kaya sabihin mo na ang sasabihin mo." si Cecille habang paupo kaharap ang babae.
"Kahit may kinalaman sa nangyayari sa asawa mo hindi ka ba magiging interesado?"
Nagulat si Cecille sa sinabi ng babae.
"May kinalaman ka ba sa pagkakabaril sa asawa ko?"
"Bakit mam? Hindi ka ba makakahinga ng maluwag kapag nawala ang asawa mo?" sabi ng babae na seryosong nakatingin sa mata ni Cecille.
Hindi agad nakasagot si Cecille dahil kung talagang kilala siya ng babaeng ito ay maaaring alam nito ang naging buhay niya sa piling ni Lukas.
"W-wala kang karapatang panghimasukan ang damdamin ko miss. Unang-una eh hindi kita kilala at mahal ko ang asawa ko." naging malikot ang mga mata ni Cecille.
"Masyadong hahaba ang usapan na 'to mam. Didiretsahin na kita, ako ang bumaril sa asawa mo." walang gatol na pagkakasabi ng babae.
Nanlaki ang mga mata ni Cecille sa narinig mula sa babaeng kaharap. Hindi galit ang nararamdaman niya kundi takot dahil nakikita niya sa mata ng babae ang nag-aapoy na galit sa pagkakasabi nito.
"B-bakit mo nagawa 'yun sa a-asawa ko? Pagbabayaran mo sa batas 'yan?" pilit nagpapakatatag ni Cecille at pigil na mapalakas ang kanyang boses.
"Susuko ako pero pakinggan mo muna ko mam." sabi ng babae. Hindi na sumagot si Cecille at pinakita niyang handa siyang makinig.
"Ako si Jocelyn Bantigue, kapatid ko si Jackilyn Bantigue. Hindi mo kami kilala 'di ba mam?" tanong ng babae na sinagot lang ni Cecille ng pag-iling ng ulo niya.
"Nagpakamatay ang kapatid ko dahil sa asawa mo Mam Valentin." mahina pero madiin ang pagkakasabi ng babae. Hindi pa nakakaalpas sa pagkakagulat si Cecille sa nalaman kay Jocelyn at may bago na namang nagpagulat sa kanya.
"Waitress ang kapatid ko mam sa isang resto bar sa may Pasay. Uulitin ko, waitress hindi hostess, hindi pokpok, hindi kaladkarin. Naging customer ng kapatid ko ang asawa mo. Naging madalas sila kumain at uminom hanggang ang asawa mo na lang ang nagpupunta at hinihintay ang tapos ng shift ng kapatid ko. Niligawan ni Lukas Valentin ang kapatid ko mam. Sinasabi niyang hihiwalayan ka na daw niya dahil wala ka daw silbi at matanda ka na daw. Hindi naman ganu'n kadaling maniwala ang kapatid ko mam. Dumadalaw ang asawa mo sa inuupahan naming apartment mam kaya naririnig ko lahat ng pinag-uusapan nila. At kami na lang ng kapatid ko ang namumuhay dito sa Maynila dahil sa bisaya lahat ng kamag-anak namin. Napaniwala ng asawa mo ang kapatid ko sa matamis niyang mga salita. Kinukwento pa niya mam ang kahalayan niyang ginagawa sa 'yo pati ang pananakit at pang-aabuso dahil ayaw na daw niya sa 'yo. Sabi ng kapatid ko, tigilan na niya ang pananakit sa 'yo at makikisama na siya sa asawa mo. Kung saan-saan ipinapasyal ng asawa mo ang kapatid ko. Kung anu-anong regalo at materyal na bagay ang ibinibigay. Hanggang sa ibinukod niya ang kapatid ko sa akin. Ibinukod niya ng apartment. Madalas pa rin kaming makapagkwentuhan ng kapatid ko dahil pinatigil na siya sa trabaho ng asawa mo. Nahulog ng tuluyan ang loob ng kapatid ko sa asawa mo mam. Hanggang sa natuklasan niyang may iba na naman itong babaeng kinakasama. Hindi na siya pinupuntahan ng asawa mo, hindi na din binabayaran ang apartment at halos mamatay na sa gutom ang kapatid ko. Hindi pa 'yun ang masakit mam. Minsan siyang pinasyalan ng asawa mo may kasama pa ito, alam n'yo ba mam na pinapaligawan pa ng asawa mo ang kapatid ko sa kasama niya matapos niyang makaraos? Napakabait ng kapatid ko mam. Ikinukwento niya sa Nanay at Tatay namin si Lukas. Ipimagmamalaki pa niya at tuwang-tuwa naman ang mga magulang namin. Kaya sobrang ikina-depressed ng kapatid ko ang ginawa ng asawa mo.Nabasa ko lahat 'yun sa sulat na iniwan ng kapatid ko ng makita ko siyang nakabitin sa kisame mam." pahayag ni Jocelyn.
"Simula nu'n ay hindi ako tumigil hangga't hindi ako nakakaganti mam. Kaya't lagi ako tumatambay sa mga lugar na alam kong pinupuntahan ng asawa mo. Ang tagal kong naghintay mam. Mukha akong tanga gabi-gabing naghihintay at nagpapalipat-lipat ng lugar. Swerte at nagkita ulit kami. Sinadya ko talagang laging nakaayos kapag gabi. Alam ko mam nakita mo 'ko kagabi. Ako 'yung nakita mo kagabi. Nakita kitang sumilip sa bintana n'yo sa itaas. Hindi ko naman balak siyang barilin mam eh. Balak ko lang siyang saksakin dahil wala naman akong baril. May pinapagawa sya sa akin na hindi ko masikmura at natitiyak ko mam na ginagawa din sayo 'yun ng asawa mo. Nang tumanggi ako ay kinuha niya ang baril at pinanakot sa 'kin para gawin ko ang gusto niya. Ginagawa niya sa akin 'yun habang nakatutok ang baril niya. Gumana ang utak ko, nagkunwari akong nasisiyahan sa ginagawa niya kaya't inilapag na niya ang baril sa kama. Nang nagkaroon ako ng pagkakataon ay dinampot ko ang baril at ipinutok ko sa kanya." pagpapatuloy ni Jocelyn.
"Gaya ng sinabi ko sa 'yo mam, susuko ako. Pero sasabihin ko lahat ng nangyari sa buhay namin ng kapatid ko. Ilalabas ko ang bulok na pagkatao ni Lukas Valentin. Kahit ngayon ay pwede n'yo ko ipadampot sa pulis mam." desididong mga salita ni Jocelyn.
"Diyos ko. Ano ba 'to?" tanging namutawi sa bibig ni Cecille habang gulung-gulo ang utak niya sa mga sinabi ng babae.
Hindi siya maaaring gumawa ng biglaang desisyon dahil alam niyang isang malaking usapin ang mangyayari at maaaring pati siya ay makaladkad sa eskandalo. Gumagawa sila ng imbestigasyon samantalang kaharap niya mismo ang salarin pero wala siyang magawa.
"Mam, patawarin n'yo po ako. Pero hindi po ako nagsisisi sa nagawa ko. Hihingi din po ako ng tawad sa Diyos. Pero kung kailangan kong pagbayaran sa batas ang ginawa ko ay sa inyo ko na po ipapaubaya ang lahat." patuloy ni Jocelyn.
Naramdaman ni Cecille ang sinseridad sa mga sinasabi ni Jocelyn pero hindi pa din niya alam kung ano ang gagawin niya.
"Jocelyn tatapatin kita, gulong-gulo utak ko ngayon. Tapos kinausap mo pa 'ko, lalo na kong naguluhan. Ako na humihingi ng tawad sa 'yo sa nangyari sa kapatid mo, pero may kasalanan ka din. Paano ba 'to?" hindi makabuo ng sasabihin si Cecille.
"Gaya ng sabi ko mam handa po akong makulong kung kinakailangan pero sana ay manaig pa din ang katarungan." sabi ni Jocelyn.
Nag-iisip si Cecille ng maaari niyang sabihin o ng dapat niyang gawin ng biglang nag-ring ang telepono niya. Tumatawag si Karl.
"Mommy nasan po kayo? Gumising po si Daddy." sabi ni Karl sa kabilang linya.
"Gumising ang Daddy mo?" tanong ni Cecille na inulit lang niya upang iparinig kay Jocelyn.
Hindi kinakitaan ni Cecille ng kakaibang ekspresyon si Jocelyn sa narinig niya bukod sa tumingin lang ito sa kanya.
"Kailangan ko ng bumalik ng ospital." sabi ni Cecille na nagmamadali at nagpaalam kay Jocelyn.
"Alam n'yo number ko mam." pahabol ni Jocelyn kay Cecille na nagmamadaling lumabas ng cafeteria.
BINABASA MO ANG
Till Next Time
Ficción GeneralKung hindi ka naging masaya sa buhay mo dahil hindi mo nakatuluyan ang totoong mahal mo, may pag asa pa kayang lumigaya ka?