Napapukpuk ang nakakuyom na kamay ni Robert sa kahoy na upuan sa terasa. Doon siya dinala ng kanyang mga paa pagkatapos iwanan si Elaine sa kusina.
Napatingala siya sa pagpipigil ng luha habang nagtatagis bagang. Hindi lang naman siya galit kay Elaine, dahil sa totoo lang mas nagagalit siya sa kanyang sarili. Dahil hindi niya alam kung ano ang nararapat niyang gawin.
"Ma, sana nandito ka pa rin ngayon. Siguro nabatukan mo na ako sa pinag gagawa ko sa buhay ko," natatawang sambit niya sa sarili habang nakatingala sa langit.
Two years ago ay namatay si Mrs. Belen dahil sa Cancer. Inilihim nito ang sakit na nararamdaman sa kanilang lahat, ni walang nakahalata na may dinadamdam na pala ang ginang. Kaya naman laking gulat nila noong magcollapse ito at maratay na sa hospital. Ilang linggo lang ay binawian ito ng buhay.
Labis niya iyong dinamdam. Sinisi niya ang sarili dahil wala man lamang siyang nagawa. Halos sukuan niya ang kanyang buhay kung hindi lamang kay Vivien. Alam niyang gaya niya, nasaktan ng labis si Vivien sa pagkawala ng kanyang ina. Pero nagpakita ng katatagan si Vivien. Katatagan na wala siya sa panahong iyon. Mahal na mahal niya ang kanyang ina. Silang dalawa na lang at ngayon iniwan siyang nag-iisa.
"Love is sacrifice anak. Kapag nagmahal ka, matuto kang magsakripisyo para sa ikasisiya ng minamahal mo. Ganoon kita kamahal, gagawin ko ang lahat para sumaya ka. Ayaw ko nang maging pabigat sa iyo kaya sinarili ko ito. At masaya akong pupunta roon sa paraiso, dahil alam kong naibigay ko na ang lahat sa iyo. Mahal kita anak." Iyon ang huling salita ng kanyang ina bago lagutan ng hininga. Hanggang ngayon hindi pa rin niya maintindihan ang ibig nitong sabihin sa pagsasakripisyo. Kung ang tungkol iyon sa pakikisama niya kay Elaine at ang pagbitaw kay Vivien, ayaw niyang magsakripisyo. Buong buhay niya minahal niya si Vivien. Si Vivien lang ang tanging babaeng inikutan ng kanyang mundo.
Hinahaplos ni Vivien ang pasa malapit sa kanyang labi. Napangiwi siya sa sakit, maging ang pasa niya sa mata masakit din na tila ba nangangapal.
"Hinintay mo na lang sana ako at hindi na sumugod pa. Kita mo ang nangyari sa iyo," naiiyak na sambit nito habang patuloy ito sa pag eksamina sa kanyang pasa.
Nakatitig lang siya sa babae. Halos magkalapit din ang mga mukha nila kaya amoy na amoy niya ang mabangong hininga nito. Napalunok tuloy siya noong mapatitig sa labi nitong mamasa masa.
"Kinabahan ako roon. Akala ko sa hospital ang bagsak mo."
Nag-iwas siya ng tingin noong lumingon ito at napatitig sa mga mata niya.
"Bakit ka kasi nakipagsayaw, 'di bat kabilin bilinan kong umiwas ka. Lalo na sa ugok na iyon!" Galit galitang saad niya. Napangiwi dahil naramdaman ang sakit sa gilid ng labi.
Tipid na nangiti si Vivien. Pagkatapos ay napalabi ito.
"Pinilit niya ako. Wala akong nagawa. Alam kong binilinan mo rin si Carol pero kahit siya walang nagawa," napakunot noo siya at nagtaka. Hindi niya naman binilinan si Carol ah! Minabuti na lamang niyang hindi isatinig iyon.
"Sorry na, next time hindi na niya ako mapipilit. Dadaan na lang muna siya sa malamig kong bangkay kapag nakataon," pagbibiro ng babae na hindi niya nagustuhan. Lalo siyang napasimangot. Umasim ang pagmumukha niya kasabay ng hapdi sa kanyang pasa.
"Salamat Robert. Ikaw ang laging nandiyan para iligtas ako. Simula noong bata ako hanggang sa ngayon, nasa tabi pa rin kita. Kaya please, pareho na lang tayong umiwas, ayaw kong may mangyari sa iyong masama."
Napakurap kurap si Robert at namangha sa narinig. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Tila ba may hinahabol lalo na sa realisasyon sa mga nasabi ni Vivien.
Inabot niya ang baba nito at inangat.
"Mahal mo rin ba ako Viv?" garalgal ang boses na tanong niya sa dalaga.
Namimilog ang mga mata ni Vivien dahil sa tanong na iyon ni Robert. Mahal mo rin ba ako? Rin...
Unti unting sumilay ang mabining ngiti sa mga labi nito. Kung gayon, pareho sila ng nararamdaman para sa isa't isa.
"Ano Viv? Sagutin mo ako?" kinakabahan na muling tanong ni Robert. Pero may kutob siyang oo ang sagot dahil sa ngiting iyon ni Vivien na tila nahihiya pa. "Gusto ko ng sagot Viv, huwag mo naman lang ako ngitian ng ganyan," pakiusap niyang tila nawawalan na ng pasensiya.
Inalis ni Vivien ang kamay niyang nasa baba nito. At pinagsalikop ang mga kamay nila.
"Mr. Robert Belen. Ang batang sa umpisa pa lang walang hinangad kundi ang kabutihan ko. Ang batang una pa lang, nakitaan ko na ng pagpapahalaga sa akin. Ang batang nagbigay sa akin ng pagkakataong lumakad sa malawak na daan. Maglakbay na may pakpak sa paa kahit sobrang hirap ng daang tinatahak ko. Dahil sa tsinelas na binigay mo, naglakad akong taas noo. Kahit ikaw ang mawalan ng tsinelas, kahit masaktan pa ang mga paa mo, isinakripisyo mo ang natatanging saplot ng paa mo para sa batang paslit na gaya ko. Sa araw na iyon, pinasok mo ang puso ko. Sa araw na iyon, naging malaki ang puwang mo sa loob nito," hinawakan ni Vivien ang dibdib na malapit sa kanyang puso. "Sa araw na iyon, minahal ka ng musmos kong puso, at hanggang ngayon mahal ka nito," nakangiti ngunit lumuluhang saad ni Vivien sa kanya. Natulala na siya sa pag amin ng dalaga. "Im in love with you." Aniya at napayuko ito. Hindi niya alam kung anong itsura niya sa harap ni Vivien. Nakatitig lamang siya.
Para siyang itinulos sa kinauupuan at hindi maproseso ng maayos ang sinabi ni Vivien. Para siyang nananaginip kung hindi lang masakit ang mga pasa niya sa katawan.
Pinakiramdaman niya ang sarili. Naroon pa rin ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Biglang sumilay ang ngiti sa kanyang labi.
Sa galak, nahila niya si Vivien at niyakap ito nang mahigpit. Ikinulong niya sa mga bisig ang babaeng pinakamamahal.
"Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya ngayon Viv. Totoo ba ito? Hindi kaya napakalakas lang ang suntok ng gagong iyon sa akin kaya nagdedeliryo ako? Totoo ito 'di ba? Hindi panaginip!"
Tumawa si Vivien. Tawang tila sa anghel ayon kay Robert. Nakakagaan ng loob sa tuwing tumatawa o ngumingiti ang dalaga.
"So tayo na 'di ba?" Inilayo niya ang sarili kay Viv at muling tumitig sa mga mata nitong nakangiti.
"Hmmm, oo."
Napabuga siya ng hangin at napasuntok sa hita ng marahan.
"Yes! Matutuwa nito si mama."
Mas lalong napalawak ang ngiti sa labi ni Vivien. Noon pa lang alam niyang boto na sa kanya si Mrs Belen. Pahapyaw kasing nilalakad nito ang anak sa tuwing nag-uusap sila.
Hindi nila alam, iyon na pala ang huling balitang makapagpapasaya sa ginang. Dahil sa araw ding iyon. Sa loob ng bahay ng mga Belen, nakahandusay ang wala nang malay na matanda.
"Ma, anong gagawin ko. Mahal na mahal ko si Vivien. Hindi ako handang pakawalan siya dahil sa isang pagkakamaling kahit kailan wala akong kinalaman," bulong niya sa hangin.
BINABASA MO ANG
Hate To Love You (Completed)
General FictionMay mga nakaraan tayong pilit kinakalimutan. Nakaraang sumusubok sa ating katatagan. Paano kung ang nakaraan na iyon ay mag-iwan ng malaking sugat. Sugat na kahit maghilom man ay mag-iiwan naman ng malaking pilat. Pilat na magpapaalala ng sakit at p...