Walang lingon-likod na umalis si Vivien. Tanging ang kanyang pitaka lang niya ang nadala.
Una niyang destinasyon ay ang prisinto. Gusto niyang malaman ang kalagayan ng kanyang ama. Masyado siyang nag-aalala dito.
Napatutop siya sa bibig nang makita ang itsura ng ama. May benda ito sa ulo. May mga pasa at gasgas sa kamay at braso.
Hindi niya mapigilang lumuha habang pinipigilan ang sariling magpakita ng kahinaan sa ama.
"Tay, bakit?"Hindi makatingin ng diretsa sa kanya ang ama.
"Tay, tignan niyo ako? Please, bakit? Inutusan ba kayo ni Jayson? Tinakot niya ba kayo para gawin iyon?" Umiling ito. Nakatingin pa rin sa mga kamay na may posas.
"Tay?" hindi niya mapigilang tumayo at lapitan ang ama. Niyakap niya ito ng sobrang higpit.
Yumugyog ang balikat ng matamdang Rivas. Alam niyang umiiyak na rin ito ng lihim. Hinawakan nito ang kamay niyang nakayakap.
"Hindi ko sinasadya anak. Tatakutin ko lamang sila para layuan ka. Para hindi ka na muling guluhin pa. Pero nauna silang nanugod. Tinutukan ako ng baril ng Perez na iyon. Inilaban ko lang ang aking sarili. Kilala ko ang ina mo, Vivien. Hindi ka titigilan noon," Saad nitong hamahagulgol na.
Sobrang bigat ng pakiramdam niya. Ang makita ang ama sa ganoong kalagayan nang dahil sa kanya. Kahit kailan hindi siya magiging masaya.
"Patawarin mo ako anak, patawarin mo ang papa mong walang ginawang kabutihan sa buhay mo. Patawarin mo ako dahil hanggang ngayon hindi kita mabigyan ng magandang kinabukasan. Anak...nararapat sa iyo ang magandang buhay, pero hindi ko man lang nagawang ibigay iyon sa iyo..."
"Tay,! Hindi ako katulad ni Nanay. Hindi ako maghahangad ng bagay na alam kong mahirap abutin. Masaya naman tayo di ba? Masaya naman tayo dati, Tay. Bakit tayo nagkaganito?" Hindi na niya mapigilan ang muling paghagulgol dahil sa sama ng loob sa lahat ng pangyayari. Hindi niya alam kung anong nagawa niyang pagkakamali at napaparusahan siya ng ganoon.
Wala naman siyang ibang hinangad kundi ang kabutihan ng lahat. Kabutihan ng mga taong nakapaligid sa kanya. Akala niya ay makakapagsimula siyang muli. Magsisimula siya ng panibagong buhay kasama ng lalaking ngayon ay minamahal na niya. Pero sa isang iglap lang, tila naglaho lahat ng iyon. Ang paulit-ulit na pagkakamali ni Jayson, ang paulit-ulit na ginagawang kasalanan ang gumiba ng lahat ng pag-asang meron siya.
"Anak, magpakalayo-layo ka dito. Umalis ka at magbagong buhay," malamlam ang mga matang paki-usap ng kanyang ama. Umiling siya rito.
"Hindi ko kayo pababayaan dito. Hindi ko kayo iiwan." Matigas niyang tanggi. Alam niyang kailangan siya ng kanyang ama.
Ginagap na muli nito ang kanyang kamay. Kasalukuyan na silang magkaharap sa mesa at nag-uusap.
"Mas makakabuti sa iyo ang pag-alis Vivien. Maniwala ka sa akin anak, ipagpapasalamat mo pa sa akin ang bagay na ito." Ngumiti ito ng pilit. "Huwag mo akong alalahanin anak. Itong pagkakakulong kong ito ay kabayaran ng mga kasalanan ko noon pa sa Ina mo. Ngayon na ako sinisingil ng pagkakataon."
Napakunot noo siyang napatitig sa ama. Nagtatanong ang kanyang mga mata.
Lumunok ng makailang beses ang kanyang ama bago nagpatuloy at sagutin ang mga katanungang nasa isip niya.
"Ako at ng iyong ina ay magkababata. Pareho kaming pinalaki ng isang mapagmahal na tao. Katulong ito sa angkan ng Perez, ang ama ni Jayson. Noong magdalaga ang iyong ina, napasok siya bilang katulong doon. Ako naman ay namasukan sa construction. Minahal ko ang iyong ina,Vivien. Pero nagmamahalan na pala sila ng lihim ng Eduardo na iyon. Para hindi sila mabuko, ginamit ako ng iyong ina. Naging magkasintahan kami habang sila ni Eduardo nang hindi ko alam." May pait sa boses nito habang inaalala ang nakaraan. "Nag iba ang pakikitungo sa akin ng ina mo noong magpakasal si Eduardo sa pinakamayamang negosyante dito sa atin. Ang ina ni Jayson. Hindi ko siya maintindihan noon. Pero dahil mahal na mahal ko siya, ginawa ko ang lahat para unawain siya. Ang hindi ko matanggap ay ang pakikipaghiwalay niya sa akin ng walang dahilan." Nanginginig ang boses nito na nagku-kwento. Masakit para kay Vivien na makita ang ama na naghihinagpis. Hinaplos niya ang mukha nito. Napapikit ang kanyang ama.
"Vivien, nilapastangan ko ang iyong ina. Paulit-ulit ko siyang ginahasa kaya ka nabuo," humahagulgol na pag-amin nito.
Nagulantang siya doon. Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Kaya pala hindi siya magawang mahalin ng kanyang ina. Kaya pala labis ang pagkasuklam nito sa kanya. Dahil iyon sa madilim na nakaraan nito sa ama niya.
Muling naglandas ang luha niya sa mga mata. Parang may kung anong humalukay sa kanyang sikmura. Nakaramdam siya ng hilo.
Pinikit niya ng mariin ang kanyang mata. Nang magmulat ay nahanap niya ang mga mata ng ama natila walang buhay.
"Nang dumating dito ang pamilya ni Eduardo galing America. Namasukan ang iyong ina bilang katulong nila. Kung alam ko lang Vivien ang namagitan sa kanila noon, sana inilayo na kita dito. Sana hindi ka nagdusa dahil sa kagagawan namin. Sa mga kasalanang kahit siguro sa impiyerno hindi ko mababayaran!" bulaslas nitong nagkuyom ng kamao.
Nasasaktan siya ng sobra. Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. Naisip niya si Jayson. Naisip niya ang pagdurusa nito sa kamay ng kanyang ina. Kung sakali ngang nailigtas nga siya ng kanyang ama sa sakit ng nakaraan. Paano si Jayson? Paano ito kung nagkataon?
"Umalis ka na dito anak," may kinuha ang kanyang ama sa bulsa nito. At inabot sa kanya.
Hindi siya makapaniwalang muling napabaling ang tingin sa ama.
"Gamitin mo iyang perang naipon ko Vivien. Magbagong buhay ka anak. Lumayo ka at magsimulang muli. Gawin mo ang bagay na hindi ko man lang nagawa para sa iyo dati." seryosong saad nito sa kanya. Nakatitig sa kanyang mata. Pilit kinukumbinsi. Marami pa sana siyang gustong sabihin sa ama. Marami pa siyang gustong tanungin.
"Mr. Rivas, tapos na ang dalaw," anang pulis na lumapit sa kanila. Tumayo ang kanyang ama at bumitiw sa pagkakahawak niya. Hindi na siya muling sinulyapan kahit sa huling sandali.
Nanghihina siyang lumabas sa prisinto. Napakapit siya sa pintuan dahil sa tumitinding hilo. Pinakiramdaman niya ang sarili.
"Vivien?" Napalingon siya sa tumawag sa kanya. Nahanap ng mata niya si Robert. Humahangos na lumapit sa kanya.
Tumuwid siya ng tayo at nagkunwaring ayos ang lagay.
"Bakit ka nandito Robert?" Pinilit niyang ngumiti. Kahit pa nanginginig ang kanyang mga labi. Gusto niyang umiyak. Naalala na naman niya kung bakit sila naghiwalay. Kung sino ang may kagagawan.
"Narinig ko ang balita. Ayos ka lang ba?" Malungkot nitong tanong. Hinawakan siya sa braso.
Tumango siya at umiwas dito. Napatigil ito dahil sa kanyang lantarang pag-iwas.
"Ayos lang ako Robert. Salamat," ika niyang nagsimula na muling maglakad.
Pinigilan siya nito sa braso. Napalingon siya sa kamay nitong nakahawak sa kanya.
"Hindi ka mukhang ayos Vivien. Halika na sumama ka sa akin," sabi nito at pilit siyang hinila ng walang pwersa. Hindi siya tuminag.
"Hindi makakabuting makita pa tayong magkasama Robert. Lalo na at..."
"Kung si Elaine ang iniisip mo. Umalis na si Elaine, Viv. Pinakawalan na niya ako. Puwede na tayo..."
Humarap siya kay Robert. Nakangiti.
Umiling siya rito."Wala nang magiging tayo Robert. Hindi na puwede. Kung ako sa iyo. Susundan ko si Elaine. Hindi mo alam kung anong pinapakawalan mo, Robert...pinapakawalan mo ang babaeng kaya kang mahalin ng buong-buo. Walang pagkukunwari."
Nag-iba ang itsura nito. Halatang hindi masaya sa kanyang sinabi.
"Vivien?"
Ginagap niya ang kamay ni Robert. Muli niyang inalayan ng ngiti ang lalaki. At saka niyakap. Kahit sa huling pagkakataon mayakap niya ang lalaking naging malaking parte ng buhay niya.
"Ingatan mo ang sarili mo. Hanapin mo kung anong makakapagpaligaya sa iyo Robert. Patawad kung hindi ako ang taong iyon. Hindi ko na kayang ibigay ng buo ang sarili ko sa iyo. Dahil alam kong may ibang bubuo na nito. Patawarin mo ako," ika niyang pinilit maging matatag. Hindi niya hahayaang magpakita siya ng kahinaan dito.
Hindi nakapagsalita si Robert kaya naman tumalikod na siya. Tinalikuran niya ito at tuluyan ng naglakad papalayo. Sa kanyang paglayo, hindi niya napigilang lumuha. Alam niyang tama ang kanyang ginawa. Ayaw na niyang maulit pa ang nakaraan. Ang sanga-sangang kabiguan ng bawat isa na nagdulot lang ng matinding trahedya. Nagdulot ng pighati at poot sa bawat puso ng mga kasangkot.
Ang pagmamahal nga talaga ay pagpapalaya. Kaya naman nakapagpasya na siya. Papalayain na niya ang sarili. Sana lang talaga tama ang desisyon niya.
BINABASA MO ANG
Hate To Love You (Completed)
General FictionMay mga nakaraan tayong pilit kinakalimutan. Nakaraang sumusubok sa ating katatagan. Paano kung ang nakaraan na iyon ay mag-iwan ng malaking sugat. Sugat na kahit maghilom man ay mag-iiwan naman ng malaking pilat. Pilat na magpapaalala ng sakit at p...