Kabanata 22

160 21 41
                                    

Wala sa kanyang sarili si Vivien habang nagluluto ng hapunan nila ni Jayson. Malayo ang kanyang tingin na para bang may makikita siyang sagot sa lahat ng tanong na bumabagabag sa kanya.

Mula noong naghiwalay sila ni Robert, hindi na siya pinatahimik ng mga katanungang hindi pa rin nasasagot dahil wala naman siyang lakas ng loob para itanong.

Tama bang pinakawalan niya si Robert para sa kapakanan ni Elaine at sa dinadala nito? Pakiramdam niya kasi, mali ang desisyon niyang hindi pakinggan ang paliwanag ni Robert. Ipinagtulakan niya ang lalaki kay Elaine.

Ngayon, silang tatlo ang nagdurusa. Alam niyang hindi masaya si Robert sa sitwasyon nito ngayon. Akala niya kasi noong una, isa-alang alang ng lalaki ang sanghol sa sinapupunan ni Elaine. Nagkakamali pala siya. Mas naging komplikado ang lahat.

Naawa siya sa kanyang sarili, pero mas naaawa siya kay Elaine na nakikiamot ng konting pagmamahal. Nakikipagkumpetensiya sa kanya, kahit hindi naman dapat. Kaya hindi niya ito masisisi kung magalit at isumpa siya.

Pero hindi ba't kasalanan naman nito kung bakit naging ganoon ang sitwasyon nila. Kung hindi nito inakit si Robert, hindi sila hahantong sa ganoon.

Napapatanong siya kung ano ang nagtulak sa babae para maisip ang bagay na iyon. Dinungisan nito ang sariling pagkababae, pati ang iniingatang pangalan ng ama nito ay nadamay rin.

Napapailing siya noong maisip na dahil iyon sa matinding pagmamahal. Napaka makasarili naman ng pagmamahal nito para isakripisyo ang sarili. Nagpakadesperada ito at ipinagpilitan ang sarili sa lalaking hindi siya kayang mahalin.

Napaupo siya habang hinihintay na kumulo ang niluluto. Nagpikit siya ng mga mata at nanatiling ganoon ang ayos ng ilang saglit. Pagmulat niya, maitim na mga mata ni Jayson ang sumalubong sa kanya. Titig na titig sa kanya. Bigla siyang nailang.

"Nandito ka na pala? Hindi man lang kita napansin na dumating," ngumiti siya ngunit halatang pilit. "Pinapakuluan ko pa ang karne, makakapaghintay ka ba ng kahit tatlumpong minuto?"

Hindi ito tuminag o nagsalita. Nakatitig lang si Jayson sa kanya.

Kinilabutan siya sa mga titig nito. Napansin niyang iba ang aura ni Jayson ngayon. Nagbaba siya ng tingin dahil hindi na niya maarok ang mga titig nito. Nang mahagip ng kanyang paningin ang duguang kamao ng lalaki.

Walang sabi-sabing lumapit siya at hinawakan ang kamay nito.

"Anong nangyari?" Nanunuri ang mga matang tanong niya kay Jayson. Gumalaw ang panga nito na para bang may pinipigilan.

"Wala iyan," walang emosyon na saad nito at hinila ang kamay na hawak niya.

Naningkit ang mga mata niya at muling hinuli ng tingin ang mga mata ni Jayson.

"Anong ginawa mo?" Kinakabahan siyang malaman na may ginawa nga itong kagaguhan, gaya ng dati kapag nagagalit ito. Ang kaibahan lang noon sa ngayon. Hindi siya ang napagbuntungan nito? Napaisip siya kung sino ang napagbalingan nito ng galit.

Hindi kaya si?---

"Huwag kang mag-alala buhay pa at maayos ang lalaking iyon. Walang galos, kung iyon ang ibig sabihin ng mga tingin mong iyan!" Medyo may bahid ng pagkadismaya ang tinig nitong nagsalita at sinagot ang katanungan sa kanyang isip. "Papanhik na ako, kumain ka na lang mag-isa at magpahinga. Hindi ako gutom," Aniya saka na siya tinalikuran.

Magsasalita pa sana si Vivien pero parang naumid ang kanyang dila.
Kaya naman pinagmasdan na lang niya ang likod ng papalayong lalaki.

Nang makarating si Jayson sa kwarto agad niyang sinarado ang pinto. Inilapat niya ang likod sa pintuan at dumausdos pasalampak sa sahig. Itinaas niya ang isang tuhod at doon ipinatong ang namamanhid na kamay.

   Hate To Love You (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon