Kabanata 26

123 23 27
                                    

"Gagawa po akong paraan para makalaya kayo agad dito, Itay," wika niya sa ama. Natapos na ang bagyo ng damdamin. Humupa na ang emosyong kinimkim nilang dalawa.

"Huwag na anak. Hayaan mo na ako rito. Ang mahalaga sa akin ay ang nasa mabuti kang kalagayan, na ayos ka lang." malungkot ang mga matang saad ng kanyang ama.

Ginagap niya ang kamay nito.

"Itay, hindi ko hahayaan na mabulok kayo rito. Mag-iipon ako ng pang piyansa ninyo."

Maluha-luhang napangiti ito sa kanya.

"Kamusta ka na pala, anak? Saan ka ngayon nakatira? Kay Robert ba?"

Malungkot siyang napangiti. Napakagat siya sa kanyang labi at umiling.

Kununot ang noo ng kanyang ama at nagkasalubong ang kilay.

Napasulyap siya tuloy kay Jayson na kausap ng isang pulis. Wala sa sariling napalingon din ang kanyang ama sa gawi na tinitignan niya.

Napahugot ng malalim na hininga si Mr Rivas nang makita kung sino ang sinusulyapan ng anak.

Naningkit ang kanyang mata lalo na noong tumingin din si Jayson sa gawi nilang mag-ama at salubungin ang nanghuhusga niyang titig.

Kinuha niya ang atensiyon ng anak sa pamamagitan ng pagtapik sa kamay nito.

"Bakit mo kasama ang Perez na iyon Viv?" puno ng pag-aalalang tanong niya sa anak.

Ito naman ang napakunot noo. Walang kaalam-alam ang Tatay niya sa pangyayari noon dahil hindi naman siya nagku-kwento dito.

"Hangga't maaari iwasan mo siya anak. Hindi ka dapat lumalapit sa kanya. Baka mapahamak ka..."

Nagtaka si Vivien sa babala ng ama. Napalunok siya at muling napalingon sa gawi ni Jayson.

"Hindi ko maintindihan Itay."

"Basta anak, lumayo ka hanggang maaari."

Nalilito si Vivien dahil sa turan ng ama. Napaisip siya kung ano ba talaga ang ugnayan nila kay Jayson. Bakit ganoon na lamang ang reaksiyon ng kanyang ama?

"Tay?"

"Mas maganda nga sigurong makalabas na lang ako rito at sumama ka na lamang sa akin, magpakalayo-layo na lamang tayo."

Biglang na lamang kinilabutan si Vivien sa suhestiyon ng ama. Naging magalaw tuloy ang mga mata niya at hindi mapakali. Wala siyang maapuhap na salita para tanggihan ang ama.

Sa totoo lang, kahit makalabas na ang kanyang ama, wala na talaga siyang balak sumama dito. Binabalak niyang mamuhay mag-isa. Tutal, ganoon naman kahit noon pa. Hindi na siya uuwi sa kubo nila sa bundok. Makikipagkita na lamang siya sa ama kapag umuwi ito galing sa trabaho.

"Nagdadalawang-isip ka bang sumama sa akin anak?"

Lalo siyang napipilan sa tanong nito. Napatingin siya sa kamay niyang hawak nito.

"Tay, huwag na muna nating isipin iyan. Unahin muna natin ang paglaya mo..."

Nang biglang tumuwid sa pagkaka-upo ang kanyang ama. Ang tingin nito ay lampas sa kanya kaya napalingon siya sa kanyang likuran.

Nahigit niya ang hininga dahil ngayon ay nasa malapit na si Jayson. Matamang nakatingin din sa kanyang ama. Mabigat ang pakiramdam niya sa oras na iyon.

Tinitigan niya ang ama. Inaarok ang emosyong meron ito. Pero parang tupang hindi makatingin sa kanya o kay Jayson ang kanyang ama.

Muli niyang sinulyapan si Jayson sa kanyang likod.

   Hate To Love You (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon