HINDI pa gaanong nakakalayo si Roseanne nang masalubong ang paparating na jeep ni Robert. Hinintuan sila nito.
"Hey, saan kayo patungong dalawa?"
"Oh, you're heaven sent, Robert!" bulalas niya na nakahinga nang maluwag. Biglang nakadama ng pagod sa ginawa niyang pagkarga kay Andre at pagmamadaling makalayo.
Umikot sa passenger seat si Roseanne. Inabot ni Robert mula sa kanya si Andre at pinapasok sa likod ng jeep. "Patungo talaga ako sa inyo at may sasabihin ako sa iyo."
Isinandal niya ang sarili sa sandalan ng jeep. Tumaas-baba ang dibdib niya sa paghahabol ng hininga. Pagkatapos ay bahagya niyang nilingon ang pinanggalingan. Nakatayo pa rin sa harap ng bahay si Eric. Muli niyang ibinalik ang tingin sa dinadaanan nila.
"What's wrong?" tanong ni Robert.
"Nothing." Sapilitan siyang ngumiti. "Hindi ba ako makakaabala sa iyo kung magpapahatid kami ni Andre kina Manang Felipa?"
"Walang problema. Isa pa'y kailangan kitang makausap tungkol sa libro, Anne," wika nito. Pagkatapos ay nagbuntong-hininga. "Hinihingi ko ng paumanhin ang pagpayag kong sundin ang gustong mangyari ni Mrs. Librado na baguhin ang mga figures sa libro."
Napahugot ng hininga si Roseanne. Bagaman natitiyak na niya iyon matapos ang pag-uusap nila ni Luke. "Ano ang ibig mong sabihin, Robert?"
"Pinabago ni Mrs. Librado ang totoong figures sa financial statement," wika nito, nilingon siya. Nasa mukha ang paghingi ng paumanhin. "Nang dumating ka'y minadali niya akong gumawa ng panibagong statement at pinalabas na mahina ang kinita ng farm nitong nakalipas na taon. Kung papayag ka ay daanan natin sa bahay ang totoong financial statement na ginawa kong una."
Yes, why not? Kailangan niya ang ebidensiyang iyon sa pakikipag-usap niya sa manager niya at kay Louise.
She turned to him. "Let's go and get the documents, Robert, then I'll forgive you for being part of this fraud." She could hardly contain her anger.
"Thank you, Roseanne." He smiled, the kind of smile that didn't reach the eyes. Iniliko nito ang jeep sa kabilang daan.
Maliban kay Andre na malakas na binibilang ang lahat ng punong-niyog na nadadaanan nila ay walang salitang namagitan sa dalawa. Robert's concentration was on his driving. Si Roseanne ay abala ang isip kung ano ang gagawin niya at kung paano niya pakikitunguhan ang tiyahin. Saan siya kukuha ng ebidensiya na ang mga ito ang nagtatangka sa buhay niya?
Nasa unahan ng daan nakatutok ang tingin niya at malayo pa ay nakita na niya ang pagtawid ng isang aso sa daan patungo sa kabilang bahagi. Naramdaman niya ang biglang pagbilis ng jeep.Nanlalaki ang mga matang nilingon niya si Robert. "W-what are you doing? Slow down. Masasagasaan mo ang aso!"
Subalit hindi ito nagmenor. Tuloy-tuloy ito at iginilid ang sasakyan sa left lane upang sadyang masagasaan ang aso na malapit nang makatawid. The sound of the dog hitting the jeep's bumper horrified Roseanne. Tinakpan niya ang bibig upang hindi mapasigaw.
"Mommy, we ran over the dog!" sigaw ni Andre mula sa likuran niya. Sindak nitong nilingon ang dinaanan nila.
Roseanne turned and held Andre's hand. Ganoon na lang ang pasasalamat niya at malabo ang transparent na plastic sa gitna ng itim na trapal at hindi natanaw ni Andre ang nasagasaang aso. Pagkatapos ay galit na nilingon si Robert.
Kung ano man ang sasabihin niya ay napigil sa lalamunan niya nang makita ang anyo nito. Nanlilisik ang mga mata nito nang salubungin ang tingin niya.
"Kinasusuklaman ko ang mga aso, Roseanne!"
Pinanlamigan ng katawan si Roseanne. Humigpit ang pagkakahawak niya sa braso ni Andre. Pamilyar ang mga salitang sinabi nito. Memories from her childhood flashed her mind. She was twelve years old.
Kararating lang nila ng mga magulang niya mula sa Maynila upang makisaya sa pagkapanalo ng lolo niya bilang bise-mayor. There would be a party the day after tomorrow. Hindi siya sumama sa mga magulang niya sa munisipyo upang daluhan ang panunumpa ng Lolo Quentin niya.
Mula sa silid niya sa itaas ay narinig niyang may umiiyak na aso. Ang iyak ng aso ay tila yaong nasasaktan. Dumungaw siya sa bintana. Nakita niya ang isang batang lalaki. She knew the boy to be the son of her grandfather's secretary who died a year ago. Inampon ito ni Mang Ponso, ang katiwala ng lolo niya.
May hawak itong malaking patpat na kawayan. Itinaas nito iyon at ipinalo nang ipinalo sa asong itinali nang kung paano na lang sa puno ng bayabas. Nanlaki ang mga mata niya sa pagkamangha at galit. Hindi niya kayang isiping may mananakit nang ganoon sa isang hayop.
Patakbo siyang bumaba at lumabas sa likod-bahay.
"Tumigil ka! Huwag mong saktan si Blackie! "
"Kinagat niya ako! Tingnan mo." Ipinakita nito ang isang mahabang galos sa binti at nagdudugo.
"Marahil ay ginalit mo siya. Mabait at hindi nangangagat ang asong iyan," pagtatanggol niya. Ang aso ay alaga ng mga katulong sa bahay ng lolo niya. "Bitiwan mo iyang patpat na iyan. "
Ngumisi lang ito. "Kinasusuklaman ko ang mga aso! Ang Tatay Elmo ko ay kinagat ng aso kaya hayun at hindi matino ang isip. Nahawa ng rabies." Itinaas nito ang patpat at muling hinataw nang hinataw ang asong hindi na makagulapay sa dami ng palong tinanggap mula rito. Ni hindi na makaungol ang hayop.
Tinakbo ni Roseanne ang aso. Natamaan pa ang balikat niya ng kawayan sa huling hataw ni Robert. Hindi niya ininda ang sakit at kinarga ang hayop. Ganoon na lang ang sindak at panlulumo niya nang lumungayngay ang ulo nito at hindi na humihinga.
Nagdilim ang paningin niya. Robert was older and taller. But she was furious. Nilapitan niya ito at sinuntok sa mukha. Nabigla si Robert at napatihaya sa buhanginan. Dinampot niya ang patpat na nabitiwan nito at inihataw rito. Tinamaan niya ito sa braso na itinaas upang sanggahin ang palo niya.
"Tikman mo ang ginawa mo kay Blackie!" galit niyang sabi. Akma niya itong papaluin uli subalit pagapang na tumakbo palayo si Robert.
Nagpupuyos sa galit na sinundan niya ito ng tingin habang tumatakbong palayo.Nanghihilakbot na muling tinitigan ni Roseanne si Robert. Tahimik ito sa pagmamaneho subalit nananatiling nakaigting ang anyo.
Ang asong patay sa kusina niya, ito ba ang may kagagawan? Nanayo ang mga balahibo niya. Shock and fear started to grip her. Isinugba ba niya ang sarili sa apoy?
"I-ipara mo ang jeep, Robert," utos niya sa nanginginig na tinig. "D-dito na lang kami ni Andre." Lumingon si Robert sa kanya. Isang tila baliw na ngiti ang pinakawalan nito.
"Kukunin natin sa bahay ang dokumento, 'di ba, Roseanne? At pagkatapos ay patatawarin mo ako sa ginawa kong pagsunod kay Nancy Librado?"
"Ihatid mo na lang iyon sa bahay. Ipara mo sa tabi at bababa kami ni Andre!" Akma niyang hahawakan si Andre upang palipatin sa harap subalit malakas at biglang nagpreno si Robert at sumubsob siya, tumama ang ulo niya sa salamin.
Ni hindi niya makuhang sumigaw sa sakit. Umikot ang paningin niya at bago iyon tuluyang nagdilim ay narinig niya ang malakas na iyak ni Andre na sumanib sa halakhak ni Robert.

BINABASA MO ANG
My Love My Hero, Montañez (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceMula nang palisin ni Flavio Guillermo sa balat ng lupa ang pamilya Montañez ay namatay na rin ang anumang damdamin mayroon si Luke. For almost five years, he refused to feel anything. Until one stormy night. Hindi napigil ni Luke ang sariling tulung...